Puro na Lamang Sakit sa Ulo ang Dala ng Binata sa Kaniyang Matandang Ina; Paano Kaya Niya Madudugtungan ang Buhay ng Naghihingalong Ina?

Sa gitna ng tirik na araw ay matatagpuan ang matandang si Rosalita o kilala bilang si Aling Rosa na nakaupo sa kaniyang upuan sa may palengke. Isa-isa niyang binabati ang mga nagdaraan na bumili sa kaniya ng sariwa at masasarap na isda.

“Bili na kayo mga suki. Kaunti na lamang at mauubos na oh. May bangus pa, isandaan na lang ang kalahati!” maligayang alok ng matanda. Marami naman ang mga naeenganyo na bumili sa kaniya dahil sa pagiging masiyahin at pala-kaibigan niya.

“Aba! Aling Rosa, ubos na kaagad ang paninda ninyo ah? Pahingi naman ng kaunting ganda mo diyan para naman maubos ko rin kaagad ang paninda ko!” biro ng isa sa mga kasamahan niya na nagtitinda rin ng isa sa palengke.

“Hay, naku! Ineng, maging mabait ka lang at masaya sa ginagawa mo, tiyak mauubos kaagad ang paninda,” nakangiting tugon naman ng matanda.

“Sana all na lang si Aling Rosa!” pahabol pa ng babae sa kaniya.

Habang nakangiti ay nagliligpit na rin si Aling Rosa nang makauwi na siya ng bahay. Pinagpatong-patong na niya ang mga timba na kanina ay puno ng mga isdang paninda. Binilang na rin niya ang kinita sa araw na iyon at tuluyan na siyang nagpaalam sa mga kasamahan sa palengke. Sa kaniyang paglalakad, nagulantang ang lahat nang bigla na lamang bumagsak ang matanda sa gitna ng kalsada at nawalan ng malay.

Makalipas ang ilang oras, muling nagkamalay si Aling Rosa. Naroon sa silid ang ilan sa mga kasamahan niya sa palengke. Muling ngumiti ang matanda at umentrada na naman sa kaniyang mga biro.

“Bakit narito kayong lahat? Baka nakawin ang mga paninda ninyo ha at sisihin ninyo ako,” mabagal na biro ng matanda.

Advertisement

“Ano ba kayo, Aling Rosa! Nagulat kaming lahat, naku ka talaga!” sagot naman ng isang ale.

Ilang sandali pa at dumating na ang doktor na siyang nag-asikaso sa matanda.

“Aling Rosa, malaki na po ang butas ng puso ninyo. Sinabi ko na sa inyo noon pa man, kailangang tumigil muna kayo sa pagtitinda habang wala pa tayong nakukuhang puso na ipapalit diyan sa puso ninyo,” paliwanag ng doktor sa matanda.

Ang lahat ay nagulat sa sinabing iyon ng doktor. Matagal na palang may sakit ang matanda subalit nakukuha pa nitong magtrabaho para sa nag-iisa at suwail na anak. Ilang sandali lang ay dumating ang isang babae at halata ang pagmamadali nito.

“Aling Rosa! Aling Rosa! Si Rex po dinampot ng mga pulis!” nagmamadaling wika ng babae sa matanda. Pagkarinig nito ni Aling Rosa, agad siyang bumangon sa kama at tinanggal ang mga nakakabit sa kaniya. Wala pa mang minuto, mabilis na tumakbo ang mahinang matanda papunta sa presinto.

Sa kaniyang pagdating, inalalayan siya ng mga pulis. Kilala na rin siya ng mga ito sa ilang ulit na sinusundo niya ang anak na si Rex. Labing walong taong gulang na ito ngunit simula nang ito ay magkaroon ng muwang, wala na itong ibang ibinigay sa kaniyang matandang ina kundi sakit sa ulo. Ngayong lumaki na ito, mas lalo lamang lumala ang mga kalokohan nito.

Sa kanilang pag-uwi, bitbit na ni Aling Rosa ang kaniyang anak. Bumili siya ng lutong ulam sa may kanto at pinaghandaan pa ang anak. Wala ni-isang sermon ang natanggap ni Rex mula sa ina kundi alaga pa at pagmamahal.

“Kumain ka nang kumain at baka gutom ka. Matagal ka na palang nasa presinto pero ngayon lang nasabi sa akin. Pasensiya na anak ko,” marahang wika pa ni Aling Rosa.

Advertisement

“Huwag ka nga magbait-baitan! Sermunan mo ako! Pagalitan mo ako!” sigaw ni Rex matapos itapon sa sahig ang mga tasa na naglalaman ng kanilang ulam. Tahimik lamang ang matanda at ito ay yumuko. Matapos ay pumasok si Rex sa kaniyang silid. Naiwan naman na umiiyak habang naglilinis ng kalat ang matanda.

Dumaan pa ang mga araw, nagpatuloy sa pagtitinda ang matanda habang ang binatang anak naman ay patuloy na nasasadlak sa kaniyang mga masasamang gawain. Alam kasi niyang kahit na anong mangyari ay palagi siyang susunduin ng ina anuman ang kaniyang ginawa.

Isang tanghali, balak sana ng tropa ni Rex ang manloob ng isang bahay. Nais sana nilang turuan daw ng leksiyon ang lalaki dahil labis ang pagsusungit nito sa kanila. Maya maya pa, hindi pa man nakakagalaw si Rex ay isang bata ang tumakbo palapit sa kaniya.

“Kuya Rex! Yung nanay mo dinala sa ospital, wala nang buhay!” balita nito sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ng binata at walang pasubaling nagtungo sa ospital.

Malaki ang patak ng mga luha ni Rex habang pinagmamasdan ang ina sa kaniyang katandaan na nakahiga sa kama. Doon lamang niya nalaman ang kalagayan ng ina subalit lubhang mahal ang kapalit upang magkaroon lamang ng bagong puso ang ina. Kailangan kasi ng isang taong binubuhay na lamang ng makina upang kuhain ang puso nito at ilagay sa matanda.

Nang malaman ito ng binata, agad siyang umalis ng ospital at nagtugo sa isang gusali. Doon, isinigaw niya ang labis na pagmamahal at pagsisisi dahil pinahirapan niya ang ina. Hanggang sa tuluyan na siyang tumalon mula sa itaas at nahulog sa ibaba…

Makalipas ang isang buwan, makikitang muli ang masayahing matanda na si Aling Rosa bitbit ang mga timbang naglalaman ng mga isda na kaniyang paninda. Habang binabati siya ng mga tao roon, hinding hindi malilimutan ng ina kung paano niya inilibing ang sariling anak. Hawak niya ang kaniyang dibdib kung saan naglalaman ng puso ng nag-iisa niyang anak.

Para sa marami, nararapat lamang daw ang ginawa ni Rex upang pambayad sa lahat ng kasalanang ginawa nito. Subalit para kay Aling Rosa, maling mali na ang ina ang siyang magdadala sa huling hantungan ng kanilang anak. Dahil kahit ano’ng mangyari, hinding hindi mawawala ang kaniyang pagiging ina anuman ang ugali ng anak.