Kay Tagal Nang Nawawala ng Anak ng Ginang at Himalang Natagpuan Ito; Mayroon Pala Itong Isisiwalat

“James! James! James!” alingawngaw ng sigaw ni Perlita ang naririnig sa lahat ng kabahayan sa kanilang eskinita. Agad namang rumesponde ang kaniyang bagong nobyo na si James upang tingnan kung ano ang nangyari.

“Si Brendo, si Brendo, nawawala!” patuloy na pag-iiskandalo ng ginang matapos makita ang silid ng kaniyang dalawampu’t dalawang taong gulang na anak na may sakit sa pag-iisip. Simula sa araw na iyon, hindi napagod si Perlita sa paghahanap sa kaniyang nag-iisang anak kasama ang kaniyang kinakasama.

Isang taon pa lamang ang nakakalipas nang bawian ng buhay ang kaniyang asawa. Naiwan siya at ang kaniyang anak na kinalauna’y nalamang may sakit pala sa pag-iisip. At dahil na rin sa kahirapang dala ng pandemya, hindi na kinaya pang maipagamot ni Perlita ang anak. Subalit ngayon ay tuluyan na itong hindi umuwi sa kanila. Sinuyod na nila ang mga karatig bayan pati na mga lungsod subalit bigong matagpuan ng ale ang kaniyang anak.

Hanggang sa isang araw, isang bidyo na kumalat sa social media ang kaniyang napanood. Laking gulat ng ale nang makita ang anak na tinatampok sa bidyo na iyon. Matapos ang dalawang taong paghahanap sa anak, sa wakas ay muli siyang nagkaroon ng pag-asang buhay pa ang anak.

“James, bilis! Maiiwan na tayo ng barko!” pagmamadali ni Perlita sa kaniyang kinakasama.

“Oo na, heto na, heto na!” iritableng sagot naman nito.

Wala nang sinayang na oras si Perlita at agad na nagtungo sa pamamagitan ng pagsakay sa barko upang kumpirmahin na ito nga ang nawawala niyang anak. Sa tulong ng mga mabubuting tao sa isang probinsya kung saan natagpuan ang kaniyang anak na si Brendo, muling nahagkan ni Perlita ang anak.

“Ooh, anak! Anak ko, Brendo?!” atungal ng ale matapos makita ang anak na nakahiga sa gilid ng kalsada. Gula-gulanit ang damit nito, mahaba ang buhok at naglalakad nang walang saplot ang mga paa.

Advertisement

“Kilala mo pa ba ako? Sino ako?” patuloy pang wika ng ale.

“Mama,” mahinang tugon naman ni Brendo na walang kaalam-alam sa nangyayari.

Agad na pinaliguan, binihisan, at pinakain ng disenteng pagkain si Brendo na halata ang labis na pagkagutom. Ang dating hindi na makilala dahil sa dungis nito, ngayon ay nagbalik muli sa pagiging mukhang disenteng tao. Ang kwentong ito ng mag-ina ay labis na pumukaw sa puso ng mga tao at bumuhos ang tulong mula sa mga ito.

Pagkauwi sa Maynila, marami ang lumapit sa mag-ina upang maipagamot nang maayos si Brendo. Nagpatuloy pa ang mga araw at buwan na kinailangang magtigil ni Brendo sa isang pasilidad upang tuluyan nang gumaling sa kaniyang sakit sa pag-iisip. Sa bawat araw na lumilipas, labis ang pasasalamat ng ina sa lahat ng mga taong tumulong pati na sa Diyos na siyang duminig ng kaniyang panalangin.

Muling lumipas ang isang taon at sa wakas ay ligtas na para umuwi si Brendo sa kanilang bahay. Hindi pa man pumuputok ang araw ay sabik si Perlita na sinundo ang anak. Nagluto siya ng mga kakanin bilang selebrasyon sa mga araw at taon na hindi niya nakasama ang anak.

“Hindi ka na mahihirapan pa, anak. Aalagaan kita hanggang sa huling hininga ko,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Perlita bago pa man sila tuluyang kumain. Habang sa isang tabi naman, tahimik lamang at nagmamasid-masid ang kaniyang kasintahan na si James.

Sa tulong din ng mga tao, nakapagpatayo ng maliit na karinderya si Perlita at araw-araw, masayang naghahanap-buhay ang ale kasama si Brendo pati na si James. Kahit ilang minuto lamang na hindi niya masilayan ang anak, agad niya itong hinahanap dahil ninenerbyos siya sa takot na mawalang muli ito.

“’Ma, hindi muna ako sasama sa palengke, dito muna ako kasi medyo nahihilo ako sa bagong gamot na ininom ko na binigay ng doktor,” paalam ni Brendo sa kaniyang ina na sinang-ayunan naman kaagad ni Perlita.

Advertisement

Sa pag-uwi ng ale galing sa kaniyang pamamalengke, natagpuan na lamang niya ang anak na may hawak na patalim. Sa likod ng kanilang sofa ay ang kaniyang kasintahan na si James na naghihingalo’t humihingi ng tulong. Labis ang gulat at takot sa mga mata ni Perlita sa kaniyang nasaksihan. Mabilis niyang binaba ang mga plastik ng gulay at sinarado ang mga binatana pati na pintuan. Kinuha niya ang patalim mula sa anak at nilinisan ito.

Habang nililinis ang dugo ng kasintahan na kinalaunan ay binawian na rin ng buhay, hindi mapigilan ni Perlita ang pagtulo ng kaniyang mga luha. Sinilid niya ang katawan nito sa isang sako at itinago ito. Nang masiguro na malinis na ang lahat, pumasok siya sa kaniyang silid at doon inilabas ang atungal ng isang ina para sa anak.

Maya maya, narinig ng ginang ang tunog ng sasakyan ng mga pulis. Mabilis siyang bumaba subalit huli na ang lahat dahil nakita na lamang niya ang anak na pinoposasan ng mga pulis. Sinundan niya ang mga ito upang ipaliwanag sana ang lahat.

“’Ma, sorry… Siya ang may kasalanan ng lahat! Siya! Niligaw niya ako hanggang sa hindi ko na alam ang daan pauwi! Siya ang may kasalanan! Siya!” sigaw ni Brendo habang siya ay nakapiit sa kulungan.

Labis ang pagtangis ni Perlita sa kaniyang nalaman na ang kasintahan pala ang salarin sa pagkawala ng anak. Dahil sa sakit ni Brendo sa pag-iisip ay hindi rin siya nagtagal sa piitan, muli siyang inilipat sa pasilidad ng mga may sakit sa utak. Naiwan naman si Perlita na kinakaya ang lahat habang patuloy na nabubuhay para sa kaniyang anak. Aniya, anuman ang mangyari at ginawa ng kaniyang anak, mananatili itong anak niya na kailanman ay hinding-hindi niya itatakwil.