Nang Sumakabilang Buhay ang Manugang ay Pinabayaan ng Biyenan ang Apo na Palaging Marumi Ngunit Nagulat Siya Nang Makitang Malinis Ito; Isang Kababalaghan ang Masasaksihan Niya

Unang kita pa lamang ni Donya Julieta sa kasintahan ng kanyang unico hijo na si Cedric ay hindi na ito boto sa babae. Kinasusuklaman ito ng matanda.

“Hmp! Iyan ba ang klase ng babaeng gusto mong mapangasawa, Cedric? Ke babang klase! Hindi ko siya gusto para sa iyo, anak. Ayokong mahaluan ng dukhang tulad niya ang ating pamilya!” nagngingitngit na sabi ni Donya Julieta.

Harap-harapan nitong sinabi iyon sa nobya ng kanyang anak na si Marife.

“Mama naman, nakakahiya kay Marife. Hindi naman po mahalaga ang antas ng pamumuhay pagdating sa pagmamahal. Si Marife po ang gusto kong pakasalan at maging asawa, pasensya na mama pero hindi ko siya kayang mawala sa buhay ko,” matapang na sagot ni Cedric sa ina habang hawak ang kamay ng kasintahan.

Galing sa mahirap na pamilya si Marife. Ang tatay niya ay magsasaka at ang nanay naman ay tindera ng mga isda sa palengke. Nakapagtapos naman sa kolehiyo ang babae na isang guro na kasalukuyang nagtuturo sa mababang paaralan sa kanilang bayan ngunit kahit edukada ay hindi ito ang gusto ng donya para sa nag-iisang anak. Ang gusto ng matanda na mapangasawa nito ay isang babaeng nagmula rin sa mayamang angkan kagaya nila at hindi isang hampaslupa.

Ngunit hindi umubra sa anak niya ang pagtutol niya, itinuloy nito ang pagpapakasal kay Marife. Dahil mahal na mahal niya si Cedric ay wala siyang nagawa sa pakikipag-isang dibdib ng lalaki sa babaeng kinamumuhian niya. Ayaw niya itong tuluyang magalit sa kanya at iwan siya kaya kahit sukang-suka siya ay nilunok niya ang desisyon nito ngunit hindi siya makakapayag na ganoon na lamang ang lahat.

“Hmp! Ito ang tandaan mo, Pacita, hindi ko bibigyan ng katahimikan dito sa aking pamamahay ang babaeng iyan,” himutok niya sa kanyang kasambahay.

Si Pacita ang lubos niyang pinagkakatiwalaan sa lahat ng kasambahay niya. Bukod kasi sa matagal na itong naninilbihan sa kanila ay isa itong matapat na tao.

Advertisement

Samantala, sa mansyon ni Donya Julieta itinira ni Cedric ang misis niyang si Marife. Hindi rin naman kasi maiwan ng lalaki ang ina dahil matanda na ito at may mga nararamdaman na rin sa katawan kaya kahit gusto nilang bumukod na mag-asawa ay labis niyang inaalala ang ina.

Buong araw na wala si Cedric sa bahay dahil inaasikaso nito ang kanilang kumpanya. Naiiwan doon si Marife at ang pagkakataong iyon ang sinasamantala ng kanyang ina para pahirapan ang kanyang asawa.

“Dito ka nakatira sa bahay ko kaya dapat mong paghirapan ang pagtira mo rito! Hindi porket asawa ka na ng anak ko, eh, magbubuhay reyna ka na. Sige, linisin mong maigi ang sahig at mamaya’y maglalaba ka pa!” singhal niya sa manugang.

“O-opo, mama. Tatapusin ko lang po ito,” sagot ni Marife na hindi iniinda ang hirap. Sanay kasi siya sa ganoong mga gawain kaya wala siyang reklamo.

Bawat araw ng pamamalagi roon ni Marife ay puro paghihirap ang dinaranas niya sa kamay ng kanyang biyenan. Habang wala ang mister at abala sa pagtatrabaho ay maghapon siyang gumagawa sa mansyon. Naglilinis, naglalaba, namamalantsa, nagluluto at iba pa. Daig pa niya ang kasambahay kung utus-utusan ni Donya Julieta. Hindi kailanman nagsumbong si Marife sa asawa dahil ayaw niyang magkasamaan pa ng loob ang mag-ina kaya tinanggap niya ang lahat ng pagpapahirap ng donya dahil mahal niya ang anak nito.

Hanggang sa magbuntis si Marife ay tuloy pa rin ito sa paggawa sa mansyon nang lingid pa rin sa kaalaman ng asawang si Cedric. Isang araw ay nakaramdam na ng awa ang kasambahay na si Pacita nang makita nitong pagod na siya sa paglalampaso.

“Naku, senyorita, magpahinga ka na muna at ako na ang tatapos niyan,” nag-aalala nitong sabi.

“Huwag mo akong intindihin. Kaya ko pa naman ito,” sagot niya.

Advertisement

“Pero, senyorita, nagdadalantao po kayo. Dapat ay nagpapahinga ka,” anito.

