Gumanti ang Siga sa Binabaeng Guro dahil Ito ang Dahilan ng Kaniyang Pagkakadakip; Hindi Niya Inaasahan ang Aral na Ibibigay Nito

Nabasag ang katahimikan ng buong eskinita nang habulin ng mga tanod ang kilalang sisiga-siga sa kanilang lugar na si Resty. Ang balita ay may nagsumbong sa baranggay nang sinubukan nitong kikilan ang isang binatilyong napadaan lang.

Habang nagkakagulo sa daan ay lumabas mula sa kaniyang bahay ang pusong babaeng guro na si Buddy. Sinubukan nitong humarang sa daan kaya nasakote ang binata. 

Galit na galit si Resty kay Buddy dahil sa ginawa nito.

“Hindi pa tayo tapos, b*yot! Humanda ka sa akin at sisiguraduhin kong magtatanda ka!” gigil na gigil na sambit ni Resty sa guro. 

“Hoy, tumigil ka na sa mga sinasabi mo at huli ka na! Huwag ka nang pumalag at lalo lang madadagdagan ang reklamo sa iyo!” wika ng isang tanod.

“Ang tigas talaga ng bungo mo, Resty! Salot ka nang maituturing sa lugar na ito! Kailan ka ba magbabago? Bakit pati bata ay pinagtitripan mo! Dapat sa iyo ay tuluyan nang ikulong, e! Kung bakit naman kasi laging umaatras ang mga nagrereklamo sa iyo!” saad pa ng isang baranggay tanod habang nagpupumiglas ang binata.

Pagdating sa baranggay ay pinagsabihan lang nang pinagsabihan itong si Resty. Tulad ng inaasahan ay nakipag-areglo lang ito kaya hindi na tinuloy ng magulang ng binatang nasaktan ang kanilang reklamo.

Sa hindi na mabilang na pagkakataon ay nakatakas na naman sa kaniyang kasalanan si Resty. Hindi nawala sa kaniyang isip ang ginawang pagharang sa kaniya ni Buddy kaya siya nahuli. 

Advertisement

Pagkagaling sa tanggapan ng baranggay ay agad na tumungo si Resty sa kaniyang mga kaibigan.

“Pare, balitang balita ang pagharang sa iyo ni b*klang Buddy! Hindi namin lubos maisip na isang binabae lang pala ang makakatalo sa iyo!” natatawang kantiyaw ng isang kaibigan. 

“Humanda sa akin ang p*nyetang binabae na ‘yan! Huwag niyang sabihin sa akin na guro siya! Hindi naman siya dapat ginagalang dahil maging siya ay salot sa lipunan! Lulumpuhin ko siya hanggang sa hindi na siya makagalaw. Wala akong pakialam kung makulong ako basta kailangan ay hindi na abutan ng umaga ‘yang b*kla na ‘yan!” saad ni Resty ng buong galit. 

Agad na nagplano si Resty ng kaniyang gagawin upang makaganti kay Buddy. 

Malalim na ang gabi at ang lahat ay tulog na. Mag-isang pinasok ni Resty ang bahay ni Buddy. Ang unang plano ay gugulpihin niya lamang ito pero naisip rin niyang pagnakawan ang guro nang sa gayon ay may panggastos siya kung siya man ay magtago. 

Una niyang isinilid sa kaniyang bulsa ang ilang alahas at selpon ng guro. Nang pasukin ni Resty ang silid ni Buddy ay nagulat siya nang makita itong gising. Agad niya itong sinugod at sinapak sa mukha. 

“Akala mo kung sino kang malinis, e, ubod ka rin naman ng dumi! Mas salot ka pa nga sa lipunan kaysa sa akin! Hindi dapat mapabilang sa mundong ito ang isang b*klang kagaya mo! Nasusuklam ako sa kab*klaan mo!” sambit ni Resty sa guro. 

