Inday TrendingInday Trending
Garapalan kung Angkinin ng Dalaga ang Kinakasama ng Kaibigan; Bandang Huli’y Siya Rin pala ang Masusunog sa Sarili Niyang Apoy

Garapalan kung Angkinin ng Dalaga ang Kinakasama ng Kaibigan; Bandang Huli’y Siya Rin pala ang Masusunog sa Sarili Niyang Apoy

“Talagang sinama mo pa sa dito ‘yang si Oliver dito, Abbie. Hindi ka ba talaga kinikilabutan sa ginagawa mo? Kaibigan din namin si Mia! Hindi ka ba natatakot sa anong pwedeng mangyari sa pakikiapid mo sa asawa nya?” tanong ni Carmela sa dalagang kaibigan.

“Anong asawa ang sinasabi mo riyan, Carmela? Tandaan mo na hindi pa sila kasal kaya hindi pa sila mag-asawa. Isa pa, ako naman talaga ang mahal ni Oliver at alam mo ‘yan!” sambit naman ni Abbie.

“Kahit na! May anak sila, Abbie. Inaanak mo ang anak nila! Kung ako sa’yo, habang maaga pa ay ititigil ko na ang kahibangang ito. Baka bandang huli ay ikaw din ang masunog sa sarili mong apoy,” paalala pa ng kaibigan.

Ngunit binalewala lang ni Abbie ang lahat ng sinabi sa kaniya ni Carmela. Para sa kaniya ay mas may karapatan siya kay Oliver dahil siya ang mahal nito.

Nabuo ang pagkakaibigan ng magbabarkada noong sila ay kolehiyo pa lamang. Iisa lamang ang kursong kanilang kinuha. Hindi nga lang nakapagtapos si Mia dahil nabuntis siya kaagad ni Oliver. Ngunit kahit may pananagutan na sa isa’t isa ay hindi pa rin sila kumalas sa barkada.

Madalas pa rin ang pagkikita ng mga ito. Ngunit habang tumatagal ay tuluyan nang nagkahulugan ng loob itong si Oliver at Abbie. At ang masakit pa roon ay tinuloy nila ang kanilang relasyon at walang kaalam-alam doon si Mia.

Kaya ganoon na lamang ang gulat ni Carmela nang lantarang inimbita ni Abbie sa isang party si Oliver. At kung maglampungan pa ang mga ito’y kala mo’y wala silang taong natatapakan.

“Baka may nakakakilala kay Mia sa mga tao dito, Abbie. Ayos lang naman na ipakilala nating kabarkada natin si Oliver pero huwag ka nang harap-harapang makipaglampungan,” sambit ni Carmela.

“Madali lang naman lusutan ‘yan! Sabihin ko na ganito talaga siya sa atin. Saka alam naman ni Mia kung gaano tayo kalapit lahat dito kay Oliver. Pabayaan mo naman ako. Minsan lang ay nais kong maangkin siya kahit sandali lang,” saad naman ni Abbie.

Ramdam ni Carmela, sa puntong iyon ay marami na ang nagtataka sa tunay na relasyon ni Abbie at Oliver. Dahil sa pakiusap na rin ng kaniyang kaibigan ay pilit na pinagtatakpan ni Carmela ang dalawa kahit labag man sa kaniyang kalooban.

Hindi naman nagkulang ng pagpapaalala itong si Carmela kay Abbie. Ngunit talagang mapusok ang dalaga. Habang lalong tumatagal ay lalong lumalalim ang pag-ibig nina Abbie at Oliver.

May pagkakataon pa nga na sa tuwing magkikita-kita ang barkada ay talagang gumagawa sila ng paraan upang masolo ang isa’t isa. Mas naging madali na rin kina Abbie at Oliver ang kanilang tagong relasyon dahil hindi naman na sumasama si Mia sa kanilang mga lakad dahil abala ito sa pag-aalaga ng kaniyang anak.

Habang tumatagal ay lalong nananabik sina Oliver at Abbie sa isa’t isa. Hanggang sa naging sukdulan na nga ang kanilang ginagawa.

“Gusto kitang makasama ngayon dito, Abbie. Wala si Mia dahil may ipinaaasikaso sa kaniya ang nanay niya. Naroon din ang anak namin sa mga magulang niya kaya mag-isa lang ako rito. Hindi na ako umalis pa para tingnan ang negosyo ko. Pumunta ka rito para matapos na ang pananabik ko sa’yo,” malambing na sambit ni Oliver sa kalaguyo.

