Madamot at Parating Nagbibingi-bingihan ang Dalaga; Anong Pangyayari ang Magpapabago sa Pakikitungo Niya sa Iba?
Ginising si Adela ng malakas na katok sa pinto ng kaniyang silid.
Iritableng bumangon siya at padabog na tinungo ang pinto.
“Bakit ho, ‘Nay?” asar na tanong niya. Katutulog niya lang kasi.
“Anak, baka naman pwede kang mabigay ng pambili man lang natin ng ulam? Wala na kasi akong pera…” anang kaniyang ina.
Agad na uminit ang ulo ni Adela. Wala na siyang ekstrang pera, lalo pa’t kabibili niya lang ng bagong bag.
“Wala na akong pera. Hindi ho ba’t nabigyan ko na kayo ng isang libo kahapon? ‘Yun lang ho ang nakalaan para sa inyo,” paasik na tugon niya sa ina.
Tila napahiya ito.
“Alam ko naman, anak. Nagbabakasakali lang ako na baka may pandagdag ka…”
“Wala na ho. Alam niyo naman na marami rin akong gustong bilhin para sa sarili ko,” malamig na tugon niya sa ina.
Tumango ito bago laglag ang balikat na iniwan siya.
Napairap na lang si Adela. Sapat na kasi para sa kaniya ang isang libo na inaabot niya sa ina kada sweldo. Bahala na ito kung hindi iyon magkasya, hindi niya na problema pa iyon.
Kinagabihan, naghihintay siya ng jeep papunta sa kanilang opisina nang isang bata ang lumapit sa kaniya.
“Ate, pahingi naman ng pambili ng inumin,” anito habang mataman ang tingin sa hawak niyang buko juice, na kabibili niya lang din mula sa kalapit na tindahan.
Nagkunwari siyang hindi naririnig ang bata, at ibinaling niya ang tingin sa kabilang panig ng kalsada.
Sa huli ay umalis na lang ito nang marahil ay mapagtanto na wala itong mapapala sa kaniya.
Maya-maya lang ay isang jeep na ang dumating. Agad siyang nakasakay dahil saktong huminto iyon sa tapat niya.
Sumandal siya at pumikit. Subalit maya-maya lang ay naramdaman niya ang pagkalabit ng kung sino sa braso niya.
“Miss, paabot naman ng bayad,” anang isang babae.
Nanatili siyang nakapikit at walang pakialam.
“Grabe naman, iaabot lang ang bayad, e. Siya kasi ang malapit sa drayber,” narinig niyang reklamo ng babae matapos niyang ignorahin ang pakiusap nito.
“Hayaan mo na, tulog kasi,” depensa ng isang lalaki.
“Anong tulog? E kasasakay lang niyan. Ayaw lang mapakiusapan,” pakli ng babae.
Nanatili siyang nakapikit hanggang sa makarating siya sa destinasyon kung saan siya bababa.
Nang makababa siya ng jeep ay umakyat siya sa overpass para makatawid sa kabilang panig ng kalsada, kung nasaan ang kaniyang opisina.
Habang umaakyat ay isang matanda ang nagsalita sa likuran niya. Halos paos na ito kaya naman mahinang-mahina na ang boses nito.
“Hija, baka naman pwedeng magpatulong? Masyado kasing mabigat ang bitbit ko,” pakiusap nito.
Bahagya niyang sinulyapan ang mga dala nitong naglalakihang bag, ngunit nagtuloy-tuloy siya sa pag-akyat at hindi na pinansin ang matanda.
“Ako na ho ang tutulong sa inyo,” narinig niya wika ng isang babae sa likuran niya.
Nang makarating siya sa itaas ng overpass ay halos siya lang ang tao roon, kaya naman mas lalo niyang binilisan ang lakad.
Ngunit sa gulat niya ay isang balbas saradong lalaki ang sumalubong sa kaniya. Namutla siya nang makita ang hawak nitong p@talim.
“Akin na ‘yang gamit mo!” marahas na wika ng lalaki. May suot itong itim na sombrero, kaya hindi niya makita ang kabuuan ng mukha nito.
Mas humigpit ang kapit niya sa kaniyang bag.
Pasimple siyang luminga sa kaniyang gilid, at doon ay nakita niya ang isang magkasintahan na pawang nakatingin sa kanila ng mandurukot.
Hihingi sana siya ng tulong, subalit kumaripas na ng takbo ang dalawa.
Naiwan siya kasama ang mandurukot. Hinablot na nito ang bag niya, ngunit sa kagustuhan niya na maisalba ang sariling gamit ay nakipag-agawan siya sa holdaper na patuloy na iwinawasiwas ang hawak nito na p@talim.
Nabuhayan siya ng loob dahil sa dalawang naglalakad palapit sa kanila, kaya naman buong lakas siyang sumigaw.
“Tulong!”
Ang dalawang paparating, nang mapagtanto ang nangyayaring agawan ng gamit, imbes na tumulong ay kumaripas din ng takbo.Sa huli ay tuluyan nang nakuha ng magnanakaw ang gamit niya, at naiwan siyang nakasalampak sa konkretong semento sanhi ng malakas na pagtulak ng magnanakaw.
Napahagulhol na lang siya habang nanginginig pa rin sa sobrang takot.
Noon may lumapit sa kaniya. Ang matanda kanina noong paakyat pa lang sila sa hagdan.
“‘Nay, hayaan n’yo na ho ‘yan, hindi nga siya tumulong sa inyo kanina, e,” tila inis na komento ng babaeng nagprisinta na tumulong sa matanda.
Tila siya sinampal sa pagkakapahiya.
Hindi nagpatinag ang matanda. Itinayo siya nito.
“Ayos ka lang ba, hija? Nanginginig ka. Halika, i-report natin sa pulis ang nangyari,” anito bago siya inalalayan sa paglalakad.
Ang matanda ang sumama-sama sa kaniya sa buong proseso ng pagre-report ng nangyaring nakawan sa itaas ng overpass.
Ito pa ang nagbigay sa kaniya ng pamasahe pauwi. Hiyang-hiya si Adela nang ihatid pa siya ng matanda sa sakayan ng jeep.
“Mag-ingat ka, hija,” anito.
“S-salamat po. P-paano ko po kayo m-mababayaran?” nahihiyang tanong niya.
“Hindi na kailangan. Pero kung gusto mo, may alam akong paraan,” sagot nito.
“Paano po?” muling tanong niya.
“Ibalik mo sa iba ang tulong na ginawa ko,” nakangiting wika nito bago naglakad palayo.
Habang pauwi si Adela ay napaisip siya. Sa oras ng pangangailangan ay walang naglakas ng loob na tumulong sa kaniya, bagay na madalas din niyang gawin sa iba, maging sa kaniyang ina.
Kaya naman nangako siya na simula ngayon, hindi na siya magbibingi-bingihan at hindi na rin siya pipikit—tutulong na siya kung hinihingi ng sitwasyon, lalo na’t kung kaya naman niya.