Hindi Inaasahan ng Ginang ang Biglaang Pagkawala ng Kaniyang Mister; Paano Kaya Niya Bubuhayin ang Kaniyang mga Anak nang Mag-isa?
“Nakikiramay ako, Loida…”
Ilang beses nang narinig ni Loida ang mga pahayag ng pakikiramay, ngunit hindi pa rin maibsan ang sakit sa damdamin ng hindi inaasahang pagkawala ng kaniyang mister na si Caloy. Mag-iisang linggo na ang burol, hindi dahil sa may mga hinihintay pang kaanak mula sa ibang bansa o lugar.
Ang totoong dahilan, hindi pa malaman ni Loida kung saan kukuha ng pera para sa libing. Kailangan umano ng 10,000 piso para sa mismong nitso, at 3,000 piso naman ang sinisingil sa kaniya ng punerarya para sa karong maghahatid sa sementeryo.
“Loida, huwag ka nang mag-alala, may magpapahiram na sa atin para mairaos na ang libing ni Caloy,” saad ng kapatid ni Caloy na si Carissa, ang kaniyang bilas.
“Maraming salamat Ate Carissa. Hindi ko alam ang gagawin ko kung wala kayo sa tabi ko,” naiiyak na pasasalamat ni Loida.
“Huwag mo nang intindihin iyan. Pamilya tayo rito. Tayo-tayo rin naman ang magtutulungan.”
At nairaos ang libing. Sa pag-uwi sa bahay, naramdaman ni Loida na mag-isa na lamang talaga siyang magtataguyod sa tatlo nilang anak ni Caloy na isang karpintero.
Ang susunod na isipin ngayon ni Loida, anong trabaho naman ang kailangan niyang pasukin para matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya?
Kinabukasan, pinulong ni Loida ang kaniyang mga anak. Ang panganay niyang si Emil ay 15 taong gulang, na sinundan naman ni Joy na 12 taong gulang. Ang bunso naman ay si Eric na 8 taong gulang.
“Mga anak, wala na ang Papa ninyo. Pero hindi tayo hihinto rito. Kikilos tayong lahat. Hindi ninyo kailangang huminto ng pag-aaral. Ang tanging hiling ko lang, kayo na ang bahala sa mga gawaing-bahay. Kailangan ko nang maghanap ng mapagkakakitaan,” saad ni Loida sa mga anak.
“Opo, Mama…” sabay -sabay na tugon naman ng mga bata.
“Mabuti naman at nauunawaan ninyo ang ating kalagayan ngayon. May ipon kami ng Papa ninyo pero hindi sasapat iyon. Isang buwan lamang na gastusin. Hindi natin gagalawin ‘yan dahil para sa emergency iyan, kung sakali mang kailanganin natin,” paliwanag ni Loida.
Bumaling si Loida kay Emil.
“Emil, bilang ikaw ang panganay, ikaw ang inaasahan kong makatutulong ko sa pagsubaybay sa mga kapatid mo. Ikaw na ang bahala sa kanila, lalo na sa mga gawaing pampaaralan. Ikaw na rin ang bahala kung paano ninyo paghahati-hatihan ang mga gawaing-bahay.”
Kaya naman, tuwing 4:00 ng madaling-araw ay gumigising na sina Loida at Emil upang ihanda ang mga kakailanganin sa paggawa ng mga kakanin. 6:00 ng umaga, kailangang nakahanda na ang lahat; kailangang nakasilid na sa malaking bilao ang biko o iba pang mga kakanin dahil ilalako na ito ni Loida para sa almusal.
Babalik siya ng 9:00 ng umaga na ubos na ang mga paninda, at may mga dalang saging na saba.
Magpapahinga nang kaunti, at haharapin naman ang mga labada ng kanilang mga kapitbahay. Malaking tulong din. Kapag nakasampay na, pagluluto naman ng banana cue o camote cue ang aatupagin niya. Wala siyang katuwang dahil nasa paaralan ang kaniyang mga anak. Isasabay na rin niya ang pagluluto ng hapunan dahil tiyak na gagabihin siya nang uwi.
Ganito nang ganito ang naging routine ni Loida at ng kaniyang mga anak upang makabangon. Hanggang sa isang araw, habang naglalako ay napansin ni Loida ang paskil sa dating pinagtatrabahuhan ng mister, na nangangailangan ng dagdag na karpintero.
“Loida naman, alam mo namang hindi kami tumatanggap ng babae. Saan ka ba naman nakakita ng babaeng karpintero? Panlalaking trabaho ito,” kumakamot sa ulong sabi ng foreman.
“Foreman naman, alam naman ninyong sanay ako sa ganyan. Ako nga lang ang nagkukumpuni ng mga sirang mesa o upuan namin sa bahay. Tinuruan po ako ni Caloy. Sige na po, kailangang-kailangan ko lang.”
Walang nagawa si Caloy kundi ang pagbigyan si Loida. Inilagay siya sa paghahalo lamang ng mga semento. Gulat na gulat ang mga dating kasamahan ni Caloy nang makita si Loida na ginagawa ang mga gawaing mabibigat gaya ng paghahalo ng semento, pagpapalitada, pagpipintura, at iba pa.
Natutuhan din niyang magpatakbo ng malalaking mga crane at maging mga traktorang naghahakot ng ibat ibang mga mabibigat na kagamitan.
“Kayang-kaya ko iyan, para sa mga anak ko, gagawin ko ang lahat!” saad ni Loida.
Isang netizen naman ang nakapansin kay Loida nang minsang mapadaan ito sa tapat ng gusaling ginagawa. Nagwewelding noon si Loida kaya di napansing kinuhanan pala siya ng larawan ng naturang netizen.
Ipinost ng netizen ang kaniyang larawan sa social media dahil sa paghanga. May hashtag pa itong “women empowerment.” Agad na naging viral ang post at nakilala nang marami si Loida. Instant sikat! Nagkumahog ang mga media men upang makapagsagawa ng panayam sa kaniya. Lalo silang namangha nang malaman nilang bukod sa pagkakarpintero ay marunong din siya sa pagtutubero, nagtitinda, at naglalabada pa. Tinagurian siyang “Magnanimous Mom.”
Marami sa mga concerned citizen, lalo na ang mga artistang nakabasa ng kaniyang istorya, ang nagpaabot ng tulong kay Loida, na representasyon ng mga ina at babaeng malalakas na gagawin ang lahat para sa kanilang mga mahal sa buhay.