Simula Pagkabata ay Alam Niyang Hindi Siya sa Babae Nagkakagusto Kundi sa mga Lalaki; Paano Naman Kaya Kung Paglaruan Siyang Bigla ng Pag-Ibig?

“Hoy! Si Jodi, panay ang tingin kay Maxine,” nanunuksong wika ni Faye sa dalawang kaibigan.

“Hoy! Maghunusdili ka nga r’yan Faye! Tinitingnan ko si Maxine, kasi may kakaiba sa kaniya ngayon, hindi dahil may pagnanasa ako sa kaniya. Pareho kaming babae ‘no at hindi kami talo!”

Depensa ni Jodi— bilang babae, at Jude naman sa totoong buhay. Iyon kasi ang pangalang nakasulat sa birth certificate niya, kahit hindi man niya nais sundin ay wala siyang magawa. Kaya sa lahat ng mga kaibigan niya’y Jodi ang nais niyang itawag ng mga ito dahil iyon ang pangalang akma sa kaniyang pagkatao.

Si Maxine ang babaeng maituturing niyang pinakamatalik na kaibigan, kasi ito lamang ang nakakaunawa sa kaniya na madalas ay hindi nauunawaan ng ibang tao. Ito rin madalas ang nagtatanggol sa kaniya sa mga nanunuksong lalaki at ito rin ang nakikipagsabunutan sa mga lalaking pinaglalaruan lamang ang puso niya.

Bata pa lang ay alam na niya sa sariling isa siyang binabae at tanggap naman siya ng kaniyang mga magulang sa pagiging kakaiba.

“Bakit kasi hindi na lang si Maxine ang gawin mong syota, Jodi,? ‘Di hamak na mas bagay naman kayong dalawa. Babae siya, at lalaki ka,” tukso ni Faye.

“L*tse ka talaga, Faye!” singhal ni Jodi sa kaibigan sabay bato ng tsinelas na tinawanan lamang ng isa. “Lalaki ang katawan ko, pero purong babae ang puso ko ‘no!”

Ngumiti lamang si Maxine at Faye sa sinabi niya. Alam naman iyon ng dalawang kaibigan na purong pusong babae siya, at kailanman ay hindi nito kinwestiyon ang katauhan niya, sadyang mapanukso lamang talaga si Faye.

Advertisement

Kumpara kay Faye ay mas palagi niyang kasama si Maxine kahit saan man siya magpunta, at hindi na nga yata siya sanay na hindi ito nakikita sa isang buong araw.

“Nasaan si Maxine?” takang tanong niya kay Faye.

Dalawang araw na rin kasi mula noong hindi niya nakikita ang kaibigan. Hindi naman niya alam kung saan ito nagpupupunta at bakit hindi man lang ito dumadaan sa tambayan nila.

“Hindi mo alam?” gulat na wika ni Faye. “Anong klaseng kaibigan ka ba? Kaya hindi masyadong nakakalabas si Max, kasi masyado siyang abala sa buhay ngayon. Pagkatapos kasi ng trabaho’y magpapahinga lang siyang saglit at naroon na ang kaniyang masugid na manliligaw na si Rundolf, na sa kasamaang palad ay tatambay pa sa kanila ng ilang oras at uuwi lang kapag patulog na sila. Kaya palaging absent si Max dito sa tambayan natin.” Mahabang paliwanag ni Faye.

Bakit hindi man lang niya alam na may nanliligaw pala sa kaibigan?

“Sabi ko naman kasi sa’yo! Si Maxine na lang dyowain mo, ayan tuloy naunahan ka,” birong tukso ni Faye.

Matalim na tingin lamang ang ipinukol niya rito. Isang linggo na rin mula noong hindi na nagpapakita sa tambayan nila si Maxine, baka nga hindi na lang manliligaw ang Rundolf na sinasabi ni Faye.

Kinabukasan ay nag-ayos si Jodi upang sunduin si Maxine sa pinagtatrabahuan nito, miss na niya ang kaibigan at mukhang aabsent na naman ito mamaya sa tambayan nila, kaya siya na kang ang pupunta rito.

Advertisement

“Siguro sinagot mo na ‘yong Rundolf na iyon, ano? Palagi ka na lang kasing wala sa tambayan natin. Masaya ka nang kasama siya,” aniya, may himig tampo.

Ngumiti si Maxine saka inakbayan ang kaibigan. “Hindi ko naman type ang lalaking iyon. Mas type pa nga kita doon, tapos sasabihin mong sinagot ko na? Naku! Imposible.”

Nanlaki ang mata ni Jodi at maarteng tinakpan ang pangnganga ng bibig.

“Type mo ako, Maxine? Hoy! Hindi tayo talo, kaya kumalma ka!”

“Asus! Akala mo naman papatusin kita,” ani Maxine habang panay ang tawa. “Ang ibig ko lang namang sabihin ay mas pasado ka kung naging lalaki ka lang sana kaysa doon kay Rundolf. Walang ibang ibig sabihin, assumerang beki ‘to!”

