Matagal na Nagtiis ang Binata at Kaniyang mga Kapatid sa Piling ng Malupit na Tiyahin; Bandang Huli ay Tagumpay rin ang Kanilang Nakamit

“Aba’t natutulog pa rin kayong mga talipandas kayo! Mag-aalas singko na ay hindi pa rin kayo bumabangon! Ano? Ako na lang ng ako ang kakayod para sa atin? Hindi kayo mga senyorito at senyorita sa bahay na ito! Dapat nga ay ako pa ang pinasisilbihan ninyo!” bulyaw ni Aling Minda sa kaniyang tatlong pamangkin.

“P-pasensiya na po, tiya. Pasado alas dose na po ng madaling araw kami natapos sa pag-aayos ng mga gulay na ititinda natin ngayon,” saad naman ng binatang si Arman.

“At nagdadahilan ka pa! Ang sabihin mo ay tamad ka lang! Tumayo na kayong magkakapatid at kay tatamad ninyo! Kaya hindi umaasenso ang buhay natin ay dahil minamalas ako sa inyo!” sigaw pa ng ginang.

Tila tilaok na ng manok kung ituring ng magkakapatid ang bunganga ng kanilang Tiya Minda. Araw-araw na tinitiis ng magkakapatid, lalo na ng panganay na si Arman ang lahat ng masasakit na salita at pananakit ng kaniyang Tiya Minda. Ngunit wala naman silang magawa dahil nakikitira lamang silang magkakapatid sa ginang simula nang sila ay maulila.

Kinailangan ni Arman na tumigil sa pag-aaral upang tumulong sa kaniyang tiyahin sa pagtitinda. Maging ang kaniyang mga nakababatang kapatid ay huminto na rin sa pag-aaral at katu-katulong na lang ni Aling Minda sa palengke. 

Kahit pagod ang katawan at inaantok pa ay pilit na bumangon ang magkakapatid. Wala pa man laman ang kanilang mga sikmura ay gumayak na sila upang magtungo sa palengke.

“Kuya, bakit ba kailangan pa nating gawin ito? Hindi naman tayo pinapasahod ni Tiya Minda? Napapagod lang tayo!” reklamo ng bunsong si Anton.

“Oo nga kuya! Baka naman p’wedeng huwag na tayong makitira kay Tiya Minda. Kumuha na lang tayo ng sarili nating matutuluyan. Saka tayo magtrabaho para may sahod naman tayo. Sa gayon ay makakain natin ang gusto natin at makakapagpahinga tayo sa oras,” saad naman nig isa pang kapatid na si Alice.

Advertisement

“Kaunting tiis na lang mga kapatid. Gagawa ako ng paraan para maialis ko kayo sa sitwasyon na ito. Gusto kong magpunta sa ibang bansa para kumita ng mas malaki. Para maiahon ko kayo sa hirap saka para hindi na rin tayo makisama kay tiya,” saad naman ni Arman.

Sa totoo lang naman kasi ay p’wedeng gawin ni Arman na itakas na lang ang kaniyang mga kapatid. Pero hindi niya ito magawa dahil hindi siya nakakasigurado na kaya niyang bigyan ng matitirhan ang mga ito. Ngunit hindi siya tumitigil upang makakuha ng pagkakataon para makaipon.

Minsan, kapag wala ang kaniyang tiya sa palengke ay umeekstra si Arman na tagabuhat. Marami nang nakakasalamuha itong si Arman sa palengke. Isa na nga rito ang binatang si Ador. Pilit siyang niyayaya nito na magtrabaho sa ibang bansa dahil may kakilala raw ito na ahente.

“Sige na, pare! Wala namang mawawala sa atin dahil tingnan mo naman ang iiwan nating trabaho dito! Tayong mga walang pinag-aralan ay hindi na p’wedeng mamili ng trabaho!” saad ni Ador kay Arman.

“Nais ko muna kasing siguraduhin na ayos ang kalagayan ng mga kapatid ko bago ako umalis nang tuluyan sa Pilipinas. Sino ba naman ang hindi gugustuhin na makapagtrabaho sa ibang bansa, hindi ba? Nag-aalala lang ako sa mga kapatid ko,” saad naman ni Arman. 

Habang nag-uusap ang magkaibigan ay bigla na lang dumating ang kapatid ni Arman na si Alice at nagsisisigaw.

“Kuya! Kuya! Tulungan mo si Anton! Kanina pa siya ginug*lpi ni tiya doon sa may harap ng pwesto natin!” natatarantang sambit ng kapatid. 

Kumaripas ng takbo itong si Arman upang tulungan ang kapatid.

Advertisement

“Ang kapal ng mukha mo! Pinapalamon ko na nga kayong magkakapatid at binigyan ko na kayo ng matitirhan ay ganito pa ang igaganti mo! Magnanakaw ka!” bulyaw ni Aling Minda sa pamangkin.

Patuloy naman ang pagmamakaawa ni Anton. Agad na umawat si Arman nang makita niyang muling sisipain ng tiya ang bunsong kapatid.

“Tiya, tama na po! Huwag n’yo namang saktan dito si Anton. Huwag n’yo rin siyang hiyain sa harap ng maraming tao. A-ano po ba ang dahilan ng lahat ng ito?” sambit naman ng binata.

“Itong kapatid mo, kaya pala palaging kulang ang pinagbentahan ay dahil kinukuha niya! Kitang kita ko! Nanakawan pa ako!” muling wika ni Minda.

