
Ipinagtabuyan ng Isang Sikat na Manlililok ang Kaniyang Ama; Bandang Huli’y Dito rin Pala Siya Lalapit
Kilala man bilang isang magaling na manlililok si Mang Nestor sa kaniyang lugar ay hindi pa rin ito naging sapat upang makaahon ang kaniyang pamilya sa kahirapan. Mura lamang kasi pinapabayaran ni Mang Nestor ang kaniyang mga gawa sa mga gustong bumili. Labis namang nanghihinayang dito ang kaniyang asawa at mga kaibigan.
“Napakaganda ng gawa mo pero halos ipamigay mo na lamang. Hindi naman tayo mapapakain ng ginagawa mong iyan, Nestor,” saad ni Sarah sa kaniyang asawa.
“Baka kapag tinaasan ko ang benta’y wala nang bumili sa akin. Libre ko lang namang nakukuha ang ibang kahoy na ginagamit ko,” saad pa ni Mang Nestor.
“Tingnan mo kung saan ka nadadala ng ganiyang prinsipyo mo! Hanggang ngayon ay kapos pa rin tayo!” saad ng ginang.
Habang nagtatalo ang mag-asawa ay nakita ni Lisa ang kaniyang anak na tila naglililok din.
“Ikaw, Samuel, anong ginagawa mo riyan?” tanon ng ginang.
“Nag-eensayo po ako sa paglililok dahil paglaki ko po ay gusto kong maging tulad ako ni tatay,” tugon naman ng bata.
“Sige, tularan mo siya nang sa gayon ay wala ring mapala ang magiging pamilya mo! Mag-aksaya ka ng oras sa paglilok kahit wala kang maipakain sa mga anak at asawa mo!” wika pa ni Lisa sa anak.
Nasaktan man ni Nestor sa sinabing ito ng kaniyang asawa ay pilit na lamang niyang inunawa. Pinuntahan na lamang niya ang anak na si Samuel upang turuan ito.
Dahan-dahan niyang ipinapakita kay Samuel ang tamang paghawak ng kagamitan. Ipinakita rin niya ang tamang pagkikinis sa mga kahoy na kanilang kinukuha. Bawat detalye ay masinsing pinagtuunan ni Mang Nestor ng pansin.
‘Di nagtagal ay naging manlililok din si Samuel. Naging guro at gabay niya ang kaniyang ama na nagretiro na rin sa paglililok.
Kapag mayroong proyekto ang binata ay agad niyang kinukunsulta ito sa kaniyang ama. Dinadala pa niya kay Mang Nester ang lahat upang ipasuri magmula sa kahoy na gagamitin hanggang sa disenyong iuukit.
“Ang sikreto lang naman sa paglililok ay ibigay mo ang lahat ng puso mo sa bawat ukit. Kapag isinapuso mo ang lahat ay dadaloy ang magiging malikhain mo tulad ng tubig sa sapa na banayad ang pag-agos,” wika ni Mang Nestor.
Naging kabalikat ni Samuel si Mang Nestor sa lahat ng kaniyang gagawing proyekto. Dahil sa mga pangaral ng ama ay naging matagumpay at kilalang manlililok si Samuel. Pang “world class” nga raw ang kalidad ng mga gawa nito.
Ngunit sa pagyabong ng kaniyang propesyon ay dito na rin nag-iba ang kaniyang ugali.
“Bakit naman sobrang taas ang singil mo sa mga iyan, anak? Sa tingin ko ay hindi na makatarungan ang presyo,” saad ni Mang Nestor kay Samuel.
“Kung hindi naman nila magustuhan ay huwag nilang bilhin. Madali lang naman ‘yun, ‘tay!” saad ng binata.
“Saka isa pa, tingnan mo itong mga yari mo ngayon, parang minadali. Hindi na pulido ang pagkakagawa. Dalhin mo sa akin ang ibang gawa mo at ako ang lililok,” saad ni Mang Nestor.
“Huwag na kayong makialam sa akin, ‘tay. Labas na kayo dito. Hindi ko na po kailangan ng gabay niyo dahil tingnan n’yo naman ang narating ko sa buhay. Mas magaling na nga ako sa inyo dahil malaking pera na ang kinita ko mula sa paglililok ko. Kayo ba? Ano ang narating n’yo? Hindi ba’y laging nagrereklamo noon si nanay dahil wala namang napala sa paglililok niyo?
