Inayawan ng Babaeng Ito ang Kaniyang Manliligaw Dahil Hindi raw ito Matalino; Iyak Siya nang Mapunta Ito sa Iba

Nakangising pinagmasdan ni Sandara ang manliligaw na si Paul habang nakayuko itong naglalakad sa kaniya palayo, dala ang hawak nitong bungkos ng rosas na kanina ay isinauli niya rito. Binasted niya kasi ito ngayon lang, matapos nitong magtapat ng nararamdaman sa kaniya. Dahil doon ay narito tuloy ang lahat ng atensyon ng mga kapwa nila estudyante na naroon din sa pasilyo nang mangyari iyon. Ang iba ay tumatawa, ngunit mayroon din namang mga naaawa kay Paul dahil sa ginawa niya.

Ayos naman sana ang binata, iyon nga lang ay hindi niya ito gusto sapagkat para kay Sandara ay hindi sila magkalebel ng talino. Siya kasi ang pinakamatalino sa kanilang eskuwelahan kaya naman ang gusto niya ay makahanap ng lalaking kasing kalebel niya ang pag-iisip… at isa lang ang alam niyang ganoon. Walang iba kundi ang kapitan ng basketball team ng kanilang unibersidad na isa rin sa mga nangunguna pagdating sa larangan ng patalasan ng utak – si Xander, na bagama’t kilala rin bilang babaero ay wala siyang pakialam.

Dahil doon, agad na sinagot ni Sandara ng ‘oo’ si Xander nang ayain siya nitong maging nobya, habang si Paul naman nang mga panahong iyon ay pinili na lamang din siyang kalimutan at ibaling na lang sa iba ang atensyon. Masaya naman noong una si Sandara sa piling ni Xander, hanggang isang araw, hindi niya inaasahang sa pagpunta niya sa bahay nito ay madudurog ang puso niya sa kaniyang maaabutan!

“Ano’ng ibig sabihin nito?!” hiyaw ni Sandara nang makitang may kapatong na babae si Xander sa kama! Parehong walang saplot ang mga ito at pawis na pawis na animo mga nakipagkarera!

“S-Sandara, bakit ka nandito?!” kinakabahang sabi sa kaniya ni Xander na agad na nagtapis ng tuwalya, habang ang babae namang kas*ping nito ay nakangisi lamang habang tinitingnan sila.

Nanginginig na si Sandara, at nang hindi siya makapagpigil ay pinadapo niya ang kamay sa kaniyang nobyo. “Tapos na tayo!” sigaw niya rito bago niya ito tinalikuran.

Naging napakalungkot ng mga susunod na araw ni Sandara, lalo na nang mabalitaan niyang may nobya na rin si Paul na dati ay nanligaw sa kaniya. Lalo pang nadagdagan ang pagsisising hindi ito ang pinili niya nang makita niya kung gaano nito alagaan ang babaeng pinagbalingan nito ng atensyon.

Halos kainggitan nga ng lahat ang nobya ni Paul. Ito na yata ang pinakamasuwerteng babae sa lahat. Si Paul pala ay isang tapat at mapagmahal na binata na hindi nagpapadala sa anumang tukso. Halos ituring nitong prinsesa ang nobya niya.

Advertisement

Sobrang inggit ang naramdaman ni Sandara. Siya dapat ang nasa posisyon ng babaeng ’yon kundi lamang niya inayawan si Paul para lang sagutin ang babaerong si Xander! Dahil doon ay isang masamang plano ang naisip na gawin ni Sandara… at iyon ay muling agawin si Paul sa nobya nito.

Ginawa niya ang lahat ng paraan upang akiting muli si Paul. Tinangka niya itong tuksuhin. Nagpakita siya ng motibo, ngunit ang lahat ng iyon ay hindi nito pinansin. Tila walang talab ang anumang ginagawa ni Sandara sa binata, kaya naman lalo siyang nanghinayang.

“Sana lahat ng lalaki, katulad mo, Paul. Nagkamali ako nang husgahan kita dahil lang hindi tayo magkalebel ng talino. Nakalimutan kong hindi nga lang pala iyon ang basehan ng pagpili ng mamahalin, dahil mas importante pa rin ang ugali.” Napayuko si Sandara matapos siyang itulak nang bahagya ni Paul nang tinangka niya itong halikan.

Umiling-iling ang binata. “Wala na sa akin ’yon, Sandara. Kaya lang ay mahal ko ang nobya ko at ayaw kong sirain ang tiwalang ibinigay niya sa akin, kaya sana’y huwag mo na ’tong uulitin. Makakahanap ka rin ng lalaking para sa ’yo. ’Yong hindi ka sasaktan at mamahalin ka nang totoo,” sagot naman sa kaniya ni Paul.

“Salamat.” Iyon na lang ang tanging naisagot ni Sandara bago siya mahinang tinapik ni Paul sa balikat saka ito tumalikod.

Simula noon ay tinigilan na ni Sandara ang pang-aakit sa binata, bagkus ay nagpasiya na lamang siyang pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad sa kaniyang sarili habang hinihintay na dumating ang tamang lalaki para sa kaniya. Binago niya ang kaniyang pag-uugali at ipinangakong sa susunod ay hindi na niya muling huhusgahan ang sinuman base lang sa lebel ng pag-iisip nito. Dahil kay Paul ay isang malaking leksyon ang kaniyang natutuhan.