Ibinenta ng Babae at ng Kinakasama Niya ang Kambal na Sanggol; Mabilis Pala ang Dating ng Karma sa Kanila
“Hoy, Arnulfo, linisan mo na ang mga bata at bihisan!” sigaw ni Rowena sa kinakasama.
“Kita mong kumakain pa ako, eh! Ikaw ang babae, ikaw dapat ang gumagawa niyan!” inis na tugon ng lalaki.
“L*tse ka! Makikinabang ka rin naman sa gagawin ko kaya sundin mo na ang inuutos ko sa iyo!” sagot ng babae.
Padabog na tumayo sa kinauupuan si Arnulfo at agad na naghugas ng kamay. Nilinisan niya ang kanilang kambal na sanggol at pagkatapos niyon ay binihisan.
“O, ayan na, ginawa ko na ang gusto mo. Kaya huwag na huwag mo akong kakalimutan ha?” nakangising tugon ng lalaki.
“Diyan ka magaling! Basta kaperahan nag-iinit ‘yang t*mbong mo!”
Balak ng dalawa na ibenta ang kanilang kambal na sanggol sa mag-asawang nakausap nila sa internet. Dahil sa hirap ng buhay at sa dami ng kanilang pagkakautang ay napagdesisyunan nina Rowena at Arnulfo na ibenta ang mga sanggol sa mag-asawang hindi magka-anak.
“Tiyak na tiba-tiba tayo kapag nagkataon. Mababayaran ko na ang mga utang ko at makakabili pa ako ng bago at mamahaling cell phone,” tuwang-tuwang sabi ni Rowena.
“Ako rin, mababayaran ko na ang mga utang ko sa sugalan. Makakabili na rin ako ng bagong cell phone,” sabad naman ni Arnulfo.
“Magpasalamat ka sa akin dahil ideya ko ang lahat ng ito!” tugon ng babae.
“Oo na, ikaw na ang magaling! Kaya ikaw ang minahal ko eh,” wika ni Arnulfo sabay yakap at halik sa kinakasama.
Maya-maya ay biglang nagsi-iyakan ang dalawang sanggol.
“P*nyeta, ang ingay talagang umiyak ng mga ito!” inis na sabi ng lalaki.
“Ipagtimpla mo nga ng gatas ang mga ‘yan para tumahimik,” utos naman ni Rowena.
Sinunod naman ng lalaki ang kinakasama at ipinagtimpla ng gatas ang kambal. Nang makatikim ng gatas ay nagsitahimik at huminto sa pag-iyak ang dalawang sanggol.
“Kaya ayokong magkaanak, eh, masakit sa ulo at tatanda lang ako nang maaga,” sambit ni Rowena.
“Huwag mo na intindihan ‘yan. Ano na? Sumagot na ba ‘yung mag-asawang bibili sa kambal?” biglang tanong ni Arnulfo.
“Teka, teka, icheck ko at baka nagchat na sa akin.”
Agad na tiningnan ni Rowena ang Messenger niya at laking tuwa niya nang mabasa ang mensahe na naroon.
Handa na ang perang hinihingi niyo. Gusto na naming makita ang mga sanggol. Itetext namin sa inyo kung saan at kung anong oras tayo magkikita.
“Arnulfo, sumagot na sila! Naaamoy ko na ang perang paparating sa atin!” bungisngis ni Rowena saka ipinakita sa kinakasama ang chat sa kaniya ng mag-asawang gustong bumili sa kambal.
‘Di nagtagal ay itinext na rin sa kanila kung saan at anong oras sila magkikita-kita.
“Ano pang hinihintay natin? Gumayak na tayo at baka mahuli pa tayo sa usapan!” tugon ni Arnulfo na sabik na sa kanilang transaksyon.
Nagmamadali silang umalis bitbit ang dalawang sanggol. Ilang minuto lang ay narating na nila ang lugar kung saan nila kakatagpuin ang mga kausap. ‘Di rin nagtagal ay dumating ang isang lalaki at isang babae.