Kaya sana ay huwag niyo na akong pakialaman dahil alam ko na ang ginagawa ko, ‘tay! Umuwi na lang kayo sa bahay at gawin ang ibang bagay maliban sa pakikialam sa akin,” sambit ni Samuel sa ama.
Pilit na pinipigil ni Mang Nestor ang kaniyang mga luha sa mga masasakit na nasabi ng anak.
“Sige, anak. Mauuna na ako. Kung hindi na ako kailangan pa rito’y aalis na ako. Uuwi na ako sa atin. Kung kailangan mo lang naman ng tulong ay nasa bahay lang ako,” nangangatal na sambit ng ama.
Lumipas ang panahon at hindi na nagpakita pa si Samuel sa kaniyang ama. Tinamasa niya mag-isa ang kasikatan at perang nakukuha niya mula sa paglililok.
Hanggang isang araw ay napansin na lamang ni Samuel na tila tumutumal ang kaniyang negosyo. Wala nang nais na magpagawa sa kaniya. Kahit na babaan niya pa ang presyo’y wala nang bumibili pa sa kaniya.
Nagtanong siya sa ilang kakilala sa maaaring dahilan at nagulat siya sa mga sinagot nito.
“Hindi na tulad ng dati ang mga gawa mo noon, masinsin at pulido. Masasabi mong talagang perpekto ang bawat ukit. Ngunit ang laki na ng pagkakaiba sa mga gawa mo ngayon. Parang minadali ang lahat. Hindi ko na makita ang dating si Samuel sa mga obra mo,” saad ng isang kaibigan.
Talagang napahiya si Samuel sa kaniyang narinig. Sa punto ring iyon ay napagtanto niya na tama ang tinuran ng kaniyang ama. Agad siyang bumalik ng bahay upang kausapin ang ama at humingi ng kapatawaran.
“Nakakahiya man, ‘tay, narito po ako sa inyong harapan upang humingi ng tawad. Lumaki ang ulo ko at naging mayabang. Hindi ako nakinig sa inyo. Naiintindihan ko po kung hanggang ngayon ay masama ang loob niyo sa akin,” saad ni Samuel sa ama.
“Nasaktan lang ako sa mga nasabi mo, anak. Ngunit ngayong narito ka na ay kinalimutan ko na ang lahat ng iyon,” malugod na sagot ni Mang Nestor.
“Sa tingin n’yo, ‘tay, saan po kaya ako nagkamali? Ang akala ko’y magaling na ako kaya hindi ko na kayo kailangan ngunit nang hindi ko na hiningi ang mga payo n’yo at nagmataas ako’y ganito na ang inabot ko,” sambit pa ng binata.
“Sa tingin ko anak ay masyado kang naging kampante. Nawala na sa puso mo ang nagliliyab na pagnanais na makagawa ng magandang obra. Napalitan na ng pagnanais mo na lamang makabenta at magkaroon ng pera. Dati kasi kinakalaban mo ang sarili mong kakayahan kaya patuloy ang iyong paggaling.
Kaya ganoon na lang din ang kalungkutan ko sa huli nating pag-uusap. Hindi lang dahil sa masasakit ang mga nabitawan mong mga salita. Dahil na rin sa hindi na pala ang sarili mo ang iyong kakumpetensiya kung hindi ako na. Kaya nang maungusan mo ako’y tumigil ka na rin sa pagpapabuti ng iyong sarili at kakayahan,” paliwanag ni Mang Nestor.
Naunawaan na ni Samuel ang lahat. Napayakap na lamang siya sa kaniyang ama dahil kahit na masakit ang nangyari sa kanilang mag-ama’y nariyan pa rin si Mang Nestor upang gabayan siya.
Nagpatuloy si Samuel sa paghingi ng payo sa kaniyang ama. Hindi naglaon ay bumalik din ang ganda ng kaniyang mga gawa at maraming taong nais na namang bumili ng kaniyang mga obra.
Ipinagmamalaki ni Samuel ang kaniyang ama hindi lamang sa isa itong magaling na manlililok kung hindi dahil na rin sa mga payo nitong nagpaunlad sa kaniyang pagkatao.