Nakakatulugan ng Matandang Lalaki ang Kaniyang Paninda Kaya Palagi Itong Nananakawan; Ano ba ang Dapat Niyang Gawin Upang Hindi na Ito Mangyari?
Naglalakad lamang pauwi si Andrie nang mapansin niyang nasa may kanto na naman nakapwesto si Mang Teban, ang kaniyang suking nagtitinda ng fishball. Napangiti siya at binilisan ang paglalakad.
Halos isang linggo na rin mula noong naabutan niya ito. Minsan kasi’y late na siyang nakakauwi, kaya hindi niya na ito naaabutan.
Nasa malayo pa lang ay napansin na niya ang dalawang lalaking katabi sa kinatatayuan ni Mang Teban, akala niya no’ng una’y bumibili lamang ito at saglit na tumambay upang kumain.
Ngunit may napansin siyang kakaiba, kaya agad niyang sinigawan ang dalawang lalaki upang matakot at tama nga ang kaniyang hinala dahil nagsitakbuhan ang mga ito nang mapansin siya. Tila naaalimpungatan namang tumingin sa gawi niya si Mang Teban, halatang naguguluhan sa nangyari.
Siniguro ni Andrie na nakalayo na ang dalawang lalaki saka siya tumakbo palapit sa pwesto ni Mang Teban.
“Anong nangyari, Andrie?” takang tanong nito.
“Nakatulog na naman ba kayo, Mang Teban, habang nakatayo?
Agad namang tumango ang matandang lalaki. “Oo yata,” anito.
“Bilangin mo nga iyang pera mo?” natataranta niyang wika. “Hindi ako sigurado kung sakto lang ba ang dating ko o huli na. Hindi ako sigurado kung nanakawan ka ba nang dalawang iyon o hindi,” dugtong niya.
Agad namang tumalima ang matandang lalaki saka kinapa ang mga baryang nasa loob ng bag na palaging dala. “Hindi ko na rin alam kung ilan na ang barya ko rito, Andrie,” ani Mang Teban. “Hayaan mo na kung nakakuha man sila ng barya, bigay ko na iyon sa kanila,” nakangiting dugtong pa nito.
“Iyan pa lang ba nag kinita mo sa buong maghapon mong pagtitinda sa lansangan?” takang tanong ng binata.
Matagal na niyang kakilala si Mang Teban, mula pa noong nag-aaral pa lang siya nang elementarya ay nagtitinda na ito ng fishball sa labas ng eskwelahan nila. Hanggang sa nag-kolehiyo siya’t nakapagtrabaho ay gano’n pa rin ang hanap buhay ni Mang Teban.
Dala nang katandaan ay nakakatulog na ito sa kung saan man abutan. Kaya madalas ay nananakawan ito nang mga taong mapagsamantala. Hindi man lang iniisip nang mga ito na kumakayod lang rin si Mang Teban, upang mabuhay kahit na nahihirapan na dahil sa katandaan.
Tapos madalas ang nangnanakaw sa matanda ay mga taong malalakas pa’t may kakayahan pang kumayod. Nakakainis!
“Marami na akong kinita,” anito. “Sa katunayan ay pinapaubos ko na lang ‘to,” tukoy nito sa paninda.
Naguguluhan pa rin siya kaya ngumiti ang matandang lalaki sabay gulo ng kaniyang buhok.
“Palagi na lang kasing nangyayari na nakakatulog ako kapag nagtitinda at madalas kapag nangyayari iyon ay ninanakawan ako ng mga pamagsamantalang tao. Kaya madalas ay nalulugi ako.
Nawala na ang puhunan ko’y kasali pa nilagb kinuha ang tubo ko. Kaya naisip kong ilagay na pinakaligtas na lugar ang pera ko,” anito saka yumuko at may hinugot na kung ano mang bagay sa masilang parte nitong katawan.
Naka-balot iyon sa plastik, doon niya nakita ang nakatupi-tuping pera na ibinalot nito sa plastik upang kahit papaano’y hindi masira ang perang papel at maitatago pa nang maigi.
“Mula noong palagi na lang akong nananakawan ay nagkaroon ako nang ideya kung paano ko mapo-proktehan ang kita ko sa mga magnanakaw,” nakangiting wika ni Mang Teban, hawak ang perang itinago nito.
Agad namang napangiti si Andrie sa nakita. Mabuti naman at may lagayan na si Mang Teban kung saan mas ligtas ang kita nito.
“Sinusubukan ko namang kontrolin ang pagkaantukin ko, pero kahinaan na yata iyon ng katawan ko, Andrie. Dala nang katandaan at pagod ay kusang pumipikit ang mga talukap ko at agad na nakakatulog kahit na nakatayo.
Hindi ko rin naman pwedeng sisihin ang mga taong pinagnanakawan ang paninda ko. Sino ba naman kasi ang nagtitinda habang natutulog. Kaya iyong mga malalaking halaga’y itinatago ko na at hinahayaan ang mga barya, kumbaga limos ko na iyon sa kanila.
Natutuwa na rin ako kasi kahit papaano’y nakakatulong ako sa kanila. Basta ba ang ninakaw nila sa’kin ay ibili lang nila nang pagkain, upang malamnan naman ang sikmura nila, kaysa ibili ng dr*ga! Mas nakakainis iyon isipin,” mahabang wika ni Mang Teban.
Nasa mukha ang pagiging positibo kahit na maramig beses na itong nagawan nang masama ng kapwa nito.
“Sana humaba pa ang buhay niyo, Mang Teban,” masaya at proud na wika Andrie sa lalaking animo’y kaniya ng ama sa tagal na nilang magkakilala. “Isa kang mabuting tao at alam ko iyon dahil sa tagal na kitang nakilala’y ni minsan wala kang nakaaway.
At tama ka, kaysa sumama pa ang loob mo sa perang kinuha nila’y isipin mo na lang na nakatulong ka sa kanila kahit papaano. Sana kagaya mo rin akong mag-isip, Mang Teban. Kung lahat lang ng tao sa mundo’y kagaya mong mag-isip, malamang sobrang payapa ng buhay,” nakangiti niyang dugtong.
“Simple lang naman upang magkaroon ka nang kapayapaan sa sarili mong pamumuhay. Huwag mong gawing mabigat ang lahat nang nangyayari sa buhay mo. Lahat naman ng tao sa mundo ay may problema, pero imbes na dibdibin ito, iyakan at magalit… mas maiging lingunin mo ang positibong bahagi ng mundo.
Simple lang naman dapat ang pakakatandaan… magkaroon nang malawak na pang-unawa sa kapwa. Peaceful ang buhay ‘ika nga nila,” nakangiting payo ni Mang Teban.
Tama! Huwag mong hayaang dikdikin ka pailalim ng mga negatibong nangyayari sa mundong ito. Mas tingnan palagi ang positibong paraan upang mas payapa ang buhay ng bawat isa.