“Salamat sa pag-aalala, Pacita. Tatapusin ko lang ito at magpapahinga na ako mamaya,” tugon pa niya.

Ngunit kaloob yata ng Diyos na maagang matapos ang paghihirap ni Marife. Nang sumapit ang araw ng panganganak niya ay…

“Buhay ang bata, Mr. Delgado. Malusog ang anak mo ngunit ikinalulungkot kong hindi ko naisalba ang buhay ng iyong asawa. Sobra siyang nahirapan sa panganganak, hindi kinaya ng katawan niya,” wika ng doktor.

“O, Diyos ko, Marife, asawa ko!” gulat na sambit ni Cedric.

Pumanaw sa panganganak si Marife na labis na ikinadalamhati ng lalaki. Sa pagkawala ng manugang ay hindi man lang naantig ang damdamin ni Donya Julieta. Kahit sa libing nito ay hindi man lang ito umiyak samantalang si Cedric ay halos maglupasay na sa sobrang lungkot at pangungulila.

“Bakit mo ako iniwan, mahal ko? Bakit?” hagulgol ng lalaki.

Lumipas ang panahon at apat na taong gulang na ang anak nina Marife at Cedric na si Princess. Habang lumalaki ang bata ay mabait ito at magalang. Manang-mana sa mga magulang. Nang pumanaw ang asawa ay sinubsob na ni Cedric ang sarili sa pagtatrabaho. Naiiwan ang anak sa mansyon kasama ang yaya na nag-aalaga rito ngunit sa wari ay gusto pang dugtungan ng kanyang inang si Donya Julieta ang sinimulang kalupitan. Ang inosenteng bata naman ang makakatikim sa galit nito. Wala itong pakialam kung anak niya ang bata. Wala itong kaamor-amor sa sariling apo. Walang kaalam-alam si Cedric na hinigitan ng malaking halaga ng kanyang ina ang sahod ng yaya para hindi alagaan ang anak niyang si Princess kaya imbes na malinis at maayos ang hitsura at pananamit nito ay palagi itong marumi at mukhang dugyutin. Sa nangyayari sa kaawa-awang bata ay hindi na nakatiis ang kasambahay na si Pacita kaya ang babae ang palihim na nag-aalaga at nag-aasikaso rito ngunit hindi ito nakaligtas sa matinik na pang-amoy ni Donya Julieta.

Advertisement

“Hoy, Pacita pabayaan mo ang batang iyan! Ang trabaho mo sa kusina ang asikasuhin mo!” singhal ng donya.

“P-pero, senyora nakakaawa naman po itong si Princess. Lagi po siyang marumi, baka po magkasakit pa ang bata,” paliwanag ng kasambahay.

“Tonta! Wala kang pakialam anuman ang mangyari sa batang iyan! Iwan mo na ‘yan at bumalik ka na sa kusina!” sigaw pa ng matanda.

Nangangatog na sumunod ang babae.

“O-opo, o-opo, senyora.”

Sa pagdaan ng mga araw ay may biglang napansin si Donya Julieta. Kahit na napapabayaan at hindi naaasikaso ang bata ay kataka-takang laging malinis ito kapag umaga. Sa gabi lamang kasi ito nalilinisan at naaasikaso ng anak niyang si Cedric kapag umuuwi galing sa trabaho. Minsan nga ay hindi na dahil sobrang pagod na ito.

“Aba, paanong nangyaring malinis ang hitsura ng batang ito samantalang wala namang nag-aasikaso sa kanya sa buong araw? Binayaran ko ng malaking halaga ang yaya niya para pabayaan siya at pinagsabihan ko na rin si Pacita na huwag siyang pakialaman ah?” nagtatakang sabi ng donya sa isip.

Dali-dali niyang tinawag ang kasambahay.

Advertisement

“Pacita! Pacita, pumarito ka nga!”

“Bakit po senyora?” tanong nito.

“Hindi ba sinabi ko sa inyong huwag ninyong pakikialaman ang batang iyan? Bakit laging malinis at bihis na bihis ‘yan kung umaga? Sino sa inyo ang sumusuway sa mga utos ko? Pakitawag mo nga ang yaya at iba pang kasambahay!”

“H-hindi ko nga po alam, senyora. Napapansin ko rin po na palaging maayos ang hitsura ni Princess, eh. Wala pong sumusuway sa inyo. Pinagsabihan ko na po ang mga kasama ko at ang yaya na sundin ang utos niyo. Kahit nga po sila ay nagtataka rin na nakikitang malinis ang batang ‘yan,” sagot ng kasambahay.

Malaking palasipan sa kanila ang pangyayaring iyon lalo na kay Pacita. Isang hatinggabi ay hindi sinasadyang nagising ang kasambahay at nakita nitong gising pa rin ang batang si Princess at pumasok ito sa kuwarto ng ama. Sa oras na iyon ay hindi pa umuuwi ang kanyang Senyorito Cedric, malamang ay nag-overtime na naman sa trabaho kaya hindi pa nakakabalik sa bahay. Kaya laking pagtataka niya kung sino ang pupuntahan ng bata sa kuwarto. Sinundan niya ang bata at sumilip sa pinto. Narinig niya na may kausap si Princess sa loob.

