Nais Maoperahan ng Dalaga Upang Magawa na Niya ang Kaniyang Gusto; Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tunay na Pag-Ibig

Nais Maoperahan ng Dalaga Upang Magawa na Niya ang Kaniyang Gusto; Ito pala ang Magdadala sa Kaniya sa Tunay na Pag-Ibig

HeartbreakingLoveStories

Natagpuan ni Lilia ang kaniyang anak na nagmumukmok sa kaniyang silid at patuloy ang pag-iyak. Labis tuloy na nag-alala ang ginang dahil makakasama ito sa dalagang anak. Isinilang kasi itong may sakit sa puso. 

“Abby, anak, may masakit ba sa’yo? Tara at dadalhin kita sa ospital!” pag-aalala ng ina. 

“Dito, ‘ma, dito po ang masakit,” tugon ng umiiyak na anak habang tinuturo ang kaniyang puso. 

Lalo tuloy nataranta si Lilia. 

“Sumisikip na naman ba ang dibdib mo? Bakit ngayon ka lang nagsabi? Diyan ka lang at tatawag ako ng ambulansiya!” natatarantang saad pa ni Lilia. 

“H-hindi, ‘ma. Hindi po sumisikip ang dibdib ko. Masakit ang puso ko dahil tuluyan na po akong iniwan ni Nick. Ang sabi niya sa akin ay hindi raw niya kayang makasama ang may sakit na tulad ko. Masasaktan lang daw kaming dalawa. Bakit kasi nagkasakit pa ako ng ganito? Parang wala tuloy akong karapatan na magmahal at mahalin,” pahayag pa ng dalaga. 

Nahabag naman ang ginang sa sinabi ng kaniyang anak. 

“Anak, hindi ba mas mainam na ‘yun na iniwan ka na niyang si Nick? Ngayon ay alam mo nang hindi siya ang karapatdapat para sa iyo. Darating din ang lalaking para sa iyo. ‘Yung tatanggapin ka sa kung ano ka ng buong-buo. Saka tigilan mo muna ‘yang ganiyan. Bawal kang maistres sabi ng mga doktor. Naghahanap na lang tayo ng donor para masimulan ang operasyon mo. Maghintay ka na lang, anak, at tuluyan ka na ring gagaling,” wika pa ng ina.

Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni Lilia sa anak. Alam niyang hindi agad nito maiibsan ang sakit na nararamdaman ng anak dahil sa pagkabigo sa unang pag-ibig. Ngunit mas kailangan niyang protektahan ang anak dahil sa kalagayan nito. 

Kinabukasan ay napansin ni Lilia na panay ang titig ni Abby sa kaniyang selpon. 

“Hinihintay mo bang tawagan ka ni Nick? Anak naman! Hindi ba’t napag-usapan na natin ito kagabi? Saka ka na umibig kapag magaling na ang puso mo,” payo pa ni Lilia. 

“‘Ma, hindi naman po si Nick ang hinihintay kong tumawag kung hindi ang ospital. Kailan kaya nila ako tatawagan para sabihin sa akin na nakakita na sila ng donor sa puso ko? Hindi na kasi ako makapaghintay na mamuhay nang normal, ‘ma. Nais ko ring maging katulad ng ibang dalaga na nagagawa ang lahat ng kanilang nais,” pahayag naman ni Abby. 

“Kaunting sandali na lang, anak, at darating din tayo diyan. Basta ang kailangan mo ay palakasin ang katawan mo nang sa gayon ay maging handa ka sa operasyon anumang oras,” sambit pa ng ina. 

Naaawa na rin si Lilia sa kalagayan ng kaniyang anak. Noon pa man kasi ay hindi na na-enjoy ni Abby ang kaniyang kabataan dahil maraming bawal sa kaniya. Kung p’wede lang ibigay ni Lilia ang kaniyang puso para sa kaniyang nag-iisang anak para mabuhay ito nang normal. 

“Roger, tulungan mo naman akong manalangin sa Panginoon na sana ay makakuha na ng donor para sa puso ni Abby. Alam ko namang malakas ka riyan sa langit,” saad ni Lilia sa larawan ng asawa. 

Matagal na ring yumao ang mister ni Lilia dahil sa sakit sa puso. Marahil nga ay dito namana ni Abby ang kaniyang sakit.

Isang araw ay sumikip ang dibdib ni Abby at kinailangan siyang dalhin sa ospital. Hindi pa man natatapos ang araw ay nais nang umuwi ng dalaga. 

