Nagpustahan ang Dalawang Tindera Kung Lalaki Ba o Beki ang Kustomer Nila na Bumibili ng Pampaganda; Sino ang Magwawagi?
Tulad ng mga nakababagot na araw, walang siglang inaayos ni Camille ang mga lipsticks sa estante na ginulo ng mga customers na hindi naman bumili kundi sumubok lamang. Sanay na siya sa ganoong trabaho bilang sales lady. Parte ng trabaho niyang ayusin ang mga bagay na ginulo ng iba. Sa women’s section siya naitalaga.
Minsan, kapag matumal ang dating ng mga customers, o nauumay na sila sa ginagawa nila, pinag-uusapan nila ang mga customers batay sa kanilang obserbasyon. Hinuhusgahan kaagad nila kung sino ang mayaman, kung sino ang social climber lamang, at kung sino ang mga walang pambili.
Hanggang sa isang makisig na lalaki ang pumasok sa kanilang boutique. Nabuhay ang katawang-lupa ng mga sales lady. Mukha kasing modelo ang lalaki, artistahin at mukhang vain, subalit nakapagtatakang sa make-up section ito nagtungo.
Agad na lumapit sa kaniya ang isa pang kasamahang si Liezel.
“Huy girl, ikaw ba mag-aassist o ako? Ako na lang sana, ang guwapo ni Koya oh,” sabi ni Liezel.
“Eh ano naman kung guwapo? Baka naman guwapo rin ang hanap mo. Tingnan mo oh, sobrang lamya kung kumilos. Saka parang naka-foundation pa,” saad ni Camille.
“Grabe ka naman! Baka naman hindi. Huwag kang judgmental. Malay mo naman, metrosexual siya. Ganyan na ang uso ngayon. Kahit mga straight na lalaki palaayos na sa sarili nila. Mas vain pa nga sila kaysa sa mga tunay na babae,” pagtatanggol naman ni Liezel.
“Oh sige pustahan tayo ha? 100 pesos? Deal ba tayo?” tanong ni Camille.
Pumayag naman si Liezel. Kapag beki ang lalaking customer na guwapo, panalo si Camille. Kapag metrosexual lamang ito, panalo si Liezel.
Lumapit na nga silang dalawa sa guwapong customer.
“Hi Sir, may I assist you?” magalang na tanong ni Camille. Lumingon sa kaniya ang lalaki. Ngumiti lamang. Ipinagpatuloy ang pagtingin sa mga beauty products na karamihan ay mga babae talaga ang gumagamit. Batay sa mga galaw nito, tila alam na alam nito ang mga dapat kunin. Palihim na sinulyapan ni Camille si Liezel. Mukhang nangangamoy 100 piso para sa kaniya.
“Sir, para sa inyo po ba ito? Or para sa girlfriend ninyo?” tanong naman ni Liezel.
Napatingin ulit sa kanila ang lalaki. Tumugon na ito.
“For my wife.”
Baritonong-baritono ang tinig nito. Nakakikilig. Lalaking-lalaki. Kinilig nang bahagya si Camille. Sayang naman kung beki ito. Guwapo pa naman, subalit kung titingnan, sanay na sanay ito sa mga beauty products. Malamang na ito ang gumagamit. Subalit sa narinig niya, may asawa na pala ito, kaya masayang-masaya na ang mukha ni Liezel. Mukhang panalo na ito.
Nang makapili na ang customer, nagtungo na ito sa counter upang magbayad. Halata rin ang pagkakilig sa mga kasamahan nilang kahera. Palihim na sumunod sina Camille at Liezel upang malaman nila ang pangalan nito. Kunwari ay inassist nila ito.
“Hi, sir. Cash or credit card?” tanong ng kahera.
“Credit card.”
Iniabot ng lalaki ang kaniyang credit card. Iniabot ng kahera. Binasa. Kumunot ang noo.
“Ah sir… excuse me po, Jennifer Ballesteros po ang nakalagay sa credit card. Nagkamali po yata kayo.”
“No, that’s me.”
Natigilan ang mga kaherang nakarinig, lalo na sina Camille at Liezel.
“I own that credit card.”
Hindi na kumibo pa ang mga kahera. Pinigilan nila ang kanilang mga sarili na magbanggit ng kahit ano. Nang ito ay makaalis na, nagkumpulan sina Camille, Liezel, at iba pang mga kahera.
“Nagulat ako na Jennifer ang nakalagay na pangalan doon sa credit card. Tingnan nga natin sa Facegram.”
Kinuha ni Liezel ang kaniyang gadget. Wala namang customers kaya puwede silang gumamit nito. Sinaliksik nila ang Facegram account na may pangalang Jennifer Ballesteros. At lumitaw ang account nito.
Kitang-kita sa ibang mga larawan nito na isa pala itong trans man. May ilang mga larawan pa sa album nito na babae pa ito, hanggang sa mga larawan na nagpapakita ng transpormasyon nito. Nakita rin nila ang tinutukoy nitong wife na isang tunay na babae, na siyang pinagbilhan nito ng mga make-up at iba pang beauty products.
“Kaya pala sanay na sanay siyang mamili ng mga beauty products,” nasabi na lamang ni Liezel.
“Pero ang galing ha? Walang bakas. Magaling ang pagiging transpormasyon niya. Masaya ako para sa kaniya, kung gayon,” saad naman ni Camille.
Natawa na lamang sina Camille at Liezel sa isa’t isa. Walang nanalo sa kanilang dalawa.