Hindi makapaniwala itong si Arman. Ngunit kailangan niyang ipagtanggol ang kaniyang kapatid.

“Tiya, pasensiya na po kayo. Ako po ang nag-utos sa kaniya na kumuha sa pinagbentahan kung kailangan nila. P-pasensiya na po,” saad ni Arman. 

Hindi pa man nakakatapos ng sinasabi ang binata ay agad siyang sinampal ng tiyahin.

“Ang kapal ng mukha mo! Pabigat ka na nga ay tinuturuan mo pa ang mga kapatid mo na magnakaw! Simula ngayon ay ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo sa bahay ko! Hindi p’wedeng sumama ang mga kapatid mo sa iyo dahil sila ang magbabayad ng mga kinuha mo sa akin!” bulyaw muli ng ginang.

Advertisement

Niyakap ni Anton at Alice ang kanilang kuya dahil ayaw nilang magkawalay sila.

“Kuya, bakit mo inako ang pagkakasala ko? Dapat ay hinayaan mo na lang akong saktan ni Tiya Minda!” umiiyak na sambit ni Anton.

“Hindi ko kayang makita kayong natutulog sa lansangan at nagugutom. Huwag kayong mag-alala. Gagawa ako ng paraan para makuha ko kayo. Magtiis lang kayo ng sandali at kukunin ko kayo!” saad naman ni Arman.

Tinungo ni Arman ang kaibigan niyang si Ador upang tanggapin ang alok nito. Hindi na makapaghintay si Arman na makapunta sa ibang bansa para makapag-ipon at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang mga kapatid.

Ngunit pagdating niya ng ibang bansa ay wala pa lang trabahong naghihintay sa kaniya roon. Ang totoo ay binenta sila ng tinutukoy na ahente para maging alipin.

Mabuti na lamang at nakatakas si Arman. Ginawa niya ang lahat upang makalayo.

Ngunit dahil walang dalang salapi at hindi niya kilala ang lugar, labis na nahirapan si Arman. Matinding gutom ang kaniyang tiniis. Halos mamalimos siya sa lansangan. Ilang beses niyang tinakbuhan ang batas upang hindi siya makulong.

Hanggang sa napadpad din siya sa palengke ng lugar. Doon ay nakahanap siya ng trabaho bilang tagabuhat. Minsan ay pumapasok din siya bilang tagahugas ng pinggan at tagaligpit ng pinagkainan sa isang maliit na kainan. Madalas lang siyang hindi nagsasalita dahil limitado ang kaniyang kaalaman sa wikang banyaga.

Advertisement

Mula doon ay nakaipon si Arman. Agad siyang bumili ng ihawan upang magbenta ng mga isaw at barbeque. Sarap na sarap ang mga mamimili at pumatok ang kaniyang ibinebenta sa isang bangketa sa palengke. Makailang ulit na rin siyang sinita ng mga pulis at kinuha ang kaniyang lutuan pero hindi siya nawalan ng pag-asa.

Nag-ipon siya upang kahit paano ay makapagrenta kahit ng isang maliit na espasyo sa isang pasilyo sa pamilihan.

Inayos ni Arman ang kaniyang pagtitinda. Lalo niyang sinarapan ang kaniyang mga rekado at dinamihan niya ang mga pagpipilian. Mula sa mga inihaw ay nagdagdag rin siya ng iba pang mga pagkain tulad ng kwek-kwek. Naging patok ito sa mga mamimiling banyaga.

Unti-unting umunlad ang tindahan ni Arman hanggang sa kaya na niyang ayusin ang mga papeles para lehitimo na siyang makapagtrabaho at makapagtinda nang hindi nagtatago sa batas.

Nang maging maayos na ang lahat ay saka niya kinuha ang kaniyang mga kapatid. Tamang tama naman dahil pinalayas na pala ni Aling Minda ang dalawa niyang nakababatang kapatid dahil pabigat raw ang mga ito.

Tuwang tuwa sina Alice at Anton sapagkat hirap na hirap na sila sa piling ng kaniyang tiyahin. Wala silang nais kung hindi ang makasama lang ang kanilang Kuya Arman.

“Akala ko, kuya, ay hindi mo na talaga kami babalikan. Umugong kasi ang balita na baka hindi ka na raw namin makikita pang muli dahil nga sa masamang nangyari sa inyo rito. Mabuti na lang ay pinalad ka!” umiiyak na sambit ni Alice sa kapatid.

“Ang lahat ng ito ay dahil sa inyong mga kapatid ko. Kayo ang nasa isip ko nang mga panahon na pinilit kong makatakas sa mga masasamang loob na ‘yun. Kayo ang iniisip ko kaya ako nagsikap nang ganito. Dahil bilang panganay n’yong kapatid ay nais kong mabigyan ko rin kayo ng magandang buhay,” pagtangis naman ni Arman. 

Advertisement

Simula nang araw na iyon ay hindi na naghiwa-hiwalay pa ang magkakapatid. Tulong-tulong sila sa pagpapaunlad ng negosyong sinimulan ng kanilang Kuya Arman.

Sa ngayon ay nasa mahigit apatnapu na ang mga naitayong kainan ni Arman katulong ang kaniyang mga kapatid. Naging tanyag sila sa pagbebenta ng mga kakaibang pagkain mula sa ating bansa na talaga namang tinangkilik ng mga banyaga.