Sinuway ng Dalagita ang Pamahiin ng Lola na Huwag Lalabas ng Bahay sa Dis-Oras ng Gabi Dahil sa mga Gumagalang Aswang; Ikapahamak Kaya Niya Ito?

Mapamahiin ang Lola Florinda ni Mae kaya naman hindi maiwasan ng dalagita na hindi mainis kapag may mga desisyon itong nakabatay sa pamahiin.

“Apo, huwag ka nang magwalis, gabi na. Lalabas ang grasya ng langit,” sita nito sa kaniya nang walisin niya ang mga nalaglag na mumo ng pop rice na kaniyang kinakain, sa ilalim ng sofang de-kahoy kung saan siya nakaupo.

Marami-rami kasi ang nalaglag sa sahig kaya kailangang walisin.

“Eh lola, kapag hindi natin ‘yan winalisan eh baka langgamin po tayo,” katwiran ni Mae.

“Hayan ka na naman eh. Kokontra ka na naman sa akin. Sundin mo na lang ako, walang mawawala…”

“Walang mawawala kung susundin natin ang mga pamahiin. Mas mabuti na iyon kaysa magsisi sa huli,” pinutol ni Mae ang litanya ng kaniyang lola. Kabisado na niya. Matagal na niyang naririnig iyon, simula musmos pa lamang siya.

“Hay naku, niloloko mo na naman ako. Mabuti pa pulutin mo na ang mga mumo na iyan at itapon sa basurahan.”

Sadyang ganoon talaga ang kaniyang Lola Florinda. Ito na ang nag-alaga sa kaniya simula noong bata pa siya. Ang nanay niya ay isang OFW. Ang tatay niya… hindi niya alam kung nasaan. Hindi niya nakilala ang isang bahagi ng kaniyang pagkatao na bumuo sa kaniya.

Advertisement

“Huwag ka nang tumuloy sa lakad mo. May itim na pusa. Masamang senyales.”

“Itapon mo na ‘yang basong gamit mo na may basag. Malas ‘yan.”

“Huwag ka na magwalis kapag gabi. Itinataboy mo ang grasya ng Diyos…”

“Huwag kang kakanta habang nagluluto ka, baka makapangasawa ka ng mas matanda sa iyo…”

“Hindi ka dapat lumabas ng bahay nang mag-isa ka lamang lalo na kapag dis-oras ng gabi. Baka kainin ka ng mga pagala-galang aswang.”

Sa lahat ng mga pamahiing sinasabi ng kaniyang lola, ang tungkol sa paglabas nang mag-isa sa gabi at baka makain ng aswang ang hindi niya mapaniwalaan.

Unang-una, may aswang pa ba sa panahon ngayon?

Pangalawa, ano naman kung mag-isa lang? Kung totoo man ang aswang, palagay niya ay kahit may kasama ka pa, aatakihin ka nito. Noong bata pa siya, aminado siyang ito ang kinatatakutan niya sa lahat ng mga sinasabi ng lola niya na walang batayan.

Advertisement

Subalit habang lumalaki at nagkakaisip na siya, parang nasasabi niya na sa sarili niya na walang sapat na batayan sa agham ang mga pinagsasasabi ng kaniyang lola. Naisip niya na malamang ay panakot lamang ito sa kaniya.

Habang nagdadalaga ay unti-unting nasasabi ni Mae na pawang walang batayang makaagham ang mga pamahiin ng kaniyang lola.

“Mae, grabe ka naman, ang KJ mo naman! Sayang, pupunta pa naman si Teddy sa house party ko kaya sumama ka na,” pagpupumulit ni Jane, ang kaniyang kaklase. Si Teddy ang batchmate nila na aminadong crush na crush niya.

“Hindi ako papayagan sa amin, lalo na ang lola ko eh,” sabi ni Mae.

“Sus… gawan mo na lang ng paraan. Eh ‘di tumakas ka. Kapag gabi na, tulog na ang mga matatanda. Masaya rin minsan ang maging pasaway.”

