Sanay sa Luho ang Anak ng Babaeng Ito Dahil Kinunsinti Niya; Sa Kanila rin pala Babalik ang Karma

Nasa kalagitnaan ng pag-uusap sa tahanan ng mga Tuazon ang magkumareng sina Aling Gina at Aling Rosa nang biglang pumasok ang kararating lang na si Stella—ang nag-iisang anak ni Aling Rosa—galing sa pamimili sa mall. Dala nito ang napakaraming paper bags na puro mamahalin ang tatak.

“Hi, ’Ma, hi Tita Gina!” Humalik si Stella sa ina at sa kaniyang ninang na si Gina. “Akyat ko lang po sa kwarto itong mga ’to, ha?” sabi pa ng dalaga bago tinalikuran ang dalawa.

Napakunot naman ang noo ni Aling Gina sa nakita. Agad niyang hinarap ang kaibigang si Rosa. “Parang kahapon lang, nakasalubong ko rin si Stella sa mall na maraming dalang shopping bags, a?” aniya. Agad namang ngumiti sa kaniya si Aling Rosa.

“Hayaan mo na, dalaga na kasi kaya marami nang luho,” sagot naman ni Aling Rosa na tila hindi man lang nababahalang nagiging bulagsak na sa pera ang kaniyang anak na nasa labing pitong taong gulang pa lang!

Dahil doon ay napabuntong-hininga si Aling Gina. “Mars, hindi sa nakikialam ako, ha? Pero huwag mo naman gaanong pinapalaki sa layaw ’yang inaanak ko. Turuan mo rin siyang magtipid kahit na mayaman kayo,” maayos na pagbibigay niya ng payo dahil napapansin niyang napapadalas na ang ganitong gawain ni Stella. Para na rin kasing tunay na anak ang turing niya rito kaya naman nag-aalala siya na baka katandaan na ni Stella ang ganoong pamumuhay.

Ngunit imbes na magpasalamat ay hindi maganda ang naging reaksyon ni Aling Rosa sa payong ’yon ni Aling Gina. “Huwag mo nga akong pinakikialman sa pagpapalaki ko sa anak ko! Kung gusto kong ibigay ang lahat ng luho n’ya, wala ka na roon! Pera naman namin ang ginagasta niya at hindi naman siya nanghihingi sa ’yo, hindi ba?” sabi pa nito sa galit na tono na nagpakibit na lang sa balikat ni Aling Gina.

Ngunit nang gabing ’yon din mismo ay hindi inaasahan ni Aling Rosa ang balitang iuuwi ng kaniyang asawa…

“Ano?! Paanong bankrupt na tayo? Paano nangyari ’yon?!” anas ni Aling Rosa sa asawa niya na ngayon ay nakayuko na lang sa harap niya.

Advertisement

“Tinangka kong sagipin ang negosyo nating palugi na kaya nangutang ako nang hindi ko sinasabi sa ’yo. Akala ko kasi kaya pa, pero nagkamali pala ako. Ngayon ay halos wala nang natira sa atin kundi ’yong mga perang ipinapasok ko sa bank account ng anak natin,” sagot pa nito na lalong ikinabigla ni Aling Rosa, dahil ang mga perang ’yon ang siyang ipinagagamit niya kay Stella sa pagbili ng kung anu-anong luho nito! Ngayon ay talagang wala nang natitira sa kanila. Maghihirap na silang mag-anak!

Simula noon ay biglang nagbago ang takbo ng buhay ng mag-anak. Nawala ang lahat ng luho nila sa buhay, dahil hindi na nila kayang bumili n’on ngayon. Bukod doon ay kinailangan na nilang magbanat ng buto pareho upang may maihaing pagkain lang sa kanilang hapag. Halos lahat ng pagtitipid ay ginagawa na ng mag-asawa, maliban na lang kay Stella.

Dahil sanay ang dalaga sa layaw ay palagi na lang itong nagmamaktol sa tuwing hindi naibibigay ng mga magulang ang kaniyang gusto. At sa pagpapatuloy ng mga ganoong pangyayari ay natuto itong magrebelde. Ngayon ay ayaw na ring mag-aral nang mabuti ni Stella kung wala silang luhong maibibigay sa kaniya.

Sa patuloy na pagrerebelde ni Stella dahil sa hindi nila maibigay ang kaniyang luho ay hindi inaasahang nabuntis ito nang maaga! Sising-sisi si Aling Rosa na pinalaki niya nang ganoon ang kaniyang anak. Tama ang kaibigan niyang si Gina sa sinabi nito noon na hindi niya pinakinggan.

Kung hindi pa nabuntis nang maaga ay hindi pa matatauhan ang dalagang si Stella sa mali niyang mga gawain. Iyon ang nagtulak sa kaniya upang humingi ng tawad sa mga magulang at pagsisihan ang lahat ng nagawa niyang kasalanan sa mga ito.

Hinarap ng pamilya ang kanilang problema nang sama-sama, dala ang leksyong natutunan nila sa mga naging pangyayari sa kanilang buhay. Mabuti na lang at nandiyan pa rin si Aling Gina na nakaalalay sa kanila kaya kahit papaano ay muli silang nakabangon. Hindi man pinanindigan ng lalaking nakabuntis si Stella ay pinilit nilang itaguyod ang pagpapalaki sa bata. Dahil doon ay malaki rin ang ipinagbago ng dalaga. Natuto na itong maging responsable sa buhay, lalo na sa paghawak sa pera.

Nang makaipon nang sapat na kapital ay muling nagtayo ng panibagong negosyo sina Aling Rosa at ang kaniyang asawa na siyang unti-unting nag-angat muli ng kanilang buhay. Ganoon pa man ay nanatili sa kanilang isipan ang leksyong nangyari sa kanilang nakaraan.