Agad namang nagtungo sa bahay si Abbie. Dahil nga magkaibigan sila ay walang malisya kung siya ay pupunta ng bahay. Sanay naman na ang mga kapitbahay na nakikita siya roon.

Pagkatapos na may maganap sa kanila ay panandalian nilang inangkin ang pagkakataon upang magpanggap na sila talaga ang magkatuwang sa buhay. At saka aalis si Abbie sa bahay nila Oliver bago pa man dumating si Mia.

Dahil sa kanilang ginagawa ay tila lalong mas naging kapanapanabik sa dalawa ang kanilang tagong relasyon. Lagi silang kumukuha ng tiyempo sa tuwing aalis itong si Mia at saka aalis ng bahay kung pauwi naman ang mag-ina.

Sa kabilang banda ay may mga nagsasabi na rin kay Mia ng kanilang hinala ngunit tinatawanan lamang niya ito dahil alam niya kung gaanong kalapit ang kaniyang mga kaibigan sa isa’t isa.

Hindi rin tumigil naman si Carmela sa pagpapaalala kay Abbie na itigil na ang panloloko nila sa kaibigan.

Hanggang sa ang inakala nila Oliver at Abbie na ang walang hanggang pagtatago ay natuldukan na.

Isang araw, nang umalis si Mia ay agad na pumunta si Abbie sa bahay ng mga ito upang makipaglaro ng apoy kay Oliver. Ngunit tila hindi na umayon sa kanila ang tadhana. Habang abala sila sa kanilang ginagawa ay siyang dating ni Mia at kitang-kita niya ang lahat.

Nanlaki ang mga mata ni Mia at nanikip ang kaniyang dibdib dahil hindi niya inaasahang makita ang matalik na kaibigan na nakikipagniig sa kaniyang kinakasama.

“Mga hayop kayo! Pinagkatiwalaan ko kayong dalawa! Lahat ng naririnig ko tungkol sa inyo ay binalewala ko dahil alam kong malapit lang kayo sa isa’t isa pero tama pala sila!” bulyaw ng galit na galit na si Mia.

Dahil sa kaniyang gigil ay hinablot niya agad ang buhok nitong si Abbie at kinaladkad niya palabas ng kanilang bahay hanggang kalsada na walang suot na kahit ano.

“Tama na, Mia! Hayaan mo muna akong makapagbihis!” pagmamakaawa ni Abbie habang kinakaladkad siya ni Mia.

“Bakit nahihiya ka sa kanila? Nahihiya ka sa kababuyan niyo ni Oliver? Gagawa-gawa ka ng kawalanghiyaan pero nahihiya ka? Itinuring na kitang kapatid, Abbie! Bakit mo nagawa sa akin ang ganitong bagay? Bakit mo sinira ang pamilya namin?” halos maputulan ng litid itong si Mia sa pagsigaw.

Pinagkumpulan naman ng mga tao ang nangyayaring iskandalong ito. Halos hindi alam ni Abbie ang kaniyang gagawin upang takpan ang kaniyang hubad na katawan. Humihingi siya ng tulong sa ilang kapitbahay ngunit hindi man lamang siya binigyan ng pantakip ng mga ito. Bagkus ay kinuhaan pa siya ng larawan at ang iba ay nai-post pa sa social media.

Labis na kahihiyan ang nangyaring ito kay Abbie. Itinakwil siya ng kaniyang mga pamilya nang malaman ang kaniyang pakikiapid.

Samantala, labis ang pagmamakaawa si Abbie na tulungan siya ng kaibigang si Carmela ngunit maging ito ay ayaw na ring makialam.

Ang masakit pa noon ay nakipag-ayos si Oliver sa kinakasama nitong si Mia. Inayos nila ang kanilang pamilya hanggang tuluyan na silang nagpakasal. Nilayuan na rin ni Oliver si Abbie upang magsimulang muli.

Sa puntong iyon ay lubos na pinagsisisihan ni Abbie ang kaniyang maling nagawa. Nais man niyang itama ang mga nakaraan ngunit huli na ang lahat. Tuluyan nang nasira ang kaniyang buhay dahil lamang sa pang-aagaw sa pag-ibig na inakala niyang kaniya.

Advertisement