Pinagbintangang Magnanakaw at Sinaktan pa ang Matandang Taxi Driver nang Isauli Nito ang Naiwang Gamit ng mga Pasahero; Sa Bandang Huli ay Nakamit pa rin Niya ang Hustisya
Ala-sais na ng gabi kaya naisipan ni Mang Gardo na igarahe na ang pinapasadang taxi ngunit may tatlong binatilyo na pumara sa kaniya.
“Manong, para po! Pasakay kami!” sigaw ng mga ito.
Hinintuan niya ang tatlong pasahero.
“Pasensiya na mga hijo, pero hindi na ako bibiyahe,” sagot niya.
“Pakiusap, manong, Pagbigyan niyo na kami. Nagmamadali lang po kami,” wika ng isang binatilyo na may katabaan ang pangangatawan.
“Magbabayad po ako ng doble, pasakayin niyo lang kami,” hirit naman ng isa na may katangkaran.
Biglang nakaramdam ng panghihinayang ang matanda. Sayang nga naman ang kikitain pa niya kaya malugod niyang pinagbigyan ang tatlong kabataan at pinasakay na sa kaniyang taxi.
“Sige na nga. Saan ba kayo patutungo?” tanong niya.
“Naku, salamat po, manong. Sa may Fairview lang po kami,” sagot naman ng isang binatilyo na may kapayatan.
Nang makasakay ang tatlo ay agad nang pinaandar ni Mang Gardo ang taxi.
Tahimik naman ang tatlong pasahero habang nakasakay. Seryoso naman si Mang Gardo sa pagmamaneho para mabilis na silang makarating sa pupuntahan ng mga ito. Gusto na rin kasi niyang makauwi nang maaga.
Nang maihatid ang mga binatilyo sa sinabing lugar ay binayaran siya ng tatlo ng dobleng halaga katulad nang sinabi ng mga ito. Laking tuwa naman nig matanda dahil nakadagdag iyon sa kinita niya sa buong araw na pamamasada.
Ilang minuto pa lang ang nakakalipas nang bigla niyang mapansin na may naiwang maliit na bag sa likurang upuan ng kaniyang taxi.
“Naku, naiwan yata ito ng mga binatilyong ‘yon ah!” sabi niya sa sarili.
Nang buksan niya ang bag ay may nakita siyang isang laptop at isang cell phone.
“Teka, mukhang mamahalin ang mga ito. Kailangan kong maibalik ito sa kanila. Kawawa naman ang mga bata,” sambit ng matanda na biglang nakaramdam ng habag sa mga binatilyong naging pasahero niya.
Nang balikan niya ang lugar kung saan inihatid ang mga kabataan ay hindi na niya naabutan ang mga ito. Sa nais na maibalik ang mga gamit na naiwan ay binuksan niya ang cell phone na nakuha niya sa bag at tiningnan kung mayroong numero na naroon.
“Patawarin niyo ako mga hijo kung pinakialaman ko na itong cell phone. Sana naman ay matawagan ko kayo rito,” aniya sabay idinayal ang nakitang numero ng isang lalaki. Maya-maya ay may sumagot sa kabilang linya.
“Hello, sino ito?” tanong ng boses ng isang lalaki.
“H-hello, ikaw ba ‘yung isa sa mga binatilyong sumakay sa taxi ko kanina?” tanong niya.
“O-opo, ako nga po. B-bakit po? At p-aano niyo po ako natawagan? Saan niyo nakuha ang numero ko?” sunud-sunod na tanong ng binatilyo.
“Pasensiya na, hijo, may nakalimutan kayong bag sa taxi ko. Ginamit ko itong nakita kong cell phone sa bag para matawagan kayo. Ibabalik ko sa inyo itong bag. Saan ko kayo maaaring puntahan?” tanong ng matanda.
“Naku, maraming salamat po, manong! Hindi namin napansin na nakalimutan namin ang bag sa taxi niyo. Napakabait niyo po pala? Itetext po namin sa inyo ang address kung saan niyo isasauli ang laptop at cell phone namin. Bibigyan po namin kayo ng pabuya dahil sa ginawa niyong ito, manong,” sambit ng binatilyo sa kabilang linya.
“Hijo, hangad ko na ang makatulong sa aking kapwa. Hindi ko na kailangan pa ng pabuya. Sige, pupuntahan ko kayo agad,” aniya sa kausap.
Kahit pagod na ay pinuntahan pa rin niya ang address na itinext sa kaniya ngunit nang dumating siya roon para isauli ang naiwang mga gamit, imbes na pasalamatan siya ng tatlong binatilyo ay sinabihan pa siya ng mga ito na magnanakaw saka pinagtulungan pa siyang bugb*gin ng wala siyang kalaban-laban! Pilit din siyang iniharap sa isang matandang lalaki na naroon at pinaamin sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
“Maawa kayo sa akin, wala akong kasalanan. Hindi po ako magnanakaw. Narito nga po ako para isauli ang mga gamit na naiwan niyo sa taxi ko,” pagmamakaawa ng matanda.
