Ganoon na lang ang Pagnanais Niya na Matulungan ang Pamilya ng Katrabaho Niya; Sa Huli ay Nabunyag ang Malalim Niyang Dahilan
“Gilbert, pare? Anong ginagawa mo rito?” halata ang gulat sa mukha ng katrabaho niyang si Victor nang makita siya.
Isang hapon kasi ay binisita niya ito sa ospital kung saan naka-confine ang anak nitong may malubhang sakit.
“Nabalitaan ko kasi sa mga katrabaho natin na may sakit ang anak mo. Kaya pala parating tila pasan mo ang mundo. Heto’t may dala akong pagkain para sa inyo,” paliwanag niya.
“Ganoon ba? Naku, nakakahiya naman at nag-abala ka pa. Maraming salamat!”
Bakas man sa mukha nito ang hiya ay naroon ang pasasalamat.
Alam niya kasi na sa mga panahong gaya noon ay mahalaga ang suporta ng iba, kaya iyon ang ginagawa niya para sa katrabaho.
Nakilala niya ang mag-iina nito, ang asawa nitong si Rosa at dalawang anak, kasama na ang batang may sakit na nagngangalang “Kiko.”
“Kung ‘di mo mamasamain, pwede ko bang malaman kung anong nangyari sa kaniya?” usisa niya.
Doon ikinuwento ng mag-asawa ang kondisyon na kinakaharap ng anak. Pinanganak na itong may sakit ngunit dahil sa kawalan ng pera ay hindi ito gaanong napagtuunan ng pansin ng mag-asawa.
Nang mapasuri sa espesyalista ang bata ay huli na ang lahat. Tanging operasyon na lang ang magsasalba sa buhay nito.
“Pakiramdam ko, wala akong kwentang ama. Hindi ko man lang matugunan nang maayos ang pangangailangan ng anak ko,” garalgal ang boses na wika ni Victor. Hindi na nito napigilan pa ang luha habang nagkukuwento.
Matinding awa ang nadama niya para sa katrabaho. Sigurado siyang napakahirap ng pinagdaraanan nito.
“’Wag mong sabihin ‘yan. Sigurado akong ginawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa kaniya. At saka hindi pa naman huli ang lahat, pwedeng-pwede pa natin siyang ipagamot,” aniya, bago tinapik ang balikat nito.
Tuluyan na itong humagulgol.
“Paano? Napakalaki ng kakailanganin namin kapag nagkataon. Kahit na ano yatang gawin ko, hindi ako magkakaroon ng ganoon kalaking pera. Ilalabas na lang muna namin siya sa ospital at mag-iipon muna kaming mag-asawa. Ipapagamot namin siya sa susunod na taon,” kwento nito.
“Ano ka ba! Bakit ka pa maghihintay ng isang taon? Ipagamot na natin siya ngayon, bago pa tuluyang lumala ang lagay niya!”
Hindi niya napigilan ang magtaas ng boses dahil sa narinig.
Gulat na napabaling ito sa kaniya, nagtataka.
“’Wag kang mag-alala. Tutulungan ko kayo, at makakahanap din tayo ng paraan,” pangako niya sa lalaki.
Bago siya umalis, inabot niya kay Victor ang lahat ng perang mayroon siya para makatulong man lang sa gastusin ng pamilya.
Hindi rin niya nakalimutan ang pangako rito. Talagang ginawa niya ang lahat para makatulong. Humingi siya ng tulong sa alkalde, sa kaniyang mga kakilala at kumatok sa mga programa ng gobyerno.
Hindi naman sila nabigo dahil makalipas lamang ang dalawang buwan ay nakaipon sila ng sapat na pera para pambayad sa operasyon ni Kiko.
“Maraming salamat sa’yo, pare. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa anak ko kung hindi mo kami tinulungan,” umiiyak na pahayag ni Victor habang mahigpit na nakayakap sa kaniya.
“’Wag ako ang pasalamatan mo. Marami silang nagtulong-tulong at nag-abot ng tulong para sa anak mo,” aniya.
“Bakit mo ba ginawa ‘to? Kung tutuusin, hindi mo naman kami kadugo. Bago mo lang rin akong kakilala. Matagal na akong nagtataka kung bakit ganoon na lang ang malasakit mo sa amin…” anito, na tila may isang sikretong nadiskubre.
Natigilan si Gilbert at sa narinig. Likas na mapagmalasakit siyang tao pero mayroon pa siyang isang mabigat na rason na walang nakakaalam—isang pangyayari na nag-iwan ng malaking puwang sa puso niya.
“Ayaw ko na magaya ka sa akin,” sagot niya.
“Anong ibig mong sabihin?” takang tanong nito.
Muli ay isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago ikinuwento rito ang tunay niyang rason.
“Ang totoo, minsan na akong nalagay sa posisyon mo nang magkasakit ang nanay ko. Malaki ang hinihinging bayad ng ospital para sa operasyon. Wala akong kakayahan para bayaran ang lahat kaya nang sabihin ni nanay sa akin na kaya niya pa namang tiisin, pumayag ako…”
“Hanggang sa isang araw, inatake na lang siya bigla at binawian ng buhay. Bigla-bigla. Nalaman ko na lang na tinitiis niya lang ang sakit para hindi ko na isipin ang gastos. Ayaw niya pala akong mamroblema,” kwento niya rito habang pilit na pinaglalabanan ang panunubig ng kaniyang mga mata.
Matagal na panahon na ang nakalipas pero sariwang-sariwa pa sa alaala niya ang pinakamadilim na parte ng kaniyang buhay.
“Buong buhay ko iyong pagsisisihan, na hindi ko ginawa ang lahat ng makakaya ko habang may pagkakataon pa. Pakiramdam ko kung hindi ako sumuko agad, sana ay nandito pa ang nanay ko hanggang ngayon,” patuloy niya.
Natahimik ang lalaki. Magkahalong simpatya at gulat ang nakita niya sa mga mata nito.
“Naiintindihan ko na ngayon. Ayaw mong magsisi ako kagaya mo, hindi ba?” maya-maya ay tanong ni Victor.
Marahan siyang tumango. Alam na alam niya kasi ang pakiramdam. Alam niyang wala na siyang mababago pa.
Alam niyang kahit na anong gawin niya, hindi na niya maibabalik pa ang oras. Pero pwede pa naman siyang tumulong alang-alang sa kaniyang ina, at hindi siya magsasawang gawin iyon para sa iba.