“Narito na kami!” wika ng babae.
Laking gulat nina Rowena at Arnulfo nang makilala ang mga dumating.
“N-Nicole? B-Bert?!” gulat na sambit ng babae.
“Kami nga ito, Rowena. Akala mo ba ay hindi namin malalaman na ikaw at ang kinakasama mo ang kumuha sa kambal naming anak ni Bert? Nakita kayo ng pinsan kong si Michelle nang dukutin niyo sa ospital ang aming mga anak. Sa laki ng inggit mo sa akin dahil ako ang pinakasalan at minahal ni Bert ay tinangka mong nakawin ang aming kambal at inilayo sa aming mag-asawa. Balak niyo pa palang pagkakitaan ang mga anak namin? Mga wala kayong kunsensya! Plinano talaga namin ni Bert na magpanggap na buyer para masukol kayo! Pekeng litrato ang ipinadala namin sa inyo para hindi niyo kami makilala,” bunyag ng babae.
“P-paano mong nalaman ang…
Hindi na nakapagsalita pa si Rowena nang biglang lumitaw sa harap niya ang isang matandang babae.
“I-inay?!” gulat na sambit ng babae.
“Patawarin mo ako, anak. Hindi ko maaatim na gumawa ka pa ng isa pang kasalanan. Ako ang nagsumbong sa kanila sa balak niyong gawin sa kanilang anak. Ibalik mo na sa kanila ang mga sanggol,” wika ng nanay niya.
Magkaibigan noon sina Rowena at Nicole ngunit nagkaroon ng lamat ang kanilang pagkakaibigan nang ibigin at pakasalan ni Bert si Nicole. Ang hindi alam ni Nicole ay matagal nang may lihim na pagtingin si Rowena sa lalaki kaya nagtanim ito ng inggit at galit sa kanya at para pasakitan siya ay ninakaw nito ang kambal niyang sanggol nang ipanganak niya ang mga ito sa ospital. Kinasabwat ni Rowena ang kinakasama nitong si Arnulfo para isakatuparan ang plano.
Nagtangka pang tumakas sina Rowena at Arnulfo ngunit agad silang pinalibutan ng mga alagad ng batas. Nagsama rin ng mga pulis ang mag-asawang Nicole at Bert para wala nang kawala ang dalawa. Walang kamalay-malay sina Rowena at Arnulfo na nahulog na sila sa bitag na inihanda ng mag-asawa. Ang akala nila ay naisahan na nila ang mga ito, mas matalino pa rin ang mag-asawa sa kanila.
Walang nagawa sina Rowena at Arnulfo kundi isauli ang dalawang sanggol sa mga tunay na magulang.
“O, mga anak ko. Akala ko’y hindi ko na kayo muling makikita. Ako ang tunay niyong mommy!” umiiyak na sabi ni Nicole saka hinagkan at niyakap ang kambal niyang anak na babae.
“Huwag ka nang umiyak, mahal. Nabawi na natin ang ating kambal. Hinding-Hindi na sila mawawalay pa sa atin,” tugon naman ni Bert at niyakap pa nang mahigpit ang mag-iina.
Ang nanay ni Rowena na si Aling Lourdes ang humingi ng patawad sa ginawa ng anak ngunit buo na ang desisyon nina Nicole at Bert na kasuhan sina Rowena at Arnulfo para pagbayaran ang kasalanang nagawa.
Kaya pala ganoon na lang ang pagnanais ng mga ito na ibenta ang kambal dahil hindi pala nila tunay na anak ang dalawang sanggol at ninakaw lang sa mag-asawang Nicole at Bert. Sa bandang huli ay hindi rin sila nagtagumpay sa maitim nilang balak at lumabas din ang katotohanan. Sa ngayon ay kakaharapin nila ang kaparusahan na sila ang nagsimula.
Ang matinding inggit at galit ay walang ibubungang mabuti. Tandaan na ang kasamaan sa kapwa ay hindi kailanman nagtatagumpay.