Pangarap ng Binatilyo na Mapasama sa Varsity Team ng Kanilang Paaralan sa Larangan ng Paglangoy; Matanggap Kaya Siya Kahit Isa Lang ang Binti Niya?

“Diyos mio, Manuel, saan ka bang nagsuot na namang bata ka? Aba’y pinag-aalala mo ako lagi!”

Kauuwi lamang ni Manuel mula sa paaralan. Dapat kanina pa dahil hanggang alas dose ng tanghali lamang ang kanilang klase. Alas tres na ng hapon.

Nagmano si Manuel.

“Eh… napasarap po ako ng langoy sa sapa…”

Natigilan si Aling Gloria.

“Emmanuel naman… ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na tigilan mo na ang paglangoy-langoy na ‘yan sa sapa! Bakit ba ang kulit-kulit mo? Tingnan mo nga ang kalagayan mo… baka nakakalimutan mo, anak, na iisa lang ang binti mo? Paano kung mapahamak ka sa ginagawa mo?!” galit na may pag-aalalang sabi ni Aling Gloria.

Binanggit na nito ang buo niyang pangalan, kaya alam ni Manuel na talagang galit ang ina.

“’Nay… kailangan ko po kasing magsanay dahil nais ko talagang sumali sa varsity namin para sa swimming. Bukod po sa gusto ko talaga ang paglangoy, makatutulong din po sa inyo ito. Kahit paano, mababawasan po ang mga gastusin ninyo, dahil alam kong hirap na hirap na rin kayo…”

Advertisement

“Manuel… nawala na ang tatay mo at kuya mo dahil sa aksidente, tatlong taon na ang nakararaan. Ayoko lamang na mawala ka rin sa akin at hindi ko na kakayanin. Huwag mong intindihin ang pera at pag-aaral mo ang isipin mo. Kaya nga ako kumakayod nang mabuti para sa ating dalawa. Makinig ka naman sa akin, anak.”

Nakinig naman si Manuel sa kaniyang nanay. Itinigil na niya ang paglangoy sa sapa upang mag-ensayo. Subalit hindi siya bumibitiw sa kaniyang pangarap na mapabilang sa varsity sa kanilang paaralan.

“Kung mapapakita mo sa akin na kaya mong makipagsabayan sa mga swimmers na may dalawang binti, sige ipapasok kita sa team,” sabi sa kaniya ni Coach Ivan, ang coach ng swimming team.

“Sige po, coach.”

Manghang-mangha ang lahat nang lumangoy na nga si Manuel at ipakita ang kaniyang husay sa paglangoy. Natapos niya kaagad ang paglangoy at nakabalik sa base line sa loob lamang ng dalawang minuto.

“Magaling ka ha. Usually kasi, ang mga swimmers ko eh umaabot ng tatlong minuto. Pero ikaw na isa lang ang binti, dalawang minuto. Maayos naman ba ang mga grades mo?” tanong ni Coach Ivan.

“Opo, coach. Maayos naman po. Wala naman po akong bagsak na marka. Matataas naman po ang mga nakukuha kong iskor sa pagsusulit.”

“Sige, buweno, bibigyan kita ng parent’s consent form. Papirmahan mo sa magulang o guardian mo. Dalhin mo sa akin bukas. Kapag walang pirma ‘yan, hindi kita mapapayagang pumasok sa team ko.”

Advertisement

Gaya ng inaasahan, ayaw pumayag ni Aling Gloria nang ipakita at papirmahan na sa kaniya ni Manuel ang papel.

“Hindi. Pinal na ang desisyon ko. Hindi ka sasali diyan, at tigilan mo na ‘yan.”

“N-Nay… ito po ang gusto kong gawin. Ipinapangako ko po na hinding-hindi ko po pababayaan ang academics. Saka hindi na po ako lalangoy sa sapa. Mas ligtas pa nga po ang paglalanguyan ko, dahil sa swimming pool ng school ang practice venue namin.”

“Manuel, anak, bakit ba kasi pinipilit mo ang sarili mong makipagsabayan sa mga normal na tao? Dalawa ang mga binti nila. Ikaw…”

“’Nay, abnormal po ba ang tingin ninyo sa akin? Wala po ba kayong tiwala sa akin?” nangilid ang luha sa mga mata ni Manuel. Tumitig siya nang diretso sa mga mata ng ina.

Nilapitan siya nito. Niyakap.

“Hindi naman sa gayon, anak. Mahal na mahal kita, at masaya ako na naka-survive ka sa polio, pero ‘yan nga… nadali ang kaliwang binti mo. Kapakanan mo lang ang iniisip ko. Pero sige… kung iyan talaga ang makapagpapasaya sa iyo, pagkakatiwalaan kita. Lagi ka lang mag-iingat. Kapag napahamak ka riyan sa ginagawa mo, ako na mismo ang pupunta sa paaralan ninyo para i-pull out ka diyan.”

“Salamat po, Nanay! Salamat po!” masayang pasasalamat ni Manuel sa kaniyang nanay. Inalayan niya ito ng halik sa pisngi. Napakasaya niya!

Advertisement

“Balang-araw, magiging sikat na swimmer ako. Magiging atleta ako…”

Nagsimula na nga sa kaniyang araw-araw na pagsasanay si Manuel. Tuwing matapos ang mga klase, agad na siyang nagtutungo sa swimming pool area upang mag-ensayo.

Tinutupad naman niya ang kaniyang pangako sa kaniyang nanay na hindi niya pababayaan ang kaniyang pag-aaral at mag-iingat din siya.

Mababait naman ang kaniyang mga kasama lalo na ang kanilang coach na ginagabayan siya.

“Manuel, isasali kita sa District Meet ha, kaya galingan mo,” sabi sa kaniya ni Coach Ivan.

Sa araw ng District Meet, si Aling Gloria ang numero unong tagasuporta ni Manuel; sa kaniya ang pinakamalakas na hiyaw at palakpak mula sa mga nakasaksi at napabilib sa ipinamalas na husay ni Manuel. Nasungkit niya ang gintong medalya.

Dahil doon, nagtuloy-tuloy na ang panalo ni Manuel at ang karangalang naidala niya sa paaralan matapos umalagwa at masungkit ang mga gintong medalya para sa Division, Regional, at umabot na sa Palarong Pambansa.

Dahil sa kakaibang kalagayan ni Manuel, napansin siya ng media kaya naitampok siya sa mga balita. Marami ang humanga kay Manuel kaya sumikat siya sa lahat.

Advertisement

Kaya naman hindi nakapagtataka na siya ang inilaban sa paralympics na kumatawan sa Pilipinas para sa larangan ng swimming. Nasungkit niya ang gintong medalya, na tuluyang nagbago sa kanilang buhay.

“Anak… kung tumutol ako sa pagtupad sa mga pangarap mo, hindi mo sana mararating ang ganitong tugatog ng tagumpay. Kung tutuusin, isa lang ang binti mo, naglalakad ka gamit ang saklay, pero nagawa mong lumangoy nang malayo para maabot ang mga pangarap mo. Ipinagmamalaki kita!” sabi ni Aling Gloria habang nasa roof deck sila ng tatlong palapag na bagong bahay, na regalo ng pamahalaan kay Manuel.

“Maraming salamat po, ‘Nay. Ikaw ang inspirasyon ko sa lahat ng ito!”

Habang kaya pa, hindi mapapagod si Manuel sa paglangoy: sa tubig… sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap.