Inday TrendingInday Trending
Nakaramdam ng Hiya ang Binata nang Malamang Isa nang Ginagalang na Guro ang Dati Niyang Kaklase, Habang Siya’y Isang Hamak na Gwardiya Lang; Dapat ba Niyang Maramdaman Iyon?

Nakaramdam ng Hiya ang Binata nang Malamang Isa nang Ginagalang na Guro ang Dati Niyang Kaklase, Habang Siya’y Isang Hamak na Gwardiya Lang; Dapat ba Niyang Maramdaman Iyon?

Day-off ni Sharmaine kaya nagdesisyon siyang pumunta sa mall at may mga kailangan siyang bilhin, personal na bagay at pati na rin sa mga kakailanganin niyang mga bagay sa loob ng kaniyang bahay, mag-go-grocery na rin siya para isahan na lang ang lakad niya.

Habang papasok siya sa entrance ay napansin niya ang gwardyang panay ang tingin sa kaniya. Bigla tuloy siyang nakaramdam nang pagkailang sa klase ng tingin nito na animo’y may hinahanap sa mukha niya o may kakaibang nakita sa kaniya na hindi niya mawari kung ano.

Tinitigan din niya ang lalaki at inisip na minsan na niya itong nakita. Gano’n rin ba ang naisip nito kaya kakaiba itong tumingin sa kaniya? Magkakilala ba sila? Gusto man niyang kumpirmahin ang mga tanong ay pinili na lamang ni Shamaine na magpatuloy sa paglalakad. Baka pamilyar lang ito at minsan na niyang nakasalubong kaya parang namumukhaan niya ang lalaki.

Magpapatuloy na sana siya sa paglalakad nang bigla nitong tinawag ang kaniyang pangalan.

“Sharmaine?” tawag nito dahilan upang lingunin niya ang gawi nito. “Ikaw na ba iyan?” paniniguro pa nito.

“Kilala mo ako?” aniya sabay turo sa sarili.

“K-kung hindi ako nagkakamali ay baka oo,” dudang sambit rin ng lalaki.

Nagbanggit ito nang pangalan ng paaralan… at gaya nito’y doon nga rin siya nag-aaral.

“Ako ito si Ruel,” pagpapakilala nito.

Hindi napigilan ni Sharmaine ang hindi mapasinghap sa nalaman. Kaklase niya ang lalaki. Hindi nga lang siya makapaniwalang ito nga si Ruel, ang makulit niyang kaklase noon. Mukha kasi itong uhugin noong mga bata pa sila, pero ngayon ay ang gwapo na nito at hindi halatang dumaan ito sa pagkapangit noong kabataan nila.

“Hala! ‘Di nga?” ‘di makapaniwalang wika ni Sharmaine. “Hindi kita nakilala kasi ang laki na nang ipinagbago mo, Ruel,” natatawa niyang sambit. “Baluga ka pa noon ah,” dugtong niya sabay hagod ng mga mata sa kabuoan nito. “Anyare? Nagpa-gluta ka siguro?” biro pa niya.

Agad namang humalakhak si Ruel sa pasaring niyang biro. Nagkumustahan sila saglit at saka nagpaalam upang makapagpaalam na mag-bi-break muna ito.

“Hintayin mo ako saglit magpapaalam lang ako,” anito.

Hinantay naman niya ito at nang bumalik ay nakasibilyan na ito. Niyaya siyang kumain ni Ruel, upang mas mahaba ang kumustahan nilang dalawa. Nalaman niyang matapos nitong grumaduate ng high school noon ay nagtrabaho na ito at marami na itong napasukang trabaho saka nag-security guard.

“Nakakahiya naman pala ang katayuan ko ngayon sa buhay kasi ‘di hamak na mataas ka na kumpara sa’kin,” nahihiyang sambit nito. “Isa ka nang ginagalang na guro, samantalang isang hamak na gwardya lamang ako,” dugtong pa ni Ruel.

Agad namang ngumiti si Sharmaine at umiling-iling. “Ano naman ang nakakahiya roon? At saka hindi por que, guro na ako’t gwardya ka ay mas mataas na ako kaysa sa’yo, Ruel. Iba’t-iba naman ang depinisyon ng tao kung paano nila masasabing matagumpay na sila. At sa tingin ko’y magkapareho lang tayo.

Pareho tayong kumakayod at nagsisikap na mabuhay para magkapera at may maibigay na suporta sa mga pamilya natin. Para sa’kin maituturing nang matagumpay ang bagay na iyon ng isang tao kung kaya na niyang lagyan ng pagkain ang hapagkainan nila upang may mapagsaluhan ang buong pamilya.

Pantay-pantay lang naman tayo, Ruel. Hindi por que may propesyon ako’y mamatahin na kita, kahit ano pa man ang trabaho mo o nang isang tao. Basta marangal lang at wala siyang naapakang iba o naaagrabyado. Pantay lang lahat, kaya huwag kang mahihiya sa’kin o kahit sa mga taong sa tingin mo’y nasa mataas kaysa sa’yo.

Isipin mo na kahit hindi ka nakapagtapos ng kolehiyo, nagawa mong ibigay ang pangunahing pangangailangan ng pamilya mo at mas higit sa sarili mo. Sapat na iyon upang batiin at pasalamatan mo ang iyong sarili,” mahabang paliwanag ni Sharmaine sa binata.

Agad namang gumuhit ang nahihiyang ngiti sa labi ni Ruel dahil sa sinabi ni Sharmaine.

“Kaya crush kita noon pa man, Sharmaine, dahil d’yan sa ugali mong ganiyan,” prangkang pag-amin ng binata sa dalaga.

Agad namang tinawanan ni Sharmaine ang pasaring ni Ruel sabay palo ng mahina sa braso nito.

“Daming alam ah,” pabiro niyang sambit.

Ngunit ang akalang biro ni Sharmaine ay tinotoo nga iyon ng binata. Mula noon ay niligawan niya na si Sharmaine at nagpursigeng maging mabuting tao para sa dalaga. Hindi naman nagtagal ang panliligaw ni Ruel kay Sharmaine, dahil matapos ang anim na buwan ay sinagot naman siya ng dalaga.

Madalas ay wala naman talaga sa katayuan ng isang tao kung paano mo pagbabasehan ang estado sa buhay. Ang mahalaga’y pantay-pantay ang tingin mo sa lahat. Walang mas mataas at walang mas mababa.

Tama si Sharmaine, hindi kailanman magiging basehan ang nakamit na propesyon ng isang tao upang isipin mong mas nakakaangat ito. Ang totoong tagumpay ay kung paano ka makisama sa kapwa mo tao, at kung paano mo kayang suportahan ang sarili mo kasama ang iyong pamilya.

Advertisement