Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Naging Tagapagtanggol ng Batang Iba ang Lahi; Paglipas ng Panahon ay Ibabalik ng Binata ang Kabutihan sa Kaniya

Isang Matanda ang Naging Tagapagtanggol ng Batang Iba ang Lahi; Paglipas ng Panahon ay Ibabalik ng Binata ang Kabutihan sa Kaniya

“Hala, lagot ka, Alien! Kanina nakita namin ang mga pulis at hinahanap ka! Ibabalik ka na raw sa bansang pinanggalingan mo!” pananakot ng binatang si Uro sa batang si Jaijai.

“Kung ako sa iyo ay magtatago na ako dahil kapag nakita ka ng pulis ay bigla ka na lang dadamputin ng mga iyon at ipapatapon sa bansa ng tatay mo! Hindi mo na makikita pa ang nanay mo!” muling sambit ng binata.

Takot na takot na si Jaijai sa mga sinasabing ito ni Uro habang ang ilang kalalakihan naman ay pinipigilan ang kanilang tawanan.

Dahil sa sobrang pangamba at takot ay hindi na napigilan pa ni Jaijai na umiyak.

“Parang awa niyo na, huwag nyo akong ituturo sa mga pulis. Babalik na ako ng bahay at hindi na ako lalabas pa!” pagtangis ni Jaijai.

“Labas ka kasi nang labas, Alien! Bahala ka! Mamaya ay nariyan na ang mga pulis!” muling pananakot ng ilang kabataan.

Hindi nila tinitigilan si Uro hanggang sa tuluyan na itong umiyak. Maya-maya pa ay napansin na sila ni Aling Salome, isang ginang na kapitbahay ni Jaijai.

“Tigilan nyo nga si Jaijai at magsiuwi na kayo! Wala na naman kayong mapagdiskitahan kung hindi ang kaawa-awang batang iyan! Mga hindi kayo mapakinabangan sa bahay nyo! Kayo kaya ang ipadampot ko sa mga pulis?” sigaw ni Aling Salome.

“Totoo naman po ang sinasabi namin! Talaga namang alien ‘yang si Jaijai. Hindi naman iyan taga rito kaya nga iba ang itsura niya. Ang sabi pa ng nanay ko ay taga-ibang bansa daw ang tatay nyan at wala man lang birth certificate iyang si Jaijai. Kaya anumang oras ay pwede na siyang ipatapon sa bansa nya!” bwelta pa ni Uro.

“Huwag nyong pakialaman ang buhay ng batang iyan! Magsiuwi na kayo kung wala kayong magagawang tama!” bulyaw pa ng ginang.

Dahil sa galit ni Aling Salome ay isa-isa nang nagpulasan ang mga kabataang nanunukso kay Jaijai.

“Sige na, Jaijai, at pumunta ka na sa mga kalaro mo. Hindi totoo ang mga sinasabi ng kabataang iyon,” wika ni Aling Salome sa bata.

Nagpunas ng luha si Jaijai at masayang nagtungo sa kaniyang mga kaibigan upang makipaglaro.

Bata pa lamang ay laman na ng tsismisan itong si Jaijai. Pag-uwi kasi ng kaniyang inang OFW na si Lisa ay bitbit na siya nito. Ang balita ay nabuntis daw ito ng isang turko na katrabaho at napauwi ng Pilipinas ang kaniyang ina dahil sa pakikipagrelasyon.

Hindi naman na nakilala pa ni Jaijai ang kaniyang ama. Matapos kasing makabalik ng kaniyang ina sa Pilipinas ay wala na silang narinig pa mula dito.

Itinuring din ng kanilang pamilya na malaking kahihiyan ang nangyaring ito kay Lisa kaya namuhay sila ng kaniyang anak sa hirap malayo sa mga ito.

Samantala, labis namang takot ang ginawang pangungutyang ito kay Jaijai. Naniniwala siyang ibabalik siya ng mga pulis sa bansa ng kaniyang ama.

Kinabukasan ay nariyan na naman ang grupo ng ilang kabataang nanunukso kay Jaijai. Nang makita muli ito ni Aling Salome ay muli niyang sinigawan ang mga ito.

“Maraming salamat po, Aling Salome. Natatakot po ako na isumbong nila ako sa pulis. Baka kuhain na po ako ng mga pulis at ipatapon sa ibang bansa. Hindi ko na po makikita pa ang nanay ko,” umiiyak na sambit ni Jaijai.

Kahit na sabihin ni Aling Salome na hindi totoo ang mga sinasabi ng mga kabataang iyon ay hindi naniniwala si Jaijai. Kaya upang tumahan ang bata’y kinampihan na lamang niya ito.