“Mama, maglalaro uli tayo?” tanong ng bata.

“Oo, pero aayusan muna kita para bukas, maganda ka uli,” wika ng isang pamilyar na boses.

Nangilabot si Pacita sa natuklasan niya. Nagsasalita ang bata ngunit wala siyang makitang kausap nito kundi isang maputing liwanag na parang usok at napagtanto niya kung ano iyon.

Advertisement

“Diyos ko! A-ang kaluluwa ni Senyorita Marife ang kausap ni Princess! Inaalagaan ng senyorita ang kanyang anak! Kaya pala palaging malinis at maayos ang bata’y hindi siya pinapabayaan ng kanyang ina,” sambit ng babae sa isip na ‘di makapaniwala sa nasaksihan.

Nang ikinuwento ni Pacita sa among si Donya Julieta ang nangyari ay matigas na tumanggi ito.

“Kalokohan! Paanong magagawa ng isang pat*y na ang sinasabi mo?”

“Nagsasabi po ako nang totoo, senyora. Dumadalaw talaga si Senyorita Marife, inaalagaan at inaasikaso niya ang kanyang anak,” giit ng kasambahay.

Ngunit hindi pa rin naniniwala ang matanda.

“Tumigil ka! Siguro’y ikaw ang naglilinis at nag-aasikaso sa batang iyon, ano?”

“Naku, senyora hindi po! Maniwala po kayo, totoo po ang sinasabi ko,” sambit pa ni Pacita.

Isang gabi ay ginising si Pacita ng malakas na palahaw ni Donya Julieta.

Advertisement

“Diyos ko! Ang senyora, ano kaya ang nangyayari sa kanya?” gulat na tanong ni Pacita sa sarili habang nagmamadaling bumangon sa higaan.

Hinanap niya ang pinanggagalingan ng sigaw. Nagmumula iyon sa kuwarto ng mag-asawang Marife at Cedric. Nadatnan niya roon ang matanda na takot na takot na nagsusumiksik sa gilid ng kuwarto. Naroon din si Princess na takang-taka sa nangyayari sa donya.

“A-ano pong nangyari sa inyo, senyora? Princess, anong nangyari sa lola mo?” tanong niya.

Ngunit nakatulala lang at bata at hindi nagsasalita. Maya-maya ay si Donya Julieta ang may sinambit.

“Bakit ka pa naririto, Marife? Dapat ay nananahimik ka na. Pakiusap, mamamat*y ako sa takot!” nanginginig na sabi ng donya.

Biglang may boses silang narinig na mas lalong nagpakilabot sa kanila. Bigla ring lumitaw ang maputing liwanag na parang usok.

“Wala akong intensyong masama, mama. Narito ako para alagaan at asikasuhin si Princess. Wala namang ibang gumagawa niyon, eh. Kung ayaw ninyong alagaan ang anak ko’y ako ang gagawa,” wika ng boses ni Marife na nanggagaling sa maputing liwanag.

Sa matinding takot ay natauhan si Donya Julieta at biglang nagsisi sa mga ginawa niya.

Advertisement

“Patawarin mo ako, Marife, sa lahat ng pagpapahirap na ginawa ko sa iyo noon. Ipinapangako ko na mamahalin ko na at aalagaan ang anak ninyo ni Cedric. Mamahalin ko na ang aking apo!” sabi ng donya na ‘di na napigilang maiyak.

Sa sinabi ng matanda ay hindi na nila muling narinig ang boses ni Marife at nawala na rin ang maputing liwanag. Hinintay lamang pala ni Marife na magsisi ang biyenan sa mga pagkakamali nito. Napag-alaman ni Pacita na palihim palang minanmanan ng amo ang apo at nang makitang pumasok ito sa kuwarto ng anak ay doon na nito natuklasan na may kausap nga ang bata kaya sobra itong natakot. Nang dumating galing sa trabaho si Cedric ay ikinuwento nila ang lahat. ‘Di rin makapaniwala ang lalaki sa kababalaghang naganap sa mansyon. Napagtanto na lamang ni Cedric na maski siya ay unti-unti ring napabayaan ang anak. Nilunod kasi niya ang sarili sa pagtatrabaho upang tuluyang makalimot sa masakit na pagkawala ng asawa. Ipinangako niya na tututukan na niya ang anak na si Princess at aalagaan na ito. Ipinagtapat naman ni Donya Julieta sa anak ang mga kalupitan nito noon sa nasirang asawa at humingi ng tawad. Dahil alam niyang napatawad na ni Marife ang biyenan ay ibinigay na rin ni Cedric ang kapatawaran sa ina. Nangako rin si Donya Julieta sa anak na tatanggapin na niya at pakamamahalin ang apo para tuluyan nang manahimik ang namayapang manugang.

Mula noon ay hindi na nagbalik ang kaluluwa ni Marife. Napamahal na rin ang batang si Princess sa lola nitong si Donya Julieta.

Tunay ngang walang katumbas ang pagmamahal ng isang ina sa anak na kahit nasa kabilang buhay na ay handa pa ring gampanan ang tungkulin para sa pinakamamahal na supling.