Pilit na lumalaban si Buddy para sa kaniyang sarili. Mabuti na lang at dumating kaagad ang mga tanod.

Advertisement

Natunugan kasi ni Buddy na pinasok ang kaniyang bahay kaya agad siyang tumawag ng saklolo sa mga tanod. 

Agad na hinuli itong si Resty. Nang makarating sa tanggapan ay tumawag na rin ang pamunuan ng baranggay ng mga pulis.

“HIndi biro ang ginawa mo, Resty! Mabuti na lang at nagising itong si Buddy at nakatawag sa amin kung hindi ay baka kung ano na ang ginawa mo sa kaniya!” saad ng isang tanod. 

“Buddy, sa tingin ko ay kailangan na nating gumawa ng aksyon para matigil na ang pamemerwisyo ng binatang ‘yan sa lugar na ito. Tuluyan na natin ‘yan! Sampahan mo na ng kaso nang mabulok na sa bilangguan. Lagpas na naman sa disi-otso ‘yan! P’wede nang ipakulong!” saad ng kapitan ng baranggay.

Lahat ay naghihintay sa desisyon ni Buddy sa kung ano ang gagawin niya kay Resty. 

“P-pasensiya na po, kap, pero hindi ko po siya sasampahan ng kaso!” sambit ni Buddy. 

“Pati ba naman ikaw, Buddy, ay natatakot sa binatang iyan? Baka mamaya ay balikan ka niyan! Kung ano pa ang gawin sa iyo! Isipin mo muna ang ginagawa mo!” wika naman ng kapitan. 

Nagmamalaki naman si Resty nang marinig niyang hindi siya sasampahan ng kaso ng guro. Ang tunay na akala niya ay abswelto na siya.

Advertisement

“Desisido na po ako, kap. Hindi ko siya sasampahan ng kaso. Pero kailangan niyang manilbihan sa akin hanggang sa mabayaran niya ang lahat ng danyos na ginawa niya sa akin. Kung hindi ay ang nanay niya ang ipakukulong ko! Pipirma siya sa kasunduhan na ito,” wika ni Buddy. 

“A-ako? Magsisilbi sa iyo? Hindi na! Ikulong n’yo na lang ako!” saad naman ni Resty.

“Resty, pumayag ka na dahil patung-patong ang ikakaso sa iyo. Baka mabulok ka na sa bilangguan! Pero kung iyan ang gusto mo ay mas mainam dahil mawawalan na kami ng sakit ng ulo!” saad ng kapitan.

Nag-isip nang mabuti itong si Resty. Batid niyang hindi rin niya kakayanin sa loob ng bilibid. Lalo na ng kaniyang ina na may sakit. Kaya pumayag na lang siya sa gusto ng guro. Isa pa, maaari pa rin naman niya itong gawan ng masama. Pakiramdam ni Resty ay mapapasuko niya si Buddy. 

Kinabukasan ay nagpunta si Resty sa bahay ni Buddy upang gawin siya nitong utusan. Ngunit imbes na pagawain siya ng mga trabaho sa bahay ay binigyan siya ni Buddy ng mga libro. 

“Ito, Resty, magbasa ka! Kailangan mong matapos ang mga aralin na ‘yan pati ang librong ito,” saad ng guro.

“Hindi iyan ang pinag-usapan natin! Kahit kailan ay hindi ko gagawin ‘yan!” tugon naman ng binata.

“O, ‘di sige, sasampahan ko na lang ng kaso ang nanay mo! O kaya naman ikaw na lang para tuluyan kang mabulok sa bilangguan!” sambit muli ni Buddy. 

Advertisement

“Tapusin mo ang mga araling ito. Sagutan mo. Kung hindi mo matatapos ay alam mo na ang mangyayari. Pagkatapos ay iuwi mo ang librong ito at basahin mo. Bukas ay may mga tanong akong kailangan mong sagutin,” dagdag pa ng guro.

