Inday TrendingInday Trending
Matapobre at Masama ang Ugali ng Pamilyang Ito sa Kanilang Kapwa; Tadhana ang Magbabalik sa Kanila ng Matinding Karma!

Matapobre at Masama ang Ugali ng Pamilyang Ito sa Kanilang Kapwa; Tadhana ang Magbabalik sa Kanila ng Matinding Karma!

Umuwing malungkot ang bunsong anak ni Sharee galing sa paglalaro. Hawak-hawak nito ang bolang kabibili lamang niya kahapon ngunit kapansin-pansin ang malaking butas doon na siyang dahilan kung bakit sumingaw ang hangin mula sa loob ng naturang bola.

“O, anak, bakit nasira ’yang bola mo? Kabibili ko lang niya kahapon, a!” sita niya sa anak.

Pinunasan muna ng anak niyang si Aron ang luha nitong humalo na sa pawis nito sa mukha bago ito humarap sa kaniya at nagsumbong.

“Mama, nasampid po kasi kina Aling Melody ’tong bola ko, ’tapos po, nag-sorry kami at nakiusap na iabot nila sa amin ulit, pero binutas po muna nila bago nila ibinigay,” sisinghot-singhot na anang kaniyang anak habang malungkot na tinititigan ang bolang hawak nito.

Napanganga si Sharee sa isinumbong ng anak. “Sino’ng bumutas?” tanong pa niyang pinipigilan ang kaniyang emosyon.

“Si Kuya Jared po, ’yong asawa po ng anak ni Aling Melody? Tinawanan pa nga po niya kami, e. ’Tapos, ang sabi po niya sa amin, dapat lang daw po ’yon kasi perwisyo raw po kami,” dagdag pa ni Aron na lalo namang nakadagdag sa namumuong galit sa dibdib ni Sharee para sa matapobreng kabarangay!

Pakiramdam niya’y umaakyat ang lahat ng kaniyang dugo sa kaniyang ulo at gustong-gusto na niyang sugurin ang may-ari ng malaking bahay na ’yon sa labas ng kanilang compound, ngunit matindi ang naging pagpipigil niya sa sarili upang hindi siya humantong sa ganoon.

Ibang klase talaga ang sama ng ugali ng pamilyang iyon ng mag-asawang Aling Melody at Mang Ernesto! Noon ay inireklamo nila sa barangay ang pagkakaroon daw ng maingay na children’s party sa kanilang looban na nagiging dahilan daw ng pagkabulahaw ng kanilang pagpapahinga, samantalang ginanap naman iyon nang hapon! Sinisiraan din ni Aling Melody ang hanapbuhay ng kapitbahay nina Sharee at sabi nito’y marumi raw ang itinitinda nitong mga kakanin! Ipinagpapasa-Diyos na lamang nila ang ganoong asta ng pamilya dahil alam naman nilang hindi sila mananalo sa mga ito’t baka magsanhi lamang ng mas malaking gulo kung kanilang papatulan ang mga ito.

Noon kasi ay may nagtangka na ring lumaban sa ginagawa ng pamilyang ito nang agawan nila ng lupa ang isa sa kanilang mga kabarangay. Kompleto sa papeles ang nasabi nilang kaaway, ngunit nagawa pa ring baliktarin ng pamilya ang sitwasyon sa pamamagitan ng paggamit nila sa kapangyarihan ng kanilang salapi! Nawalan na nga ng lupa ay nakulong pa sa hindi malamang sala ang kanilang kabarangay na hanggang ngayon ay hindi pa rin, ’di umano nakakalaya!

Nagpatuloy ang ganoong buhay ng pamilya matapobre… ngunit isang araw ay ikinagulat na lamang ng lahat nang mabalita sa kanilang buong barangay na may trahedyang nangyari daw sa mga ito!

“Naku, Mareng Sharee, narinig mo na ba ang balita? Napasok daw ng magnanakaw ang bahay nina Aling Melody!” pagbabalita kay Sharee ng kaniyang kumareng si Ara nang magkasabay sila sa pagbobomba sa posong igiban ng kanilang compound.

“Ha? Paanong nangyari ’yon, e, hindi ba’t may guwardiya ang mga ’yan?” takang tanong naman ni Sharee sa kausap.

“Naku, mag-iisang buwan nang walang guwardiya ang pamilyang ’yon. Kahit nga mga katulong wala na, e. Ang sabi sa akin n’ong kumare kong dati nilang labandera, tuluyan na raw na-bankrupt ang negosyo nila kaya nagtitipid sila sa mga gastusin ngayon,” dagdag pa ni Ara na talaga namang nakapagpagulat kay Sharee.

Magkakahalong emosyon ang nadarama ng mga kabarangay nila tungkol sa nangyayari sa pamilyang matapobre. Ang iba, katulad ni Sharee, kahit papaano ay naaawa pa sa mga ito sa kabila ng kanilang pagiging ganid at sa kasamaan ng kanilang ugali. Ngunit ang karamihan ay nagbubunyi. Sabi pa ng iba’y ito raw ang karma na ang tadhana na mismo ang nagpataw.

Dati-rati, taas-noo ang mga miyembro ng pamilya sa tuwing sila ay lalabas ng bahay, ngunit ngayon ay halos balutin na nila ang kanilang mukha sa labis na kahihiyan lalo na nang kumalat ang balitang malapit na ring maremata ng bangko ang kanila mismong tinitirahan! Nakasangla pala ito dahil nalulong sa sugal ang asawa ni Aling Melody na siyang dahilan kung bakit napabayaan nito ang kanilang negosyo. Wala naman kasing alam sa pagpapatakbo niyon ang ginang samantalang tamad at wala namang pakialam ang kanilang anak at manugang! Instant karma nga ang kanilang inabot ngayon!

Advertisement