Inday TrendingInday Trending
Ikinulong ng Kaniyang Malupit na Amo ang Ginang na OFW sa Isang Palikuran; Paano Kaya Siya Makatatakas sa Kaniyang Kalagayan?

Ikinulong ng Kaniyang Malupit na Amo ang Ginang na OFW sa Isang Palikuran; Paano Kaya Siya Makatatakas sa Kaniyang Kalagayan?

Dahan-dahan. Dahan-dahang bumaba sa hagdanan si Aling Betty patungo sa kusina. Gutom na gutom na siya. Hindi siya pinakain kanina ng kaniyang amo. Simple lang ang naging pagkakamali niya. Nagkamali lamang siya sa pagtupi ng mga damit nito.

Ingat na ingat si Aling Betty. Ayaw niyang makalikha ng anumang ingay. Nanlumo siya sa kaniyang natuklasan. Nakakandado ang refrigerator. May password kasi ito. Kahit tubig, hindi siya makakainom. Nauupos na kandilang napaupo si Aling Betty sa lapag. Hinawakan niya ang kaniyang ulo.

Ganiyan kalupit ang kaniyang mga amo. Isang taon pa lamang si Aling Betty bilang isang OFW. Naalala niya, sa Pilipinas ay hindi niya pinagdadamutan ng pagkain ang kaniyang mga kapitbahay.

“Mare, sa inyo na nga itong sobrang sinangag na nailuto ko. Sige na… alam ko, nagugutom na kayo…”

“Pare, halika rito’t may mga sobra pa akong biko, pagsaluhan ninyong magpamilya…”

“Mga anak, kumula lang kayo ng pagkain sa estante kung magugutom kayo. Aalis lang ang nanay…”

Kinailangan niyang magtrabaho sa ibang bansa nang magkasakit at bawian ng buhay ang kaniyang mister. Masakit man sa kaniyang kalooban ang gagawin, iyon lamang ang nakikita niyang paraan. Nasa elementarya ang bunsong si Tanya. Nasa Senior High School naman ang pangalawang anak na si George. Nasa Ikatlong Taon na sa kursong Industrial Engineering ang anak na si Tony. Sayang naman kung titigil sa pag-aaral.

Nagbalik sa kasalukuyang diwa ang paglalakbay ng alaala ni Aling Betty nang biglang bumukas ang mga ilaw at bumaba ang kaniyang among babae. Hirap na hirap sa Ingles ang kaniyang amo, na dalawang Chinese.

“Hey, you! What are you doing here?” galit na galit na sabi nito. Lumapit ito sa kaniya at pinagsasampal ang kaniyang mukha. Pinagmumura siya sa wika nito.

“Sorry sorry Ma’am. I’m hungry. I’m hungry. I’m just here to eat. Just eat,” humahagulhol na paliwanag ni Aling Betty.

“No. I said you are not allowed to eat! This is my punishment for your ignorance!”

Sinabunutan siya nito at kinaladkad patungo sa isang palikuran. Ang palikurang iyon ay hindi na pinagagamit dahil barado na ang inidoro nito, bukod pa sa walang bombilya.

“You stay here! Idiot!” saad ng kaniyang amo sabay sarado ng pinto. Narinig ni Aling Betty na nilagyan ng kadena ang seradura nito. Nagmakaawa naman si Aling Betty. Pinukpok nang pinukpok ang pinto.

“Don’t make noise! Quite! Noisy! Noisy! Or else, I will double up your punishment!” saad ng amo, hanggang sa bumalik na ito sa kuwarto nito.

Nanlulumo namang napaupo na lamang si Aling Betty sa kaniyang kinasapitan. Masakit na masakit na ang kaniyang ulo sa gutom, na lalo pang nadagdagan dahil sa sampal at sapok na ipinatikim sa kaniya ng amo. Bumalong na ang luha sa kaniyang mga mata.

Hindi siya tao sa paningin nila. Mabuti pa ang aso nila, binibigyan ng pagkain at ginagalang.

Gusto niyang humingi ng tulong, ngunit sino ang matatakbuhan niya? Kinuha ang pasaporte at cellphone niya. Pinagbawalan siyang gumamit nito.

Kailangang makaisip siya ng isang paraan. Hindi niya matatagalan pang manatili sa lugar na ito na puro demonyo ang kaniyang mga kahalubilo. Alam niyang manganganib pa ang kaniyang buhay. Kailangang makatakas siya. Ngunit walang bintana ang palikuran.

Nahagip ng kaniyang mga mata ang isang malaking maso. Naalala niya, hindi niya pala ito naibalik sa cabinet. Kinuha niya ito. Ihahampas niya sa pinto.

Ngunit kapag inihampas niya ang maso sa pinto, tiyak na mabubulabog ang mga amo niya. Lalabas sila, at baka hindi pa siya makatakas. Kailangang mag-isip ng ibang paraan.

Nakita niya ang inidoro. Alam niya kung saan nakapuwesto ang poso negro nito, na nakakonekta umano sa manhole na nasa kalsada. Wala na siyang ibang mapamimilian. Magising man ang kaniyang amo sa ingay na malilikha nito, tiyak na gugugol muna ito ng oras sa pagtatanggal sa kadenang ipinulupot sa seradura ng palikuran.

At kung sakaling masukol pa rin siya, handa siyang ipukpok sa ulo ng mga ito ang kaniyang maso.

Ubod-lakas niyang itinaas ang kaniyang mga bisig at pinukpok nang malakas ang inidoro. Nabasag ito. Kaunti pa. Isa, dalawa, talo, apat… barag na barag na ang inidoro.

Lima, anim, pito, walo… tuluyan nang natungkab ang inidoro. Lumitaw ang malaking butas, padaudos sa ibaba, patungo sa poso negro. Bahala na. Naramdaman niyang may patungo na sa palikuran. Nag-antanda muna si Aling Betty bago siya lumusot sa butas na kaniyang nilikha pababa. Wala na siyang pakialam kung maglulunod siya sa mga ihi at dumi.

Mabilis niyang nilangoy ang daan patungo sa poso negro, na maglalagos sa isang manhole na nasa kalsada. Halos masuka na siya sa baho ngunit wala siyang pakialam. Ang tanging mahalaga sa kaniya ay makaalis siya sa pugad ng mga demonyo. Gamit ang maso, ubod-lakas niyang pinukpok ang manhole, at makalipas ang ilang sandali, natungkab ito nang tuluyan.

Ang huling natatandaan ni Aling Betty, nagawa niyang makatakbo…

“Nasaan ako?”

Dalawang babae ang dumalo sa kaniya.

“Hey… are you okay Miss? Mga Pilipina rin kami. Nakita ka naming nakahandusay sa daan, walang malay, punumpuno ng dumi ng tao sa katawan…”

At doon na lumuluhang isinalaysay ni Aling Betty ang kaniyang mga karanasan.

Sa tulong ng embahada ng Pilipinas sa Hongkong, nakabalik sa Pilipinas si Aling Betty at napiit naman ang kaniyang mga amo. Nakasuhan din ang agency na nagpaalis kay Aling Betty dahil hindi nito tiniyak na nasa mabuting kalagayan ang mga OFW na hinanapan nila ng amo.

Mahirap man, pilit na kinalilimutan ni Aling Betty ang bangungot na kaniyang pinagdaanan, kasama ang kaniyang mga anak.

Advertisement