
Pilit na Itinataboy ng Isang Bata ang Marungis na Bata sa Kaniyang Party; Hindi Niya Akalaing Ito pa pala ang Sasagip sa Kaniyang Buhay
Gabi pa lamang ay hindi na makatulog ang batang si Mandy dahil sa pagkasabik dahil gaganapin na bukas ang araw na kaniyang pinakahihintay. Halos tatlong buwan ding pinaghandaan ng kaniyang mga magulang na sina Yvette at Saldy ang ika-pitong kaarawan ng kanilang kaisa-isang anak.
Isang malaking pagtitipon ang gaganapin sa kanilang hardin. Ang lahat ay nasa ayos na.
“Bakit hindi ka pa natutulog, anak?” tanong ni Yvette kay Mandy.
“Iniiisip ko na po kasi ang mga regalong matatanggap ko bukas, mommy! Bukod pa po doon ay nais ko nang makita ang cake na binili niyo para sa akin!” natutuwang sambit ng bata.
“Mas bibilis ang oras kapag natulog ka na ngayon, anak. Saka gusto mo bang puyat ka sa kaarawan mo? Sige ka, baka hindi maganda ang hitsura mo sa mga larawan,” pahayag pa ng ina.
Hindi man datnan ng antok ay pilit na natulog si Mandy.
Kinabukasan, maaga pa lamang ay bumangon na si Mandy upang maghanda. Sinilip niya ang hardin na pagaganapan ng kaniyang party.
Habang masayang nakasilip sa terasa ay tinawag siya ng kaniyang ina upang ipakita ang kaniyang susuotin ng araw na iyon.
Pagkakita ni Mandy sa damit ay nawala ang ngiti sa kaniyang mukha.
“B-bakit? Hindi mo ba nagustuhan ang susuotin mo, anak?” tanong ni Yvette.
“Ayos lang po. Kaso mas bongga pa rin ang gown ng kaklase ko. Naiisip ko kasi dapat mas bongga ‘yung sa akin. Pero ayos na po ‘yan, mommy,” tugon ni Mandy.
Ilang sandali pa ay gumayak na ang mag-anak. Isa-isa nang nagdaratingan ang mga imbitado sa naturang party.
Wala na atang mas sasaya pa kay Mandy sa araw na iyon dahil natupad ang kaniyang pangarap. Lahat ng kaniyang mga kaklase at guro ay naroon. Napakarami niyang regalo, masasarap ang mga pagkain at higit sa lahat ay napakalaki ng kaniyang cake.
Habang nagkakainan ay may isang madungis na bata ang sumilip sa kanilang gate. Tuwang-tuwa ito habang pinapanood ang ilang clown at magician na nagtatanghal. Mayroon ding puppet show at nagpipinta sa mukha ng mga bata.
Habang tuwang-tuwa ang bata ay nilapitan siya ni Mandy.
“Anong ginagawa mo riyan?! Umalis ka! Hindi ka dapat sa party ko kasi madungis ka!” pagtataboy ni Mandy sa bata.
“Ako nga pala si Isabelle. Ikaw si Mandy, ‘di ba? Maligayang kaarawan sa’yo,” masayang bati pa ng bata.
“Huwag mo akong kausapin dahil hindi kita kilala! Umalis ka sa party ko dahil ang dumi-dumi mo! Yuck!” sambit ulit ni Mandy.
“G-gusto ko lang naman itanong kung pwede akong makahingi ng kaunting pagkain. Iuuwi ko lang sa mga kapatid ko,” pakiusap ni Isabelle.
“Hindi mo ba ako narinig? Pinapaalis na kita kanina pa! Nakuha mo pang humingi ng pagkain. Party ko ito at hindi ka imbitado kaya umalis ka na!” sigaw pa nito.
Napansin ni Yvette ang ginagawang ito ng kaniyang anak.
“Anak, huwag ka namang gan’yan. Nakikinood lang naman ang bata,” saway nito kay Mandy.
“Hindi naman po siya imbitado sa party ko. Saka isa pa, hindi naman natin siya kilala. Ang dungis-dungis niyang bata na ‘yan! Siguro anak ‘yan ng basurero!” dagdag muli ni Mandy.
“Hindi tama ang sinasabi mong iyan, anak. Sige na at bumalik ka na sa party mo dahil hinahanap ka na ng mga kaibigan mo. Ako na ang bahala dito,” saad naman ng ina.
“Basta, palayasin mo ‘yan, mommy, dahil baka akalain ng mga kaibigan ko ay may kaibigan akong basurero!” giit pa ng bata.
Ngunit imbis na paalisin ni Yvette ay humingi siya ng pasensya sa ginawa ng anak. Nagbalot pa siya ng pagkain para sa bata at mga kapatid nito.
Paalis na sana si Isabelle nang makita ni Mandy na may bitbit itong lalagyanan. Agad niya itong pinuntahan at sinita.
“Ninakaw mo ang pagkaing iyan dito, ano? Ibalik mo iyan! Hindi ka naman imbitado dito sa party ko!” sigaw ni Mandy.
“Ibinigay ito sa akin ng mommy mo. Iuuwi ko ito sa mga kapatid ko,” paliwanag naman ng bata.
Ngunit pilit na iginigiit ni Mandy ang kaniyang palagay.
Hinablot niya ang plastik na naglalaman ng pagkain upang bawiin kay Isabelle. Wala nang nagawa pa si Isabelle kung hindi ibigay ito kay Mandy.
Pabalik na sana si Mandy sa kaniyang party nang biglang isang aso ang animo’y susunggab sa kaniya.
Ngunit bago pa man siya nito makagat ay hinarang na ito kaagad ng batang si Isabelle. Dahil dito ay si Isabelle pa ang nakagat ng aso.
Gulat na gulat si Mandy sa bilis ng pangyayari. Hindi rin niya akalain na kayang gawin ni Isabelle na iligtas siya mula sa aso na sasakmal sa kaniya.
Agad na nagtakbuhan papalapit sa dalawang bata ang mga magulang ni Mandy upang tingnan ang nangyari. Agad nilang dinala si Isabelle sa ospital upang ipasuri.
Nang ikwento ni Mandy ang lahat ng naganap sa kaniyang ina ay labis ang pasasalamat nito sa batang si Isabelle. Gayon din ay humingi ng tawad si Mandy sa nagawa niya rito.
“Maraming salamat sa pagliligtas mo sa akin. Siguro, kahit sino’y hindi kaya ang ginawa mo. Napakatapang mo,” saad ni Mandy kay Isabelle.
“Walang anuman, Mandy. Naisip ko kasi na kaarawan mo ngayon at dapat lang ay masaya ka. Pasenisya ka na rin sa akin kung nanghingi ako ng handa. Gustung-gusto ko lang talagang makakain ng masarap ang mga kapatid ko,” paliwanag ni Isabelle.
Pagkatapos masuri ni Isabelle sa ospital ay nagbalik sila sa party. Sa pagkakataong iyon ay inanyayahan na nila ang buong mag-anak nito.
Matapos din ang araw na iyon ay naging magkaibigan sina Mandy at Isabelle.
Sa pakikisama ni Mandy kay Isabelle ay natuto siyang pahalagahan ang mga bagay na mayroon siya. Nakita niya kung paano kasi maging masaya ang kalaro sa mga simpleng bagay.
Bilang pasasalamat din sa kabayanihan na ginawa ni Isabelle ay binigyan siya ng kaunting kabuhayan ng mga magulang ni Mandy.
Hindi akalain ng lahat na may mabubuong tunay na pagkakaibigan sa pagitan ng mayamang si Mandy at batang si Isabelle.