Ayon sa Kaniyang Biyenan ay Mahina raw ang Kaniyang Utak kaya’t Wala na Siyang Mararating pa; Patutunayan Niyang Mali ang Akala Nito!
“Kumusta, mahal? Natanggap ka ba sa trabaho?” salubong sa kaniya ng asawang si Elen matapos makauwi ni Gil mula sa pangatlong araw na niyang pag-a-apply.
Napakamot siya sa kaniyang ulo at saka nahihiyang sumagot sa kaniyang misis. “Hindi, mahal, e.”
“Hayan na nga ba ang sinasabi ko, Elen! Kita mo na? Nang makipagtanan ka sa lalaking ’yan ay para kang kumuha ng batong ipupukpok mo sa ulo mo! Kung nakinig ka sana sa akin noon ay nagpakasal ka kay Don Abel, edi sana’y masagana na ang buhay natin ngayon!” agad namang singit ng kaniyang biyenang si Inay Marina na prenteng nakasandal sa hamba ng pintuan ng kanilang kusina habang nakahalukipkip ang dalawang braso.
“Inay, tumahimik na nga ho kayo. Hindi naman ho nakakatulong ’yang sinasabi n’yo, e!” inis namang sagot ng asawa niyang si Elen sa ina na agad namang pinigilan ni Gil.
“Naku! Ayaw mo pa kasing amining mahina ang utak n’yang asawa mo kaya hanggang ngayon, wala pa ring trabaho! Hindi nga ba’t kahit noong high school kayo, laging bumabagsak ’yan dahil slow ang utak niya?” Tatawa-tawa pa ang ina ni Elen. “Bahala na nga kayo riyan! Hindi n’yo makakain ’yang pagmamahal n’yo. Pare-prehong titirik ang mga mata natin sa gutom nito!”
Akma sanang sasagot pa si Elen sa ina nang hawakan ni Gil ang kaniyang braso. Nang humarap siya sa lalaki ay nginitian lamang siya nito saka sinabing hayaan na raw niya ang kaniyang ina. “Intindihin na lang natin. May katandaan na si Inay kaya siguro siya ganiyan.”
Napabuntong hininga na lamang si Elen. Kahit hindi nagsasalita ang kaniyang asawa ay alam niyang nasasaktan ito sa mga sinasabi ng kaniyang inay. Kung tutuusin ay karapatan nitong magalit dahil nakikitira lamang ang kaniyang ina sa bahay nito! Suwerte lang talaga siya dahil naging napakabait at maunawain ng kaniyang mister.
Samantala, aminado si Gil na sa bawat panlalait ng kaniyang biyenan tungkol sa kapasidad ng kaniyang pag-iisip ay talagang naiinsulto at nasasaktan siya. Ganoon pa man, imbes na panghinaan ng loob ay ginamit niya ang mga salitang iyon upang lalo niyang sipagan ang kaniyang pagsusumikap sa buhay.
Kalaunan ay natanggap naman si Gil sa isang factory at nagtrabaho siya roon bilang isang production worker. Isang masipag, madiskarte at masunuring empleyado ang lalaki sa kabila ng kaliitan ng kaniyang kita. Nagpakita siya ng matinding dedikasyon sa pagtatrabaho para sa kaniyang pamilya na hindi nagtagal ay napansin naman ng kaniyang mga supervisor.
“Gil, ipinatatawag ka raw ng general manager natin sa opisina niya. Mag-report ka raw agad doon,” isang araw ay seryosong anang isa sa mga supervisor ni Gil sa trabaho.
Dumagundong sa kaba ang puso ni Gil nang marinig iyon. Agad niyang inisip kung may nagawa ba siyang hindi tama sa trabaho na siyang maaaring dahilan kung bakit ipinatatawag siya ng kanilang general manager ngayon.
Dali-daling inayos ng lalaki ang kaniyang sarili. Huminga muna siya nang malalim bago kumatok sa pintuan ng opisina ng kaniyang boss.
“Sir, ipinatatawag n’yo raw po ako?” bungad niya nang sabihin nitong p’wede na siyang pumasok.
“Oo, Gil, halika’t maupo ka.” Iginiya naman nito ang upuan sa kaniyang harapan. Hindi matanto ni Gil kung ano ang iniisip nito dahil blangko naman ang ekspresyong ipinapakita ng kaniyang boss.
“Gil, hindi na ako magpapaligoy pa. Pasensiya ka na, pero kailangan mo nang umalis sa production,” walang pakundangang anito.
“P-pero, bakit po, sir? May nagawa po ba ako?” Agad na nalungkot ang mukha ni Gil.
“Kalma ka lang.” Biglang ngumiti ang kaniyang boss. “Ililipat lang naman kita. Simula kasi ngayon ay hindi ka na sa production magtatrabaho dahil mas kailangan ka na namin sa opisina!”
Nanlaki ang mga mata ni Gil sa narinig. “Pino-promote n’yo po ako?”
Isang tango ang kumumpirma sa tanong na iyon ni Gil at halos mapatalon siya sa tuwa! Agad niyang ibinalita sa kaniyang asawang si Elen ang tagumpay na iyon at katulad niya’y talagang ikinatuwa iyon ng asawa. Iyon na ang naging simula ng kanilang pag-angat sa buhay at ang pagbabago ng tingin sa kaniya ng kaniyang biyenan. Noong una ay nakita niyang labis itong nahihiyang harapin siya dahil sa mga naging kasalanan nito sa kanilang mag-asawa ngunit si Gil na mismo ang lumapit sa biyenan at nagpakumbaba. Humingi naman ng tawad si Aling Marina sa kaniyang manugang at simula noon ay naging mas maayos na ang kanilang pamumuhay, lalo na nang magkaroon ng anak sina Gil at Elen.