Kinamkam ng Panganay ang Lahat ng Ari-arian ng Ama Matapos Itong Mawala; Isang Hindi Kilalang Lalaki ang Magbibigay sa Kaniya ng Leksyon

Isang linggo pa lang ang nakalilipas simula nang mawala ang kanilang ama, ngunit ang panganay na si Mariela ay tila may binabalak na agad na hindi maganda. Ipinatawag niya ang lahat ng kaniyang mga kapatid na naninirahan sa mga apartment na pagmamay-ari ng kanilang sumakabilang buhay na ama upang agad na sabihin ang kaniyang plano sa kanila…

“Pinapunta ko kayong dalawa rito para sabihing gusto kong ngayon pa lang ay maghanap na kayo ng matitirhan n’yo, dahil babawiin ko na ang bahay ni tatay,” walang paligoy-ligoy na ani Mariela na agad namang ikinabigla ng kaniyang mga kapatid.

“Ano?! Bakit mo naman gagawin ’yon, ate?!” nabibiglang tanong ng ikalawa niyang kapatid na si Jared.

“Bakit, Jared? Hindi ba at may kaniya-kaniya na kayong pamilya, pero hanggang ngayon ay umaasa pa rin kayo kay tatay! Dapat nga, simula nang mag-asawa kayo ay bahala na kayo sa buhay n’yo, e,” katuwiran naman ni Mariela. Palibhasa’y siya na lang ang natitirang walang asawa sa kanilang magkakapatid dahil tumanda na siyang dalaga. Buong buhay niya kasi ay ibinuhos niya sa pagtatrabaho sapagkat mas mahalaga pa sa kaniya ang pera kaysa sa asawa.

“Hindi naman yata tama ’yan, ate! At kanino mapupunta lahat ’yan, sa ’yo lang?” reaksyon naman ni Melisa, ang bunso nilang kapatid, na may nangingilid nang luha sa mga mata.

“Hindi lang naman sa akin ang desisyon ito, kundi kay tatay mismo! Bago siya mawala’y ibinilin niya sa akin ’yan, kaya ngayon ay gusto ko lang isakatuparan! Gusto raw kasi niyang turuan kayong tumayo sa sarili n’yong mga paa,” pagsisinungaling pa ni Mariela. Wala namang sinabing ganoon ang kanilang ama, ngunit hindi man lang siya natakot na gamitin ang pangalan nito. Iyon na lang kasi ang nakikita niyang paraan upang makamkam niya ang lahat ng ari-arian ng kanilang magulang.

Matagal na itong pinlano ni Mariela sa kaniyang isip kaya naman noon pa mang kalakasan ng kanilang ama ay mas pinili niyang manatili sa tabi nito upang kapag ito ay nawala, magagawa niya ang lahat ng kaniyang gusto. Inalagaan niya ang matanda, hindi dahil mahal niya ito, kundi dahil gusto niyang siya ang makinabang sa lahat ng maiiwan nito at hindi ang kaniyang mga kapatid.

Nanlulumong nagkatinginan na lang ang mga kapatid ni Mariela, dahil wala silang magagawa kung iyon nga ang sinabi ng kanilang ama. Nagsimula na silang mamroblema kung saan sila pupulutin ngayon… nang biglang dumating ang isang hindi kilalang lalaki.

Advertisement

“Sino ka?” agad na tanong ni Mariela sa kumatok na lalaki. Nakasuot ito ng pormal na damit at may dalang isang sobre.

“Ako ang abogado ng inyong ama,” sagot naman nito. “Nagpunta lang ako rito para basahin sa inyo ang kaniyang last will and testament na inilihim niya sa inyo, bago siya mawala,” dagdag pa nito.

Agad na namutla si Mariela sa narinig at wala na siyang nagawa kundi papasukin ito sa kaniyang bahay. Tuso si Mariela dahil siya ang pinakamatalino sa kanilang magkakapatid, ngunit nakalimutan niyang kilala siya ng kaniyang ama. Noon pa man ay alam na pala nitong may pinaplano siyang hindi maganda kaya bago pa ito manghina noon ay nagawa na nitong magpagawa ng isang last will and testament sa isang abogado.

“Ayon sa huling habilin ng ama n’yong si Arnaldo Garcia, ang kaniya raw mga ari-arian ay hahatiin sa tatlo niyang mga anak at sa lahat ng apong inabutan niya bago siya mawala. Nais niyang bigyan kayo ng karapatan sa kaniyang mga ari-arian,” paliwanag pa ng abogado na halos magpalambot sa tuhod ni Mariela.

Masama ang tinging ipinukol sa kaniya ng dalawang kapatid dahil sa kaniyang pagiging ganid. Hindi akalain ng mga ito na dahil lamang sa pera ay magagawa sila nitong traydurin, lalo na at ito pa naman ang kanilang panganay.

Pahiya si Mariela, at bukod doon ay siya ang nakatanggap ng pinakakaunting mana, dahil wala naman siyang anak at asawa. Ngayon ay ayaw na rin siyang kausapin ng mga kapatid niya dahil sa panlolokong ginawa niya sa kanila. Mabuti na lang at mayroong last will and testament na iniwan ang kanilang ama!

Magkakalapit lamang sila ngunit pakiramdam ni Mariela ay tuluyan na siyang nag-iisa. Tuluyang lumayo ang loob ng mga kapatid niya sa kaniya at mukhang mahihirapan na siyang ibalik ang tiwala at paggalang ng mga ito. Dahil doon ay napuno ng pagsisisi si Mariela. Ngayon niya napagtantong mas mahalaga pa rin ang pamilya kaysa sa pera.