Nagtawanan na lamang silang magkakaibigan sa naging usapan. Hindi kailanman naisip ni Jodi na pwedeng tumibok ang puso niya sa isang babae, dahil ang alam niya’y para lamang siya sa mga lalaki.

Ngunit isang araw ay nagising na lamang siyang nalilito sa nararamdaman. Noon pa man ay maganda na si Maxine, kahit sino namang kakilala nila’y sinasabing magandang babae ang kaibigan, ngunit bakit iba? Mas lalong gumanda sa paningin niya ang dalaga, nadadala siya sa matamis nitong ngiti at…

“Hoy! B@kla ka! Pinagpapantasyahan mo na naman si Maxine, sabihin mo nga sa’kin, nahuhulog ka na sa kaibigan natin ano!” usisa ni Faye.

Advertisement

Biglang nalukot ang mukha niya at tila bumagsak sa balikat niya ang buong daigdig. Anong nangyayari? Beki siya! Hindi pwedeng magkagusto siya sa isang babae at sa matalik pa niyang kaibigan.

“Sabi ko na nga ba e! Alam mo noon pa kita napapansin na may pagtingin ka kay Maxine, ayaw mo lang talagang aminin. Tingnan mo nga iyang mga titig mo sa kaniya, titig na punong-puno ng pagmamahal! Hindi ka gan’yan tumingin sa akin. Kaya kung ako sa’yo, magtapat ka na sa kaniya’t baka maunahan ka pa ng iba at magsisi kang b@kla ka!” inis na sermon ni Faye.

“Sagutin niya kaya ako? Ikaw na nga ang nagsabi na beki ako. Baka pagtawanan niya lang ako kapag inamin ko na gusto— ahh! Hindi lang gusto kung ‘di mahal na mahal ko siya,” aniya.

“Hindi natin malalaman ang sagot d’yan kung ‘di mo aaminin sa kaniya ang nararamdaman mo,” ani Faye.

Araw-araw tinitimbang ni Jodi ang nararamdaman niya para sa matalik na kaibigan. Baka kasi nahihibang lang siya kaya pakiramdam niya, mahal na niya si Maxine.

Ngunit hindi e! Mahal niya talaga si Maxine. Iba ang pakiramdam, masaya siya kapag nakikita niya itong masaya, malungkot naman siya kapag malungkot ito. Beki siya, pero mahal niya ang dalaga.

“Ano’ng sinabi mo?” kunot-noong tanong ni Maxine kay Jodi, matapos nitong aminin ang totoong nararamdaman.

“Mahal nga kita. Hindi lang bilang kaibigan, kung ‘di bilang isang babae. Alam ko, Max, alam kong mahirap paniwalaan, kasi kahit nga ako ‘di makapaniwalang mamahalin kita. Pero wala e, mahal talaga kita. Ewan kung paano nangyari, pero mahal talaga kita,” humihikbing wika ni Jodi.

Advertisement

“Paano ‘yan kapag sinagot kita, magpapakalalaki ka na’t hindi na magkakagusto sa lalaki?” ani Maxine.

“Bakit, sinasagot mo na ba ako?” nakalabing tanong ni Jodi.

“Sagutin mo muna ‘yong tanong ko!”

“H-hindi ko kayang mangako na hindi na ako magkakagusto sa lalaki,” anito sabay kibit-balikat. “Pero ang sigurado ko lang ay hindi na ako lalandi sa iba, maging babae man iyan o lalaki, kapag naging tayo na,” seryoso niyang wika.

Ngumiti si Maxine, saka patakbong niyakap si Jodi— este! Jude na pala, nobyo na niya ito e.

“Tanggap kita, baks. Tanggap ko ang buong pagkatao mo. Mahal din kita, at salamat dahil natauhan ka na’t napagtanto na ako talaga ang para sa’yo,” ani Maxine.

Ngumiti si Jodi. “Sinasagot mo na ba ako, Max?”

Tumango si Maxine saka akmang hahalikan sa labi ang nobyo.

Advertisement

“Hoy! Ang bilis ah!” reklamo nito.

“Ang choosy mo naman! Tayo na ‘di ba?” nakabusangot na wika ni Maxine.

“Oo, pero… kiss agad? Pwedeng pagkalipas ng tatlong araw saka tayo mag-kiss? Nakakabigla kasi ang lahat e. Pero hindi ibig sabihin na ayokong mag-kiss tayo’y hindi kita mahal. D’yos ko, Maxine, alam ni Lord, kung gaano kita kamahal, pero huwag na muna tayong mag-kiss. Ang bilis mo naman,” nakikiusap na wika ni Jodi.

Tumawa na lamang nang malakas si Maxine saka muling niyakap ang matalik na kaibigang ngayon ay kaniya nang nobyo.

Matagal man bago napagtanto ni Jodi na si Maxine talaga ang totoo niyang mahal, ang mahalaga ngayon ay nagmamahalan na sila. Hindi nila alam kung ano ang mangyayari sa relasyon nila sa paglipas ng panahon, pero para sa kanila’y wala nang mas mahalaga pa kung ‘di ang pagmamahalan nilang dalawa.