Ikinagalit ng Lalaking Preso Nang Malamang May Relasyon ang Kaniyang Misis at Matalik na Kaibigan; Ano ang Mangyayari Kapag Nagkaharap Silang Tatlo?

“Ang mga walanghiya! Ang mga taksil!” galit na galit na wika ni Banjo.

May liham kasi siyang natanggap na nagsasabing may relasyon ang asawa niyang si Sharon at ang matalik niyang kaibigan na si Jocel.

Kasalukuyan siyang nakapiit sa bilangguan. Sampung taon na niyang pinagbabayaran ang kasalanan niyang nagawa noon. Masaya nga siya dahil kaunting panahon na lamang at malapit na siyang makalaya ngunit napakasakit na balita naman ang kapalit ng nalalapit niyang paglabas sa kulungan.

“Bakit ikaw pa, Jocel? Bakit ikaw pa na itinuring kong kapatid ang nang-ahas sa akin? At ang asawa ko pa ang pinuntirya mo,” nagngingitngit niyang sambit na sa tindi ng galit ay nilamukos nang todo ang hawak na papel.

“Kung magagawa ko lang na wasakin ang kulungang ito ay gagawin ko upang masingil ko ang kawalanghiyaan ninyo,” wika pa niya sa isip habang mahigpit na hinawakan ang rehas na bakal.

Nilapitan siya ng kasama niyang bilanggo. Napansin nito na kanina pa siya nagpupuyos sa galit.

“Relax ka lang, kosa. Huwag mong masyadong dibdibin ang bagay na ‘yan,” sabi nito na sinusubukan siyang pakalmahin.

“Magagawa ko bang ipagkibit-balikat ang nalaman ko, pare, gayong kaya ako napasok dito ay dahil sa ahas kong kaibigan?” aniya.

Advertisement

“Pero hindi mo pa naman napapatunayan kung totoo nga ang balitang nalaman mo. Bakit hindi mo muna kausapin ang asawa mo’t kaibigan kung totoo nga ang natuklasan mo sa kanila?”

“Para saan pa? Para manggaling mismo sa mga bibig nila ang ginawa nilang kataksilan sa akin? Ahhh… magbabayad sila!” matigas niyang sambit sa kausap.

Mula nang malaman niya na may namamagitan sa kanyang asawa at sa matalik niyang kaibigan ay naging maiinitin na ang ulo niya. Kung dati ay tahimik lang siya sa kulungan, ngayon ay palagi siyang nagwawala at naghuhuramentado. Wala siyang ginawa kundi ang kalampagin ang rehas na bakal na para bang gusto niyang kumawala roon. Wala naman siyang sinasaktan na ibang preso kaya hinahayaan na lamang siya ng mga ito na ilabas ang sama ng kanyang loob. Kahit ang mga gwardiya na nagbabantay roon ay napapailing na lang sa araw-araw niyang pagmamaktol.

May mga pagkakataon din na naiisip niyang gumawa ng paraan para makaalis sa lugar na iyon. Naghihintay ng pagkakataon upang makatakas siya. Atat na siyang paghigantihan ang taksil niyang asawa’t kaibigan ngunit agad siyang pinaalalahanan ng isa sa mga kasama niya.

“Banjo, kung ano man ang binabalak mo ay huwag mo nang ituloy. Mapapahamak ka lang,” payo nito.

Umiling siya, “W-wala naman pong anuman ito, Tata Celo,” pagtatakip niya sa sarili.

“Tandaan mo na malapit ka nang lumaya, Banjo. Huwag mong sayangin ang magandang rekord na ipinakita mo rito,” dagdag pa ng kasama niya.

“Hindi niyo lang kasi naiintindihan ang problema ko, Tata Celo. Hindi niyo po ako naiintindihan,” sagot niya.

Advertisement

“Lahat tayo ay dumadaan sa mga pagsubok, Banjo. Tibayan mo lang ang loob mo,” tugon ng matandang preso.