“Huwag kang matakot, Jaijai. Tumahan ka na sapagkat hanggang narito ako ay hindi kita ibibigay sa mga pulis. Hindi ka nila madadala sa ibang bansa. Itatago kita at ipagtatanggol kita,” wika ng ginang.

Dahil sa sinabing ito ni Aling Salome ay lumakas ang loob ni Jaijai.

Sa tuwing matatagpuan siya ng grupo ni Uro upang kutyain ay agad siyang nagtutungo kila Aling Salome. Palagi naman siyang pinagtatanggol ng ginang. May isang araw pa na nakakita si Jaijai ng mga pulis, sa takot niya ay dali-dali siyang tumakbo sa bahay nila Aling Salome at malugod naman siyang pinapasok nito.

Naging sandigan ni Jaijai si Aling Salome. Nang dahil din sa ginang ay mas naging matapang na si Jaijai dahil alam niyang may matatakbuhan siyang magtatanggol sa kaniya.

Lumipas ang mga taon at tuluyan nang umalis sa kanilang lugar si Jaijai at ina nito. Natagpuan na kasi sila ng kaniyang tunay na ama. Nakatapos siya ng pag-aaral at di naglaon ay tuluyan nang nanirahan sa ibang bansa.

Masaya si Aling Salome sa kinahantungan ng buhay ni Jaijai.

Ngunit sa pagtanda nitong si Aling Salome ay marami itong kinaharap na problema. Isa na rito ang pagpapalayas sa kaniyang tinitirahang bahay.

“Kailangan nyo nang lisanin ang lugar na ito, Tiya Salome. H’wag nyo nang hintayin pang ipadampot ko kayo sa mga pulis para sila ang kumaladkad sa inyo palabas. Kitang-kita naman na kami na ang nagmamay-ari ng lupang ito. Nakasulat naman sa titulo,” wika ng pamangkin ng matanda.

“Wala kang kasing sama! Pinapirma mo ang asawa ko sa mga papeles na hindi niya alam ang nakalagay habang siya’y naghihingalo. Paano nyo naatim na gawin iyan sa amin?” sambit ni Aling Salome.

“Basta lisanin nyo na ang lugar na ito at hindi na kayo nararapat pa dito! Kung hindi kayo aalis ay tatawag ako ng pulis!” saad pa ng lalaki.

Nawawalan na ng pag-asa si Aling salome dahil alam niyang wala siyang laban sa mga ito. Masakit man sa kaniyang loob ay lilisanin na sana niya ang kaniyang bahay at lupa nang biglang may isang pamilyar na tinig siyang narinig.“Hindi mo pwedeng paalisin si Aling Salome nang hindi nakikipag-usap sa abogado ko!” wika ng binata.

Laking gulat at tuwa ni Aling Salome nang makita niya sa tarangkahan ng kaniyang bahay si Jaijai.

“Aling Salome, ako na po ang bahala dito. Huwag po kayong aalis ng bahay na ito sapagkat sa inyo ito. Kumausap na po ako ng mga abogado para ayusin ang bagay na ito,” saad pa ni Jaijai sa matanda.

Napaluha sabay yakap ng matanda kay Jaijai.

“Takot na takot na ako dahil wala na akong mapupuntahan, Jaijai. Itong bahay at lupa na lamang ang tangi kong pag-aari,” umiiyak na sambit ni Aling Salome.

“Ibinabalik ko lang po ang kabutihang ginawa nyo sa akin, Aling Salome. Nang dahil sa inyo ay kinaya kong maging matatag.

Hayaan nyo po, Aling Salome, hanggang narito ako ay walang makakapagpaalis sa inyo dito sa bahay nyo. Ipagtatanggol ko po kayo sa abot ng aking makakaya,” saad pa ni Jaijai.

Tinulungan ni Jaijai si Aling Salome na patunayan sa korte ang panlolokong ginawa sa kanila ng kaniyang pamangkin. Sa kabutihang palad ay pinanigan siya ng korte at mananatiling kaniya ang bahay na tinitirahan.

Labis ang pasasalamat ni Aling Salome sa binatang si Jaijai. Nang dahil dito ay hindi na niya kailangan pang mangamba dahil mayroon pa rin siyang mauuwian.

Lubos naman ding nagpapasalamat si Jaijai sa kabutihang ginawa sa kaniya noon ni Aling Salome. Hindi lamang niya ito tinulungan na maibalik ang bahay at lupa kung hindi binigyan din niya ito ng dagdag na kabuhayan. Madalas din itong inilalabas ng bansa ni Jaijai upang magbakasyon sa ibang bansa kung saan naninirahan ang kaniyang pamilya.

Hindi malilimutan ni Jaijai ang maliit na naitulong sa kaniya ni Aling Salome. Nang dahil kasi sa pagtatanggol sa kaniya ng ginang ay mas naging matatag siya at mas naging matapang na harapin ang kaniyang buhay.

Advertisement