Kahit Maliliit na Bagay ay Ipinagmamaktol ng Dalagitang Ito sa Kaniyang Magulang; Isang Pangyayari sa Kaniyang Buhay ang Babago ng Lahat ng Ito!
Padabog na isinara ni Mikaela ang pintuan ng kaniyang kuwarto bago isinalampak ang kaniyang sarili sa kaniyang malambot na higaan. Niyakap niya ang mamahaling unan na ipinabili pa niya noon sa ama saka siya nagmukmok.
Masama ang loob ni Mikaela sa kaniyang mga magulang dahil hindi siya ibinili ng kaniyang mga magulang ng hinihingi niyang latest model ng laptop sa isang kilalang brand. Katuwiran kasi ng mga ito ay kabibili lamang din ng dalawa pa niyang laptop sa iba pa ring kilalang brand at sobra na raw siya kung gugustuhin niya pa ng isa.
Sa totoo lang ay tama naman iyon. Kaya lang, para sa isip ng dalagitang si Mikaela ay pinagdadamutan na siya ng kaniyang mga magulang. Hindi kasi siya sanay na hindi nasusunod ang kaniyang gusto, ngunit simula nang tumuntong siya sa edad na labing lima ay nagbago na ang pakikitungo sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Naging mas mahigpit na sa kaniya ang mga ito. Mas kalkulado na nila ang kaniyang mga gastusin at madalas na siyang hindi pinagbibigyan sa kaniyang mga layaw na dati naman ay mabilis lamang niyang nakukuha sa isang lambing lang sa kanila.
“Mikaela, hindi ka na bata. Dapat ay matuto ka na kung paano pahalagahan ang bawat sentimo ng pera dahil hindi lamang naman namin basta pinupulot ’yan kundi pinaghihirapan,” paliwanag sa kaniya noon ng kaniyang ama na agad pang sinang-ayunan ng kaniyang mommy.
“Hindi naman ganiyan noon, daddy, a? Lahat naman ng gusto ko, ibinibigay n’yo dati!” sabi pa niya. Galit siyang nakatingin sa mga magulang na animo ang mga ito pa ang may kasalanan sa kaniya. “I hate you, mommy! I hate you, daddy!” hiyaw pa ng dalagita bago siya nagmamadaling umalis sa harapan ng mga ito. Akma pa sana siyang pipigilan ng kaniyang ina nang sabihin ng kaniyang daddy na pabayaan na muna siya nito.
Nang gabing iyon ay hindi naghapunan si Mikaela kaya naman maya-maya ay nakaramdam siya ng pagkalam ng sikmura. Dahil doon ay dahan-dahan siyang pumuslit palabas ng kaniyang kwarto upang sana’y magtungo sa kusina at maghanap ng makakain…
Ngunit nang mapadaan siya sa silid ng kaniyang mga magulang ay napansin niyang nakaawang nang bahagya ang pintuan niyon. Pagkatapos ay naririnig niya ang pag-uusap ng mga magulang sa loob kaya naman naintriga siyang makinig sa kanila…
“Bakit kasi hindi pa natin sabihin sa anak natin ang totoo, Jaime?” tila nalulungkot at problemadong tanong ng kaniyang mommy sa kaniyang daddy.
“Huwag na, Felicia. Mag-aalala lang si Mikaela. Isa pa, gusto kong matuto na siya sa buhay ngayon pa lang para kapag nawala ako ay hindi siya magiging kawawa. Alam mo bang nagsisisi ako na pinalaki nating laki sa layaw ang anak nating ’yan? Hindi ko kasi naisip ang posibilidad na maari akong mawala sa kaniya nang maaga, katulad ng p’wedeng mangyari anumang oras mula ngayon…”
“Jaime, huwag mong sabihin ’yan! Hindi ba’t nangako ka sa akin na lalaban ka sa sakit mo? Kailangan ka pa namin ng anak mo. Kailangan ka ni Mikaela. Tuturuan pa natin siyang may iba pang mas mahalaga kaysa sa mga materyal na bagay na hinihingi niya!” umiiyak pang sabi ng kaniyang ina na nakita niyang yumapos sa kaniyang daddy.
Nasapo ni Mikaela ang kaniyang bibig dahil sa pagkabigla sa kaniyang mga nalaman! Unti-unting nag-unahan sa pagtulo ang mga luha mula sa magkabila niyang mga mata. Hindi niya napigilang mapasandal sa pintuang bahagyang nakaawang na agad namang nakalikha ng tunog na siyang nakakuha sa atensyon ng kaniyang mommy at daddy.
Nabigla ang mga ito nang makita siya. Agad na tinungo ng kaniyang ina ang pwesto niya at ginawaran siya ng yakap.
“M-mommy, m-may sakit po si daddy?” Halos hindi niya maituloy ang kaniyang sinasabi dahil sa sobrang pagkahabag.
Marahang tango lang ang isinagot ng kaniyang ina. Dahil doon ay tinakbo ni Mikaela ang pwesto ng kaniyang ama at dinamba ito ng yakap.
“Sorry po, mommy, daddy!” hinging paumanhin niya at isinubsob ang kaniyang mukha sa dibdib ng ama.
Nang mga sandaling iyon ay napagtanto ni Mikaela na sa mga ganitong pagkakataon ay walang magagawa ang pinakamakabagong gadget na madalas niyang ipagmaktol sa kaniyang mga magulang. Wala itong magagawa upang magamot ang karamdaman ngayon ng kaniyang ama dahil ang kailangan nito ngayon ay silang kaniyang pamilya. At ipinapangako ni Mikaela na babawi siya sa kaniyang mga magulang. Sisiguraduhin niyang sa bawat sandali ay nasa tabi lamang siya ng mga ito at ipadarama niya ang pagmamahal sa kanila lalo na habang nagpapagaling ang kaniyang daddy.