Hindi na nagpaalam pa si Mae sa kaniyang lola dahil alam naman niyang hindi siya papayagan.

Gagawin na lamang niya ang payo ni Jane.

Kaya bandang 10:00 ng gabi, sa pagkakahimbing ng kaniyang lola, ay dahan-dahang lumabas ng kanilang bahay si Mae.

Advertisement

Pupunta siya sa house party. Saglit lang naman.

Dahan-dahan siyang lumabas ng bahay. Patiyad ang kaniyang lakad upang hindi makalikha ng ingay.

Maingat niyang inilapat ang kanilang tarangkahan upang hindi rin makalikha ng langitngit, at tiyak na magigising ang kaniyang lola upang silipin kung ano ang dahilan ng ingay. Wala na kasi silang alagang aso nang sumakabilang-buhay ito dahil sa sakit.

Madilim sa daanan at tila himbing na sa pagtulog ang karamihan. Nagpalinga-linga sa kaniyang paligid si Mae.

Naalala niya ang mga kuwento ni Lola Florinda hinggil sa mga kapre at tikbalang habang tinitingnan niya ang mga punong may malalabay na sanga. Nangalisag ang mga balahibo ni Mae.

Sumagi rin sa isip ni Mae ang madalas na panakot sa kaniya ni Lola Florinda hinggil sa mga aswang. Mapatutunayan na niya ngayon kung totoo ba iyon.

Nakarating siya sa house party ng kaibigan at naroon nga si Teddy. Si Teddy ang matagal na niyang crush, kaya hindi niya pinalampas ang pagkakataong mapalapit dito. Hindi niya namalayan ang oras na 3:00 na pala ng madaling-araw. Kailangan na niyang makauwi bago pa malaman ni Lola Florinda na tumakas siya.

Habang siya ay naglalakad pauwi at madilim pa rin, naramdaman niya na tila may sumusunod sa kaniya. Binilisan niya ang lakad. Sa pagbilis niya ng lakad ay naramdaman niyang tila bumilis din ang galaw ng sumusunod sa kaniya, kaya nagtatakbo siya.

Advertisement

Subalit sa pagmamadali niya, natapilok siya sa isang nakausling bato kaya nadapa siya. Pag-angat niya ng mukha, isang lalaking nakasuot ng parang ulo ng leon ang nasa harapan niya, kagaya sa mascot. Kinabahan si Mae. Nakaalis ang mga butones ng polo nito at kitang-kita niya ang katawan.

“Hi Miss… mukhang bubot ka pa ah, ganitong oras eh nasa labas ka pa? Naghahanap ka ba ng karanasan…”

“Hindi po, hindi po… uuwi na po ako…”

Subalit hindi na natapos ni Mae ang sasabihin nang kubabawan siya ng lalaki at takpan ang kaniyang bibig upang hindi siya makahingi ng saklolo.

Mabuti na lamang at nakadampot kaagad siya ng malaking bato mula sa kaniyang pinagbagsakan, kaya madali niya itong naihampas sa mukha ng lalaki. Umaringkingking ito sa sakit, kaya natadyakan din niya ang pagkalalaki nito.

Hindi alintana ni Mae ang masakit niyang paa dahil sa pagkakatalisod. Ang mahalaga’y makauwi siya.

Hindi niya matandaan kung paano siya nakauwi at nakapasok sa loob ng kanilang bahay. Nasumpungan na lamang niya ang sarili na pumapalahaw ng iyak sa harapan ng kaniyang lola at ng iba pa nilang mga kasama. Nabulahaw ang lahat sa malakas niyang pag-iyak.

Dahil hindi niya namukhaan ang salarin, hindi tuloy nakapagsampa ng kaso sina Lola Florinda laban sa naturang lalaki.

Advertisement

“Lola, sa susunod po’y talagang susundin ko na ang mga payo at bilin ninyo,” pangako ni Mae sa kaniyang Lola Florinda.

Napagtanto ni Mae na tama nga ang kaniyang lola: huwag lalabas ng dis-oras ng gabi dahil maraming pagala-galang “aswang” sa paligid.