Sa mga paalala ng mga malalapit niyang kasama sa kulungan ay pansamantalang nakalmante ang loob niya. Subalit sa mga pagkakataong naiisip niya ang kataksilang ginawa ng asawa niya at matalik na kaibigan ay muling nag-uumigting ang galit sa kanyang dibdib. Minsan ay mas gusto niyang mapag-isa at walang kausap. Nagmumukmok siya sa isang tabi at nagbabasa ng diyaryo o anumang maaaring mabasa.

Isang araw ay dumalaw doon ang asawa niyang si Sharon ngunit hindi niya ito nagawang harapin.

“Hindi mo ba kakausapin ang asawa mo, Banjo?” tanong sa kanya ng gwardiya sa kulungan.

Umiling siya, “Sabihin niyo na lang po na tulog ako at masama ang pakiramdam,” tugon niya. Ayaw niya munang makita ang pagmumukha ng misis niya. May takdang oras sa muli nilang paghaharap.

Hanggang sa dumating ang matagal na niyang pinakahihintay.

“Nalakad ko na ang iyong conditional pardon. Sana’y ituloy mo ang pagpapakabuti, Banjo,” sabi ng warden na kinamayan pa siya.

“Makakaasa po kayo,” tuwang-tuwa niyang sagot.

Advertisement

Sa wakas ay malaya na siya. Ito na ang araw na pinakaaasam niya, ang araw ng kanyang paghihiganti at pakikipagtuos.

Pagkalabas sa kulungan ay pinuntahan niya agad ang kanilang bahay. Doon ay tumambad sa kanya ang magaling niyang asawa at ang ahas niyang kaibigan na magkasama. Nagulat pa nga ang mga ito nang sipain niya nang ubod lakas ang pinto.

“Sinasabi ko na nga ba, totoo ang nasagap kong balita. Nagsasama na rin pala kayo sa sarili kong pamamahay? Mga hay*p kayo! Magdasal na kayo, mga walanghiya! Ngayong nakalaya na ako’y pagbabayaran ninyo ang inyong kataksilan!” bungad niya sa nagwawalang tono na may hawak pang punyal.

“B-Banjo, huminahon ka! Pakiusap, anong problema, pare? T-teka, nakalaya ka na?” nagtatakang tanong ni Jocel na agad na hinarangan ang misis niya.

“Diyos ko, Banjo maghunusdili ka! B-bakit h-hindi mo ipinaalam sa amin na lalaya ka na pala? Sana ay sinundo ka namin. B-bakit may hawak kang patalim? B-bitawan mo na ‘yan at natatakot ang mga anak mo,” sabi naman ni Sharon na kinakabahan sa maaari niyang gawin.

Dali-daling tumakbo ang dalawa niyang anak palapit sa kanyang asawa. Umiiyak ang mga ito at takot na takot. Masakit man sa kanya ang ginagawa’y mas nangingibabaw sa kanya ang galit sa mga taong pinagkatiwalaan at minahal niya ngunit niloko lamang pala siya.

“Huminahon? Magagawa ko bang huminahon matapos ninyo akong walanghiyain? Ano itong nabalitaan ko na may relasyon kayong dalawa at nagsasama na kayo, dito pa sa bahay na ipinundar ko?” galit niyang tanong.

Ikinagulat ng dalawa ang sinabi niya.

Advertisement

“S-sinong may sabi niyan sa iyo? Hindi ka namin winalanghiya, Banjo. Alam ng Diyos na hindi totoo ‘yan,” tugon ni Jocel sa kanya.

“Totoo, Banjo. Wala kaming ginagawang masama ni Jocel,” sabad naman ni Sharon.

“Walang ginagawang masama? Sino’ng lolokohin ninyo?” paangil na tanong ni Banjo na hindi pa rin binibitawan ang hawak na punyal.

“Totoo ang sinasabi namin, Banjo. Tumira ako rito sa bahay ninyo para lamang maprotektahan ang asawa mo’t mga anak. Wala kaming relasyon ni Sharon,” bunyag ng kaibigan.

Biglang natigilan si Banjo.

