Inutusan ng Ina ang Dalagang Anak na Magpakasal sa Mayamang Binata upang Umangat Sila sa Buhay; Iba pala ang Plano ng Anak

“Mama, please, huwag n’yo naman pong gawin sa akin ’to! Ni hindi ko nga kilala ang lalaking ’yon, ’tapos gusto n’yo akong magpakasal sa kaniya?!” hiyaw ni Janina sa kaniyang ina matapos nitong sabihin ang plano nitong pagpapakasal sa kaniya sa isang binatang nakilala nito sa Casino kung saan ito nagtatrabaho.

“Anak, ito lang ang paraan para makaahon tayo sa hirap! Pakasalan mo siya at ibibigay niya sa ’yo ang lahat ng gusto mo,” pangungumbinsi pa sa kaniya ng ina.

“Pero nagtatrabaho naman ako, hindi ba? Hindi pa ba sapat ang perang ibinibigay ko sa inyo?” Mangiyak-ngiyak na si Janina.

“Hindi!” galit na sagot naman ni Aling Marisa. “Kung ayaw mong sumunod sa akin ay huwag mo na ring asahang makakawala ka pa sa buhay na ito. Tandaan mong ikaw ang dahilan kung bakit ako iniwan ng asawa ko kaya magtiis ka!” dagdag pa nito na ang tinutukoy ay ang pagpapalayas sa kanila ng asawa nito, dahil nalaman nitong hindi pala siya nito tunay na anak, bagkus ay anak siya ng kaniyang ina sa isang kalaguyo.

Dahil doon, ang dating magandang buhay ng kaniyang inang si Marisa ay biglang naglaho at lahat ng iyon ay isinisi nito sa kaniya. Lumaki si Janina na iniisip na malaki ang utang na loob niya sa ina dahil binuhay siya nito kahit noon ay may pagkakataon naman itong huwag nang ituloy ang pagbubuntis sa kaniya.

Sa huli ay walang nagawa si Janina kundi sundin ang gusto nito. Nagpakasal siya kay Garry—ang mayamang lalaking nakilala ng kaniyang ina. Mabuti na lamang at nagkataong isa palang mabuting tao si Garry na noon ay naging kaeskuwela niya pa bago siya tumigil sa pag-aaral. Matagal na palang malaki ang pagkakagusto nito sa kaniya kaya naman nang malaman nito ang buhay na dinaranas niya sa kaniyang ina ay gumawa ito ng paraan upang maitakas si Janina. At isa lang ang naisip nitong paraan… walang iba kundi ang pakasalan siya.

Dahil doon ay unti-unting nahulog ang loob ni Janina sa kaniyang asawa kaya naman ang dating pilit na kasal ay naging biyaya para sa kaniya. Bukod doon ay nagkaroon na rin siya ng pagkakataong makatakas sa kaniyang ina at ngayon ay isang plano ang naiisip niyang gawin upang makalayo na siya nang tuluyan dito.

“Napag-usapan ho naming mag-asawa na bigyan kayo ng isang milyong piso,” seryosong sabi ni Janina sa kaniyang ina sa malamig na tinig habang magkaharap silang nakaupo sa isang coffee shop. Agad namang umaliwalas ang mukha nito at malawak na napangiti… ngunit mabilis din iyong napawi nang dugtungan niya ang kaniyang sinabi. “Sa isang kondisyon…”

Advertisement

Sumeryoso rin ang mukha ni Marisa sa sinabi ng kaniyang anak. “Ano ’yon?” tanong niya.

“Ibibigay ko sa ’yo ngayon mismo ang isang milyon, sa kondisyong ito na rin ang huli nating pagkikita. Gusto ko nang putulin ang koneksyon ko sa ’yo bilang ina ko at bilang anak mo,” mariing sabi pa nito na nagpangisi naman kay Marisa. Ni hindi man lamang siya nagdalawang-isip muna bago niya tinanggap ang kondisyon nito. Nabulag ng kasabikan sa pera si Marisa at agad na nakipagkasundo sa anak.

Ibinigay nga sa kaniya ni Janina ang pera kahit sa huling pagkakataon ay umasa itong pipiliin niya. Ganoon pa man ay tinupad nito ang kasunduan at ganoon din naman si Marisa. Nagpakasasa siya sa kaniyang pera. Halos lahat ng luho ay binili niya. Lahat na yata ng bisyo ay sinubukan niya.

Hindi niya inisip na dahil sa ginagawa niya ay mabilis palang mauubos ang isang milyong ibinigay sa kaniya ni Janina… at biglang naglahong muli sa kaniya ang lahat. Bumalik siya sa kahirapan kung saan siya nanggaling noon, ngunit sa pagkakataong ito ay wala nang Janina na handang tumulong sa kaniya kahit na ito ay pinagmamalupitan niya. Wala na siyang anak na masasandalan at maglalagay ng pagkain sa kaniyang harapan. Sa isang iglap, lahat ng kasiyahang naibigay ng pera kay Marisa ay naglaho. Lahat ng iyon ay panandalian lamang pala.

Hindi na talaga muling nakita ni Marisa ang kaniyang anak, dahil pinili nitong magpakalayu-layo kasama ang asawa nito’t anak. Hanggang sa unti-unti na ring tinablan ng mga dating bisyo ni Marisa ang kaniyang katawan at unti-unti siyang nanghina. Sa huling sandali ng buhay ni Marisa ay puro pagsisisi na lang ang kaniyang nararamdaman. Sana pala ay trinato niya nang maayos ang anak niya noon, hindi sana siya nag-iisa ngayong malapit na siyang mawala sa mundo.