“‘Ma, ayos na po ako. Tingnan n’yo at nakakagalaw na ako nang maayos. Hindi na rin masikip ang paghinga ko. Kaya umuwi na po tayo. Alam n’yo namang ayoko sa ospital dahil lalo lang nitong pinapalala ang sakit ko,” saad ni Abby sa ina. 

“Anak, kailangan ka pang suriin ng doktor. Huwag nang matigas ang ulo mo!” pakiusap naman ng ina. 

Pilit na nakikipagtalo si Abby sa ina nang biglang dumating ang isang nars. Agad nitong napukaw ang atensyon ng dalaga dahil sa gandang lalaki nito. 

“Ma’am, pasensiya na po at hindi pa namin kayo p’wedeng pauwiin kasi marami pa pong pagsusuri na kailangan ang mga doktor. Para rin po ito sa kapakanan ninyo. Kaunting tiis na lang at bubuti na rin ang kalagayan n’yo,” nakangiting sambit ng binatang nars na si Noah.

“Huwag mong sabihin sa akin na gusto mo nang manatili dito sa ospital dahil sa nars na ‘yan! Baka mamaya ay matunaw ang nars mo dahil sa pagkakatitig mo, Abby! Tandaan mo at kagagaling mo lang sa pagkabigo sa pag-ibig!” natatawang kantiyaw naman ni Lilia sa anak. 

“Ito namang si mama, pinapahiya ako! Ayaw ko pa rin po dito sa ospital, ‘ma. Kaya umuwi na po tayo!” giit pa ng dalaga. 

“Kaunting tiis na lang, ma’am. Hayaan mo at ako ang mag-aalaga sa iyo para mas mapabilis ang paglabas mo dito sa ospital,” saad muli ni Noah. 

Pilit na itinatago ni Abby ang kilig na kaniyang nararamdaman. 

Araw-araw ay inaabangan ni Abby ang pagpunta ni Noah sa kaniyang silid upang siya ay asikasuhin. Minsan ay nakakapagkwentuhan na rin ang dalawa. 

Dahil masarap ngang kabiruan at kakwentuhan itong si Abby ay tuluyan nang hiningi ni Noah ang kaniyang numero at saka sila naging textmates. 

“Kanina pa abot tenga ang ngiti mo, anak! Sino ba ang ka-text mo?” pagtataka ni Lilia. 

“Wala po, ‘ma. Kaibigan ko lang!” tugon ni Abby. 

“Anak, hindi ba sinabi ko sa iyo na ipagpaliban mo muna ang pag-ibig at baka masaktan ka na naman? Baka sa pagkakataong ito ay hindi makayanan ng puso mo. Nalalapit na ang operasyon mo,” bilin pa ni Lilia. 

“‘Ma, naman! Hindi naman po ang puso ang nagmamahal kung hindi ang utak. Saka hindi naman po ako masasaktan dahil magkaibigan lang kami nitong si Noah. Huwag po kayong mag-aalala at natutuwa lang naman po akong ka-text siya,” depensa muli ng dalaga. 

Ngunit sa araw-araw na magkausap ang dalawa ay hindi na maiwasan ni Abby na mahulog ang kaniyang damdamin kay Noah. Ngunit sa pagkakataong ito ay natatakot siya dahil baka maulit na naman ang nangyari sa kanila ni Nick. Kaya ngayon ay mas ginuwardiyahan niya ang kaniyang puso. 

Unti-unting bumuti ang lagay nitong si Abby at makalipas din ang halos dalawang linggo sa ospital ay nakalabas na rin ito. Baon niyang uuwi ang pagkakaibigan nila ni Noah. 

“Sana naman ay hindi lang basta matapos dito ang pagkakaibigan natin, Abby. Alam mo, simula nang makilala kita ay mas nagkaroon ng kulay ang mundo ko,” saad ni Noah sa dalaga. 

“Naku, nambola ka pa! Hindi na ako madadaan sa ganiyan, ‘no! Pero dahil mapilit ka, oo, magiging magkaibigan pa rin tayo. Masaya rin ako na nakilala kita,” tugon naman ni Abby.

Nagputuloy ang pagkakaibigan nina Noah at Abby. Madalas pa rin silang magkausap sa telepono. Minsan din ay lumalabas silang dalawa. 

“Anak, baka naman mamaya ay masaktan ka na naman. Pinapayagan ko lang kayo ni Noah dahil mabuti siyang lalaki at pinapasaya ka niya. Pero natatakot ako na baka mamaya ay masaktan ka na naman,” malungkot na wika ni Lilian. 

“‘Ma, sa pagkakataong ito ay mas iingatan ko na ang puso ko. Ngayon ay ineenjoy ko lang naman kung anong mayroon sa amin ni Noah. Mabuti siyang kaibigan sa akin,” tugon naman ni Abby. 