Napilitan si Resty na tumugon sa lahat ng gusto ni Buddy. Kahit na hirap siya ay pilit niyang sinasagutan ang mga aralin dahil ayaw niyang mapahamak ang ina. 

Araw-araw ay puro ganito ang ipinapagawa ni Buddy kay Resty. Hanggang sa tuluyan nang magustuhan ng binata ang pag-aaral. 

Mabilis na nitong nasasagot ang mga aralin. Hindi na ito makikita pa sa lansangan at namemerwisyo ng ibang tao. Palagi na lang din itong nasa tabi ng ina at nagbabasa ng libro. 

Mula noon ay malaki na ang pinagbago ni Resty. Laking tuwa naman ni Buddy dahil ito nga ang nais niyang mangyari. 

Isang araw ay kinausap ni Buddy itong si Resty. 

“Bukas ay hindi ka na pupunta rito para gumawa ng aralin. Hindi na rin kita pipilitin na magbasa ng libro kung ayaw mo. Dito na natatapos ang lahat ng ito, Resty,” saad ni Buddy. 

Hindi makapaniwala si Resty, Sa totoo lang ay nalulungkot siya sapagkat hindi niya akalin na dito na pala nagwawakas ang lahat.

Advertisement

“Gagawa ulit ako ng masama sa kalye. Mamemerwisyo akong muli sa lugar na ito. Babalik na naman ako sa masamang gawain?!” sambit naman ni Resty. 

“Resty, hindi ka na pupunta dito para gumawa ng aralin. Mayroon akong regalo sa iyo. Ito, buksan mo,” wika naman ng guro sabay abot ng isang envelope. 

“Pinasok kita sa isang programa ng kagawaran ng edukasyon para makabalik ka sa eskwela at nang makapag-aral kang muli. Sa tagal ng pagpunta mo rito at sa pagsagot ng mga aralin ay nakita kong may ibubuga ka, Resty. Batid kong kaya ka naliligaw ng landas ay dahil wala ka sa paaralan. Alam ko ay may pangarap ka sa buhay. At matutupad mo iyon kung makakapag-aral ka. Hindi pa huli ang lahat, Resty. P’wede ka pang magbago,” pahayag pa ng guro. 

Hindi na napigilan pa ni Resty ang kaniyang sarili. Napayakap siya sa guro at lubos siyang nagpasalamat. 

“Sir Buddy, pasensiya na po kayo sa lahat ng nasabi ko sa inyo noon. Patawarin mo po ako sa lahat ng mga kasalanan ko. Maraming salamat po sa ginawa ninyong ito sa akin. Maraming salamat dahil binigyan n’yo ako ng pag-asa na maituwid ang buhay ko at magbago. Sisikapin ko na maiayos ko ang buhay ko nang sa gayon ay matulungan ko rin ang nanay. Maraming maraming salamat po, sir. Hindi n’yo lang po alam pero ang laki ng respeto ko sa inyo,” umiiyak na sambit naman ng binata. 

Mula noon ay tuluyan nang nagbago ang buhay ni Resty. Pumapasok na ito sa paaralan. Ang maganda pa roon ay talagang nagsikap ang binata at nangunguna ito ngayon sa klase. Ngayon ay labis nang ipinagmamalaki ng kaniyang ina ang binata.

Masaya naman si Buddy sa tuluyang pagbabago ni Resty. Ito naman talaga ang nais niyang mangyari sa binata — ang magkaroon ng direksyon ang buhay nito. 

Lumalabas na lang ang pagkasanggano nitong si Resty sa tuwing nakikita niyang may nang-aalipusta sa pusong babaeng guro.

Advertisement

“Hindi matatawaran ng kahit sino ang kinabukasang ibinigay sa akin ni Sir Buddy. At patuloy ko siyang ipagtatanggol hanggang sa makakaya ko dahil buhay akong patotoo na mabuti siyang tao!” saad pa ni Resty.