Inday TrendingInday Trending
Buntis Siya Nang Iwanan Siya ng Kaniyang Nobyo Dahil Hindi Naman Pala Siya Maganda; Paano Kaya Niya Maibabalik ang Kumpyansa sa Sarili?

Buntis Siya Nang Iwanan Siya ng Kaniyang Nobyo Dahil Hindi Naman Pala Siya Maganda; Paano Kaya Niya Maibabalik ang Kumpyansa sa Sarili?

Limang buwan pa lamang ang kaniyang tiyan ay iniwan na siya ng kaniyang nobyong si Alex. Ang dahilan nito sa kaniya noon ay hindi na raw nito maatim tingnan ang pangit niyang pagmumukha, hindi nga raw nito alam kung bakit nagkagusto ito noon sa kaniya gayong sobrang pangit naman pala niyang talaga.

Make-up lang daw ang nagdala sa mukha niya noon kaya kahit papaano’y may itsura siya, ngunit ngayong hindi na niya inaalagaan ang sarili’y saka pa lang lumabas ang totoo niyang kapangitan.

Hindi man direktang sinabi ni Alex sa kaniya’y para bang nais nitong palabasin na ginayuma lamang niya ito noon. Paano naman niya ito gagayumahin? Gayong hindi naman siya manggagamot at wala siyang alam sa mga gano’n at siya nga mismo’y hindi nainiwala sa gayu-gayuma.

“Hi mother,” nakangiting wika ng nurse sa kaniya habang hawak nito ang kaniyang bagong silang na anak. “Babae po ang anak niyo,” dugtong nito sabay abot sa kaniyang anak na agad na umiyak nang maramdaman ang kaniyang presensya.

Mangiyak-ngiyak na tinitigan niya ang anghel na nasa kaniyang mga bisig ngayon.

“Iniwan man tayo ng papa mo anak, ipinapangako kong bubuhayin kita sa abot nang makakaya ko at hindi kita pababayaan at iiwanan,” humagahulhol niyang kausap sa anak.

Makalipas ang limang buwan ay muling bumalik sa trabaho si Samantha. Kaya na rin naman niyang magtrabaho at medyo nakakabawi na ang kaniyang katawan mula sa pagpapanganak.

Kahit iniwan siya ni Alex ay hindi naman siya pinabayaan ng kaniyang mga magulang na nariyan lang upang alalayan siya’t tulungan. Iyon ang malaking bagay na kaniyang ipinagpapasalamat. Hindi niya kailangan ng lalaki, dahil nar’yan naman ang pamilya niya.

“Sam, ang laki na talaga ng pinagbago mo,” nakangiwing sita ni Mae, ang kaniyang katrabaho at siyang matalik niyang kaibigan. “Hindi kita nakilala noong papasok ka rito. Ang dating hour glass na katawan ngayon ay para nang drum sa laki. Ang dating makinis na balat na alagang lotion, gatas at mamahaling sabon… ngayon ay magaspang na at mukhang mumurahing sabon na lamang ang ginagamit,” prangkang wika ng kaibigan.

Totoong nasasaktan siya sa mga sinasabi ngayon ni Mae, pero wala siyang ibang magawa kung ‘di tanggapin ang nakakasugat na tabas ng dila nito, dahil iyon naman talaga ang totoo.

Lahat nang gandang meron siya noong hindi pa niya naging nobyo si Alex ay nawala. Dahil sa sobrang seloso ni Alex, kaya lahat nang mga nakasanayan niyang gawin ay tinanggal niya sa kaniyang sistema, iyon ang alam niya upang huwag lang silang mag-away nito at maghiwalay. Binago niya ang kaniyang sarili at kasama sa pagbabagong iyon ang hayaang magmukha siyang pangit at losyang.

Tapos… sa bandang huli ay iiwanan lang rin pala siya ng tarant@dong iyon!

“Pwede ba! Pakibalik ang dating ikaw!” May halong inis na wika ni Mae.

“Oo na! Ako na ang pangit,” aniya pero nakangiting sambit.

“Excuse me! Maganda ka noon— noong hindi mo pa nakilala ang lalaking malas sa buhay mo. Nagpapaniwala ka kasi sa g@gong iyon. Tingnan mo nang pumangit ka at nangyari ang gusto niya… nasaan siya ngayon? Nando’n naghahanap na naman ng mabibiktima!” inis na wika ni Mae.

Inakbayan niya ang kaibigan. “Okay na ako. Nagising na ako at namulat na sa kagagahan ko, kaya huwag ka nang mainis. Ang strong mo na naman e, kakapasok ko nga lang ulit, nand’yan ka na naman para pagalitan ako,” aniya saka ginawaran ng magaan na halik sa pisngi ang matalik na kaibigan. “Babalik din ang dati kong alindog,” aniya.

Pangako niya iyon sa sarili! Sisiguraduhin niyang hindi na siya muling mahuhulog sa patibong nang mga kagaya ni Alex. Natuto na siya dahil sa ginawa ng lalaki sa kaniya. Dapat pala’y mas minahal niya ang kaniyang sarili bago niya ibinuhos ang lahat ng pagmamahal sa lalaki.

Tuwing uwian na’y palaging nagmamadaling umuwi si Samantha upang maabutan pa niyang gising ang anak na si Sammie, ang kaniyang maliit na anghel. Ang kaniyang anak na mas mahal niya higit sa sinuman.

“Nandito na si mama, baby,” masayang pangungulit niya sa anak.

Agad namang ngumiti si Sammie, at hinawakan ang kaniyang mukha saka pinakatitigan siya nito na animo’y siya ang pinakamagandang babae sa buong mundo.

“I love you, anak,” mangiyak-ngiyak niyang sambit saka hinalikan ang anak.

Siya man siguro ang pinakapangit sa paningin ng ibang tao, pero sa mata ng kaniyang anak na si Sammie ay sigurado siyang… siya ang nag-iisang pinakamaganda sa paningin nito.

Advertisement