Habang kumakain sa labas ay napansin din ni Noah na madalas ang pagtingin ni Abby sa kaniyang selpon. 

“Naiinip ka na ba? Kailangan mo na bang umuwi? Ihahatid na kita” tanong ni Noah. 

“H-hindi, Noah, pasensiya ka na. Sa totoo lang ay nag-eenjoy talaga akong kasama ka,” saad naman ni Abby. 

“E, bakit kanina ka pa parang hindi mapakali sa selpon mo?” 

“Hinihintay ko kasi ang tawag ng mga doktor. Nais ko kasing hindi na matapos ang pagkakataong ito, Noah. Sa loob ng maraming taon ay nakakulong lang ako. Takot na makihalubilo sa mga tao dahil sa kalagayan ko. Pero ikaw, binigyan mo ng saya ang buhay ko. Natuto ako lalo na magkaroon ng pag-asa. Kaya nais ko nang maoperahan nang sa gayon ay palagi na tayong magkasama,” saad naman ni Abby. 

“Huwag kang mag-alala, Abby. Nararamdaman kong malapit na malapit na ‘yan!” nakangiting sambit naman ng binata. 

Nang gabing iyon ay nagdesisyon na si Abby na kung maooperahan man siya ay ipagpapatuloy niya ang relasyon kay Noah. 

Kinabukasan ay masayang ginising ni Lilia si Abby. 

“Anak, maghanda ka at ngayon na raw ang araw ng operasyon mo. Nakahanap na ng puso para sa iyo! Ito na ang pinakahihintay mo, anak!” naluluhang sambit ng ina. 

Labis ang saya ni Abby. Bigla niyang naisip si Noah kaya tinawagan niya ito. Ngunit hindi sumasagot ang binata. 

“Malamang ko ay naka-duty na siya. Mamaya sa ospital ay tiyak akong siya ang aasikaso sa akin. Susurpresahin ko na lang siya,” sambit pa ng dalaga. 

Dali-daling nagtungo sa ospital ang mag-ina. Hinahanap ni Abby si Noah ngunit hindi niya ito makita. Hanggang sa kailangan na siyang operahan. 

Makalipas ang ilang oras ay naging matagumpay ang operasyon. Sa wakas ay may bagong puso na itong si Abby. Hindi na siya makapaghintay na makita at sabihin kay Noah ang balita. 

Ngunit sa paglipas ng araw ay hindi pa rin nagpapakita si Noah. Labis na ang pagtataka ng dalaga dahil alam niya na kung malalaman ni Noah ang kaniyang kalagayan ay agad siya nitong pupuntahan. Ngunit bakit hindi pa rin kaya nagpapakita sa kaniya ang binata?

Nakalabas na ng ospital si Abby ngunit wala pa rin ni anino ni Noah. 

Hanggang sa isang araw ay nagpumilit si Abby na makilala ang pamilya ng donor ng kaniyang puso. 

Ngunit hindi siya makapaniwala nang makita niya ang ina ni Noah. 

“A-ano pong ibig sabihin nito? A-asan po si Noah?” naluluhang sambit ng dalaga. 

“Abby, hindi ko alam kasi kung paano sasabihin sa iyo noong nalaman ko kung sino ang donor ng puso mo. Patawarin mo ako, anak,” saad pa ni Lilia. 

“S-si Noah? Si Noah ba ang nagmamay-ari nitong puso ko, ‘ma?” patuloy sa pag-iyak si Abby. 

“Matagal nang may tumor sa utak si Noah ngunit pinipilit niyang mamuhay nang normal. Kitang kita ko kung gaano siya nalungkot dahil ngayon ka lang niya nakilala. Pero binilin niya sa akin na kung may mangyari man daw sa kaniyang masama ay ibigay ko raw sa iyo ang puso niya. Dahil simula nang makita ka niya ay ikaw na raw ang nagmamay-ari nito,” saad ng ina ni Noah. 

Napaluhod na lang sa sobrang pagtangis si Abby. Hindi niya akalain na ang taong nagbigay ng pag-asa sa kaniya ay siya ring taong sasagip ng kaniyang buhay. 

Masaklap man na ngayon ay magagawa na niya ang lahat ng nais niya dahil sa bagong puso ay wala naman ang iniibig upang kaniyang makasama. Masakit man para kay Abby ang pagkawala ni Noah ay kailangan niyang ipagpatuloy ang kaniyang buhay.

Habambuhay na ipagpapasalamat ni Abby ang puso na ibinigay sa kaniya ni Noah. Dahil sa pagmamahal ng binata sa kaniya ay nananatili siyang buhay.

More Stories