Tumanggi ang Kuya na Turuang Lumangoy ang Nakababata Niyang Kapatid; Pagsisisihan Pala Niya Ito sa Huli
“Kuya! ’Di po ba at magaling kang lumangoy? P’wede bang turuan mo ako? Sige na, kuya!” Inalog-alog ng pitong taon gulang na batang si Jojo ang kaniyang Kuya Jonathan na nang mga sandaling iyon ay nasa kasarapan pa ng tulog. Agad naman itong nagmulat ng mata, ngunit galit nitong binalingan ang kapatid.
“Ano ba, Jojo! Pagod nga ako sa swimming practice kahapon! Masakit ang katawan ko kaya mamaya ka na magpaturo!” angil naman ni Jonathan sa kapatid na hindi naman nawala ang ngiti sa labi.
“Sige, kuya, sabi mo ’yan, ha?” pangungulit pa nito na tinanguan na lamang ni Jonathan kahit na ang totoo ay wala naman siyang balak tuparin ’yon. Tinatamad kasi siyang turuan ang kapatid dahil sa tingin niya ay napakabata pa nito para matutong lumangoy.
Isa pa, kaya lang naman naengganyo si Jojo na matutong lumangoy ay gusto siyang gayahin nito. Makailang ulit na kasing nagkampeyon si Jonathan sa mga paligsahan sa larangan ng paglangoy kaya naman iniidolo siya ng kaniyang kapatid.
Simula noon ay halos araw-araw na siyang kinukulit ni Jojo na turuan niya itong lumangoy ngunit palagi na lang tumatanggi si Jonathan. Palagi siyang may dahilan, kahit na ang totoo ay mas gusto niya pa talagang matulog kaysa turuan ito. Tinatamad siyang paglaanan ng oras ang kapatid.
Nagpatuloy ang pangungulit na iyon ni Jojo sa kaniya ngunit naging matigas pa rin ang puso ni Jonathan at palagi pa rin niya itong tinatanggihan. Hanggang isang araw, dahil sa kakulitan ng bata ay napikon na siya at kaniya itong nasigawan…
“Kuya, sige na, turuan mo na akong lumangoy. Gusto ko ang namang maging kasing galing mo, e—
“P’wede bang tumahimik ka? Ayaw nga kitang turuan, ’di ba? Tinatamad nga ako! Hindi ka naman magiging kasing galing ko kaya huwag mo nang pangarapin! Doon ka na nga! Istorbo ka, e!” pasigaw na pamumutol pa niya sa sinasabi ng kapatid.
AdvertisementKitang-kita ni Jonathan kung paano namuo ang luha sa mga mata ni Jojo matapos niyang sabihin ’yon, kaya naman bahagya siyang nakonsensiya. Dahil doon ay hinabol niya ang kapatid upang humingi ng tawad nang tumakbo itong palabas. Agad naman silang nagkabating muli, ngunit simula noon ay hindi na siya muling kinulit pa ni Jojo tungkol sa pagtuturo niya rito kung paano lumangoy. Naging maayos naman ang lahat noong mga sumunod na linggo.
Isang bagyo ang nabalitaan nilang paparating pala ngayong gabi. Dahil doon ay talagang naghanda ang pamilya nina Jonathan lalo pa at malimit bahain ang kanilang lugar. Ngunit hindi nila inaasahang magiging ganoon kalakas ang epekto ng bagyo sa kanilang lugar nang magbago ito ng ruta, at imbes na ibang lugar ay ang lugar nila ang naging sentro!
Mabilis na lumaki ang tubig na siyang halos sumira sa napakaraming kabahayan, kabilang na ang tahanan nina Jonathan. Abala ang lahat. Aligaga sila sa pagliligtas ng mga gamit na maaari pa nilang iligtas mula sa baha, kaya naman wala nang nakapansin sa kapatid ni Jonathan na si Jojo.
Lingid sa kaalaman nila ay bigla pala itong nadulas at nang mga sandaling iyon ay lumubog ito sa tubig at nagsimulang malunod! Tinangka nitong humingi ng tulong at magkakawag, ngunit huli na nang mapansin ni Jonathan ang kapatid niya na lumulutang na lang sa baha, sa loob ng bahay nila!
Dali-dali niya itong sinagip. Ganoon na lang ang takot na naramdaman ni Jonathan nang makitang hindi na humihinga ang kapatid! Umiiyak na siya habang sinusubukan niya itong ibalik, habang ang kaniyang ina ay nawalan na rin ng malay sa takot. Napakatagal na ng sandaling iginugol niya sa pagbibigay ng CPR kay Jojo, ngunit nanatili itong maputla at hindi pa rin humihinga. Nawawalan na ng pag-asa ang kaniyang ama, habang si Jonathan ay umiiyak na at sinisisi ang sarili. Kung sana ay tinuruan niya lamang lumangoy si Jojo noon ay hindi ito mangyayari.
Nang mga sandaling iyon ay wala nang nagawa ang binata kundi ang magdasal sa Diyos at humingi ng isa pang pagkakataon para makabawi kay Jojo…
At sa hindi inaasahang sandali ay muling huminga ang bata. Ibinuga nito ang tubig na nainom niya at bumalik muli ang kulay sa kaniyang katawan. Halos mabaliw si Jonathan sa tuwa at niyakap ang kapatid dahil sa nangyaring himala. Pangako niya, mula sa araw na ‘yon, hindi lamang niya tuturuang lumangoy ang kapatid, kundi paglalaanan pa ito ng oras at atensyon. Isang leksyon ang natutunan niya sa pangyayaring iyon na siguradong hindi niya makalilimutan kailanman.