Palagi na Lamang Nagkukulang ang mga Manok na Binebenta ni Manong; Nakaisip Siya ng Paraan Upang Mahuli ang Salarin

“Pasensiya na, Mang Eddie, iyan lang ang halaga ng mga manok ngayon. Kumakalat na kasi ang sakit na galing sa mga karne kaya kaunti na lang ang mga nagpapaangkat ng mga manok,” wika ng masugid na suki ni Eddie habang iniaabot ang maliit na halaga sa matanda.

“Ano ka ba?! Ayos lang iho, naiintindihan ko. Bawi na lang tayo kapag ayos na ang panahon, hindi ba?” biro naman ang tugon dito ng matanda. Pagkatapos ay agad na siyang bumalik sa kaniyang bahay kung saan matatagpuan din ang kaniyang mga alagang manok na pinagkukunan din ng kanilang ikinabubuhay.

Umupo sa upuan ang matanda habang minamasid ang kaniyang mga manok at ang tatlong mga empleyado na sina Mark, Joshua at Lester. Ang tatlo ay mga napulot niya sa gitna ng kalsada habang namamalimos upang may makain. Nagpasiya siyang kupkupin ang mga ito, pakainin, pag-aralin, at isama sa kaniyang negosyo. Simula noon, siya na ang tinuring na ama ng mga ito kahit na mayroon na siyang nag-iisang anak na lalaki.

“Dito muna ang lahat! Dito, dito, dito…” malakas na sigaw ng matanda at agad namang nagsilapitan ang mga ginoo.

“Bakit ho, ‘tay? May problema ba?” tanong ni Joshua sa matanda.

“Wala naman masyado bukod sa mababa ang bentahan natin ngayong buwan,” tugon ng matanda habang ito’y nakangiti sa mga alagang binata.

“May problema tayo. Napapansin kong ilang buwan nang parami nang parami ang mga nawawalang manok natin. At huwag niyo sabihing nagkakasakit dahil alam ko ‘yan lahat. Kay tagal ko na sa negosyong ito at alam ko kapag may mali. Noong mga nakaraang buwan ay paisa-isa lamang ngunit ngayon e talagang dumarami na,” pagbibigay liwanag ni Mang Eddie sa mga ito.

“Eh baka naman ho nagkakamali lang-” wika sana ni Lester upang mangatuwiran subalit hindi na siya pinatapos ng matanda at agad na siyang sinagot nito.

Advertisement

“Hindi ako nagkakamali. Totoong may kumukuha ng mga manok. Mayroon bang aamin? Huwag kayong mag-alala dahil wala namang parusa kaya’t bakit kayo matatakot?” pabirong sambit ni Mang Eddie. Naghintay pa siya ng ilang minuto ngunit wala ni-isang boses ang tumaas upang umamin sa nangyayari.

Bilang resulta, kinaltasan ni Mang Eddie ang buwanang sahod ng lahat maski na sarili niyang anak. Hindi man sang-ayon ang mga binata sa desisyong iyon ng matanda, wala silang nagawa kundi ang tanggapin ang pinatong na parusa nito para sa lahat. Subalit ang pangyayaring ito pala ang magsisimula ng kaguluhan sa relasyon ng mga binata.

“Ayaw pa kasing umamin ng isa diyan!” parinig ni Nico na totoong anak ni Mang Eddie.

“Aba! Hindi porket kinupkop lang kami, ibig sabihin ay isa na sa amin ang may salarin. Mas posible ngang ikaw ‘yon kasi lagi kang nagrereklamo kung gaano kahigpit si Tatay Eddie,” galit na tugon naman ni Mark kay Nico.

“Ha? Ang kapal mo naman talaga eh ‘no? Talagang gusto mong-” akmang pagbubuhatan na sana ng kamay ni Nico si Mark nang biglang dumating ang matanda.

Sa muli nilang pag-uusap, nagkaroon ng mahalagang desisyon si Mang Eddie. Hindi na sila kakaltasan ng sahod sa kanilang buwan buwan na natatanggap. Ang lahat naman ay nagbunyi at muli na namang nagkaroon ng kapayapaan sa isa’t isa katulad ng dati.

Isang umaga, paggising ng mga binata, agad silang nagtungo sa manukan ni Mang Eddie at nagtrabaho katulad ng kanilang ginagawa sa araw-araw. Masaya ang lahat na parang walang maling nagaganap. Lingid sa kaalaman ng lahat ay ang magandang plano ni Mang Eddie upang matukoy ang salarin.

Ang hindi alam ng lahat, nagkaroon ng sakit ang ilan sa mga manok ni Mang Eddie. Napili naman na niya ang mga iyon at inilagay sa kulungan kung saan palaging mayroong nagkukulang. Naghintay ang matanda hanggang sa dumating ang isang malaking gulo.

Advertisement

Ilang araw lamang ang nakalipas, isang balita ang inihayag ni Mang Eddie na maraming mga batang kalye na nakatira sa palengke ang itinakbo sa ospital. Ito ay dahil sa sakit ng tiyan at pagsusuka dahil sa karneng kinain ng mga ito. Hindi pa man tapos sa paghahayag ng balita ang matanda, agad na tumayo sina Mark, Joshua at Lester at nagtungo sa ospital kung saan naroon ang mga bata.

Habang nasa ospital, maluha-luha pa ang tatlo na kinukumusta ang mga bata. Lahat ng iyon ay umiiyak sa kanila. Sa kanilang pagpapahinga, nakita nila ang mukha ng kanilang tatay-tatayan at ni Nico at nanlumo sila dahil alam nilang nahuli na sila ng matanda.

Sa paglapit nito sa kanila, lumuhod ang tatlo at umiyak sa paanan ng matanda. Subalit itinayo sila nito at niyakap isa-isa.

“Proud ako sa ginagawa ninyo, pero may tamang paraan sa lahat. Dahil kahit tama ang ginagawa ninyo, kung hindi naman tama ang pagkakagawa, mali pa rin iyon. Ngunit huwag kayong mag-alala dahil tatay niyo ako anuman ang mangyari,” wika ni Mang Eddie sa mga anak.

Tinulungan nina Mang Eddie ang mga batang nagkasakit. Nagpatuloy ang masasayang mga araw ng mag-aama kasama na ang patuloy na pagbibigay ng pagkain sa mga batang kalye. Natutuhan ng magkakapatid na hindi masamang magbigay ng tulong sa iba kung sa mabuting paraan mo iyon ginawa.