“Dito siya tumira sa bahay natin para pangalagaan at buhayin kami ng iyong mga anak, Banjo. Hindi totoo na may relasyon kaming dalawa ni Jocel. Matalik na kaibigan lang din ang turing namin sa isa’t isa,” sabi pa ng asawa niya.

“Ibig ko lang makatulong sa pamilya mo, Banjo. Dahil malaki ang utang na loob ko sa iyo sa ginawa mong pagliligtas noon sa aking buhay. Ang pagliligtas mo sa akin ang dahilan kung bakit ka nakapat*y at nakulong,” dagdag pa ni Jocel.

Totoo ang sinabi ng kaibigan niya, iniligtas niya ito nang minsang manganib ang buhay nito sa kamay ng mahigpit nitong karibal sa negosyo. Balak na iligpit noon ng isang lalaking may matinding inggit na kalaban sa negosyo ang matalik niyang kaibigang si Jocel, nang malaman niya ang masama nitong tangka sa buhay ng kaibigan ay inunahan na niya ito. Ang planong pananakit lamang dito ay nauwi sa trahedya. Hindi niya sinasadyang mapat*y ang lalaki na galing pa man din sa may kayang pamilya kaya mabilis siyang nahatulan at nabilanggo ng ilang taon. Nakunsensiya si Jocel sa kinasapitan niya kaya ito ang sumalo sa mga responsibilidad niya na hindi na niya nagawa sa sarili niyang pamilya mula nang makulong siya.

Advertisement

“At kung sa kabila ng mga sinabi namin sa iyo ay hindi ka pa rin naniniwala, na ako pa rin ang matalik mong kaibigan na palaging narito para sa iyo…malaya kang maitarak ang punyal na iyan sa dibdib ko,” wika pa ni Jocel.

“Sa akin man, Banjo…kung nag-aalinlangan ka pa rin sa akin ay itarak mo sa akin ang hawak mong punyal,” naluluhang sabi ni Sharon.

Sinabayan pa iyon ng iyak ng dalawa niyang anak.

“Itay, maniwala po kayo. Wala pong ginagawang masama si inay at si Tito Jocel,” sabad ng mga anak niya.

Sa tagpong iyon ay nahimasmasan si Banjo. Ang nagngangalit na apoy sa dibdib niya ay biglang naglaho. Agad niyang binitawan ang hawak na punyal at niyakap ang kanyang mag-iina.

“Patawarin ninyo ako. Mabilis akong naniwala, iyon naman pala ay wala akong dapat na ikagalit o ikadamdam. Patawarin ninyo ako, nadala lang ako ng aking emosyon,” paulit-ulit niyang sambit na nagsisisi na sa ginawa niya.

Pagkaraan noon ay si Jocel naman ang hinarap niya.

“Patawad, aking kaibigan, kung napagbintangan kita. Maraming salamat din sa lahat ng ginawa mo para sa aking mag-iina,” wika ni Banjo na niyakap ang kaibigan.

Advertisement

“Buhay ko man ay nakahanda kong ibigay sa iyo kung kinakailangan, pare,” sambit pa ni Jocel na niyakap din siya na tanda na maayos na ang lahat sa kanila.

Makalipas ang ilang araw ay napag-alaman nila na ang nagpadala pala ng kasinungalingang liham kay Banjo ay ang pamilya ng napat*y niya noon. Hindi pa rin nasiyahan ang mga ito nang makulong siya, gusto ng mga ito na pati ang pagkakaibigan nila ni Jocel at pagsasama nila ni Sharon bilang mag-asawa ay mawasak din, ngunit dahil lumabas na ang katotohanan ay hindi nagtagumpay ang mga ito na sirain sila. Ipinagdasal na lamang nila ang mga ito imbes na gantihan pa sa masamang ginawa sa kanila.

Sa nangyari ay mas naging matibay ang relasyon nina Banjo at Sharon at naging mas matibay ang pagkakaibigan nila ni Jocel. Wala nang titibag pa sa kanilang samahan na mas lalong pinatatag ng panahon at ng mga naging karanasan nila.