Inday TrendingInday Trending
Mas Pinapanigan ng Matanda ang mga Apo sa Paboritong Anak; Ang mga Binabalewalang Apo pa pala ang Mag-Aalaga sa Kaniya

Mas Pinapanigan ng Matanda ang mga Apo sa Paboritong Anak; Ang mga Binabalewalang Apo pa pala ang Mag-Aalaga sa Kaniya

“Papa, pauwi ka na ba? Gutom na po kasi kami ni Gail. Wala na po kasing pagkain,” saad ng batang si Yuan sa kaniyang amang si Erik.

“Bakit walang pagkain? Hindi ba nagluto ang Lola Tessie mo? Nagbigay ako ng pambili ng pagkain ngayong araw, a” tugon naman ng amang nag-aalala.

“Nahuli po kasi kaming kumain ni Gail dahil tinapos pa po namin ang mga takdang-aralin. Pagbaba po namin ay ubos na po ang pagkain. Kinain na po nila at ng mga pinsan namin. Sabi po ni lola ay magpauwi na lang daw po kami sa inyo ng hapunan natin,” paliwanag pa ni Yuan.

Ikinasama ng loob ni Erik ang sinabi sa kaniya ng panganay na anak. Agad siyang bumili ng kanilang makakain nang gabing iyon.

Hiwalay na sa asawa si Erik. Siya ang bunsong anak ng kaniyang mga magulang. Wala na rin ang kaniyang ama at tanging ang kaniyang ina na lamang ang maaasahan niya sa pagtingin sa dalawa niyang mga anak.

Tulad ng ilang pamilya ay nakapisan pa rin kasi si Erik at ang kaniyang Kuya Jonard sa bahay ng kanilang ina kahit pawang may asawa at anak na sila. Bukod kasi sa wala na ring kasama ang matanda sa kanilang bahay ay mainam din ito dahil may titingin sa mga anak ng magkapatid habang sila ay nagtatrabaho.

Ngunit ang mabigat kay Erik ay ang trato ng kaniyang ina sa kaniyang mga anak. Ramdam kasi siyang mas paborito ng kaniyang Nanay Tessie ang kaniyang Kuya Jonard kaya mas maganda ang pagtingin din nito sa mga anak ng kaniyang nakatatandang kapatid.

Habang ang kaniyang mga anak nama’y kung hindi napapabayaan ay laging hinuhuli sa prayoridad.

Pag-uwi ni Erik nang gabing iyon ay hindi na siya umimik pa at agad na pinakain ang kaniyang mga anak. Ngunit sa kaniyang isip ay kung makakaalis na lamang sila ng dalawa niyang anak ay gagawin na niya.

“Kanina ko pa kasi pinapakain ang mga anak mo ang daming pa nilang dahilan. Naubusan tuloy sila ng pagkain. Alam naman nilang hindi lang para sa kanila ang ihahain,” naiinis na wika pa ni Aling Tessie sa kaniyang anak na si Erik.

“Kahit na po, ‘nay. Sana ay tinirhan niyo man lamang ang mga anak ko ng pagkain dahil nagbibigay din naman ako ng panggastos dito,” wika pa ng ginoo.

“Kawawa naman kasi ang kuya mo at ang asawa niya. Gutom na gutom sila mula sa mahabang byahe sa trabaho. Tapos ‘yung isang pamangkin mo masama pa ang pakiramdam kaya kailangan niya talagang magkakain,” giit pa ng matanda.

Hindi na lamang nagsalita pa si Erik. Ayaw rin kasi niyang magkaroon sila ng hidwaan ng kaniyang kapatid.

Ngunit sa pagtagal ng panahon ay lalong naging problema ni Erik ang ganitong sitwasyon. Tanging ang mga anak lamang ng kaniyang Kuya Jonard ang ipinaglalaba ng kaniyang ina. Madalas tuloy kahit pagod ay si Erik pa ang naglalaba at namamalantsa.

Kapag ang mga apo ni Aling Tessie kay Jonard ang gagamit ng kompyuter ay ayos lamang ngunit kapag sina Yuan at Gail ay agad ipinapasara dahil malakas daw sa konsumo sa kuryente.