“Huwag po kayong maniwala sa kaniya, lolo. Sinadya niyang itakas ang mga gamit niyo. Mabuti na lang at nakaisip kami ng paraan para mahuli siya. Pinapunta namin siya rito kapalit ng sinabi naming pabuya. Ano pang hinihintay niyo lolo? Ipahuli na natin sa mga pulis ang matandang ito!” gigil na sabi ng binatilyong may katangkaran.
“Oo nga po, lolo. Ipapaayos lang sana namin ang laptop at cell phone niyo pero nang ‘di namin sinasadyang maiwan sa taxi niya ang mamahalin niyong gadgets ay itatakbo na sana niya ang mga ‘yan at hindi na isasauli, mabuti na lang at sinagot niya ang tawag namin sa kaniya at sinabihan na bibigyan namin ng pabuya ibalik lang ang kinuha niya,” sabad ng isa pang binatilyo.
Nilapitan ng matandang lalaki si Mang Gardo na nakaluhod na sa lupa.
“Totoo ba ang sinasabi nitong mga apo ko? Tinangka mong nakawin ang mga gamit ko?” tanong nito.
“Hindi po totoo ang sinasabi nila, sir. Mapapatunayan ko po na mas totoo ang sinasabi ko sa inyo,” sagot ng matanda.
Nagkatinginan ang tatlong binatilyo.
“Bueno, paano mo mapapatunayan na nagsasabi ka ng totoo?” hirit pa ng matandang lalaki na sa tingin niya ay nakakaangat sa buhay dahil sa pananamit nito.
“May CCTV po sa loob ng aking taxi. Siguradong makikita niyo roon na hindi talaga ako nagsisinungaling,” bunyag ni Mang Gardo.
Pinagpawisan nang malapot ang tatlong binatilyo sa sinabi niya. Bigla silang kinabahan. Wala silang kaalam-alam na may nakalagay na CCTV sa loob ng taxi ni Mang Gardo. Ang totoo ay ipinalagay iyon ng may-ari ng taxi na pinapasada niya para na rin sa kaniyang proteksyon.
Nang ipa-check ng matandang lalaki na nagpakilalang si Mr. Patricio na isang negosyante sa mga tauhan nito ang CCTV ay kitang-kita nga roon ang ebidensya na hindi pinagtangkaang itakbo ni Mang Gardo ang naiwang mga gamit at sa halip ay kitang-kita na ginamit pa niya ang cell phone na nakuha sa bag para isauli iyon sa mga binatilyong pasahero.
“At saka sir, may ebidensya pa po akong magpapatunay na ako ang tunay na biktima rito,” hayag pa ni Mang Gardo.
Lingid sa kaalaman ng tatlong binatilyo ay inirekord pala ni Mang Gardo ang naging pag-uusap nila sa cell phone. Naisip ng matanda na gawin iyon upang kung may hindi magandang kahinatnan ang gagawin niya ay may ebidensiya siya sa tunay na pangyayari.
Labis ang paghingi ng tawad ni Mr. Patricio kay Mang Gardo sa ginawa ng mga apo nito sa kaawa-awang taxi driver. Napag-alaman din ng negosyante na ang tatlo niyang apo ang totoong nagtangkang magnakaw ng mamahalin niyang laptop at cell phone. Hindi naman totoong ipapaayos ng mga ito ang mga nakuhang gamit sa kaniya, plinano ng tatlong binatilyo na itakas iyon at ibenta para may pantustos sa mga bisyo ng mga ito ngunit sa kasamaang palad, sa sobrang pagmamadali ay naiwan ng tatlong buhong ang ninakaw na mga gadgets sa taxi ni Mang Gardo. Nang malaman ni Mr. Patricio na nawawala ang mga gamit ay hindi na alam ng mga apo niya ang gagawing palusot kaya nang tinawagan sila ni Mang Gardo para isauli ito ay saka nila naisip na isisi sa taxi driver ang kasalanang ginawa nila para hindi sila ang mapagbintangan.
Kahit na humingi ng tawad at nagsisi ang tatlong apo ni Mr. Patricio ay ipinadampot pa rin niya ang mga ito sa mga pulis para bigyan ng matinding leksyon. Ipinagamot din ng negosyante si Mang Gardo dahil sa mga tinamo nitong bugb*g at pasa sa katawan. Binigyang papuri rin ni Mr. Patricio ang kagandahang loob ng matanda. Sobra siyang nahabag sa sinapit nito, sa kabila ng pagtulong ay in@buso at ginawan pa ng kasamaan ng tatlo niyang apo kaya bilang pabuya ay binigyan niya ito ng malaking halaga, sariling taxi na pampasada at binigyan din ng scholarship ang mga anak ng matanda para makabawi sa ginawa ng mga apo niya.
Laking pasasalamat naman ni Mang Gardo sa kabutihan ni Mr. Patricio. Bilang ganti ay ibinigay na rin niya ang kapatawaran sa mga apo nito.