Nang hindi na makatiis pa si Erik sa ginagawang ito ng kaniyang ina ay napilitan na silang bumukod.

Hindi naman sila pinigilan ni Aling Tessie. Bagkus ay sinumbatan pa si Erik ng kaniyang ina.

“Mainam nga iyan at nang makakilos nang maayos ang kuya mo at asawa niya dito. Lumalaki na rin kasi ang mga bata ay sumisikip na ang bahay para sa ating lahat,” saad ni Aling Tessie.

“Ang dalangin ko lang, ‘nay, ay pagdating ng araw ay pagsilbihan din kayo ng mga paborito niyong apo tulad ng pagsisilbi niyo sa kanila. Wala po akong sama ng loob na dadalhin sa inyo sapagkat nanay ko pa rin naman kayo at responsibilidad ko ang mga anak ko,” wika ni Erik sa ina.

Lumipas ang mga panahon at nagsilakihan na ang mga kani-kaniyang mga anak. Tumanda na rin si Aling Tessie. Ngunit labis na ikinalulungkot ni Erik nang malamang hanggang ngayon ay inaasahan pa rin ng kaniyang kuya at pamilya nito ang kanilang nanay sa kabila ng katandaan nito.

Nang dalawin niya ang ina ay halos magkanda kuba na ito sa paglilinis ng bahay, ito pa rin ang nagsasamsam ng mga pinagkainan ng kaniyang mga apo. Tila ginawang katulong na sa bahay ang matanda.

“Bakit kayo pa po ang gumagawa nyan, ‘nay? Malalaki na ang mga anak ni Kuya Jonard. Dapat ay sila naman ang kumilos dito sa bahay,” saad ni Erik.

“Hayaan mo na kasi abala raw sa pag-aaral,” sagot ni Aling Tessie.

Ngunit nang tingnan ni Erik ang mga pamangkin ay mga nakahilata lamang ang mga ito at naglalaro ng kanilang selpon at laptop.

“Bakit niyo hinahayaan na ginaganito kayo ng mga apo niyo?” tanong muli ni Erik.

Dito ay hindi na napigilan pa ni Aling Tessie na sabihin ang lahat ng katotohanan sa kaniyang anak. Napaiyak siya habang nagkukwento ng kaniyang sama ng loob.

“Sa tanda kong ito’y ako pa rin ang lahat ng kumikilos dito sa bahay. Nagagalit pa sila kung hindi ako makaluto sa tamang oras o kung hindi ko nalabhan at naplantsa ang mga damit na kailangan nila.

Sa tuwing ako’y may sakit ay ako lang din ang nag-aalaga sa aking sarili. Dinadaan-daanan lamang ako at hindi man lamang ako kausapin ng maayos. Hindi ko akalain na sa aking pagtanda ay hindi ko rin pala aanihin ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanila,” paghagulgol ng matanda.

“Huwag na po kayong mag-alala, ‘nay. Doon na muna po kayo sa amin nang makapagpahinga kayo. Aalagaan po kayo nila Yuan at Gail. Mababait po ang mga batang iyon,” saad ni Erik.

“Nahihiya ako sa mga anak mo, Erik, maging sa iyo. Patawarin mo ako sa mga nagawa ko sa inyo. Bandang huli ay kayo pa pala ang titingin sa akin sa kabila ng hindi maganda kong trato sa inyo noon,” pagtangi pa ni Aling Tessie.

Pansamantalang inuwi ni Erik sa kanilang bahay ang ina upang makapagbakasyon. Tulad ng kaniyang tinuran ay inasikaso siya nina Yuan at Gail. Madalas din siyang kwentuhan ng mga ito. Masisipag ang mga anak ni Erik at kitang-kita ng matanda na tama ang naging pagpapalaki ng kaniyang anak sa mga ito.

Labis ang pagsisisi ni Aling Tessie sa kaniyang mga nagawa noon sa bunsong anak at sa mga anak nito. Kahit na hindi naging maayos ang kanilang pagsasama noon ay pinaramdam ng mag-aama ang pagmamahal nila sa matanda.

Advertisement