Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Babae ang Asawang Mahirap sa Probinsya; Siningil Agad Siya ng Karma

Iniwan ng Babae ang Asawang Mahirap sa Probinsya; Siningil Agad Siya ng Karma

Nanlilimahid na sa pawis si Rosela dahil sa nararamdaman niyang init sa maliit na barung-barong kung saan sila nakatira ng kaniyang asawa na si Favian.

Kahit nakatapat na siya sa pipitsuging bentilador ay hindi pa rin siya makahinga sa sobrang init kaya naisipan niyang lumabas na lang para doon magpahangin.

Mabuti na lang at nasa probinsya sila, sariwa ang hangin kaya kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Maya maya ay narinig na niya ang boses ng anak niyang si Kristof, siyam na taong gulang.

“Inay! Narito na po kami ni itay!” sigaw ng bata.

Napasimangot si Rosela, dumating na kasi ang mga buwisit sa buhay niya.

“O, tapos na pala ang klase mo? Mabuti naman para mapakinabangan na kita rito sa bahay. Ikaw ang magluluto ngayon,” wika niya sa anak. “At ikaw naman, bakit kayo magkasama ng anak mo?” baling naman niya kay Favian.

“Dinaanan ko po kasi si itay sa taniman ng pinya. Ang ganda po pala roon, ang daming mga tanim. Balang araw ay gusto ko ring magtrabaho roon, magtatanim ako ng maraming pinya,” tuwang-tuwang sabi ng bata.

Sa sinabi nito ay nagpanting ang tainga ni Rosela.

“T*ng ina ka! Hindi ka namin pinag-aaral ng tatay mo para maging trabahador lang sa pinayahan ha?” inis niyang sabi.

Kilala ang kanilang probinsya sa pagkakaroon ng malawak na taniman ng pinya, sa lugar din nila matitikman ang pinakamasarap at pinakamatamis na pinya. Isa ang kaniyang asawa sa mga trabahador sa isa sa pinakamalaking taniman ng pinya na pagmamay-ari ng mayaman at mabait na haciendero sa kanila.

“Hayaan mo nga ang bata kung iyon ang gusto niyang gawin paglaki niya. Marangal na trabaho ang pagtatanim ng pinya. Malay mo, balang araw ay doon nga siya makapagtrabaho at magkaroon ng mataas na posisyon,” nakangiting sabi naman ni Favian.

“Ay, ewan ko sa inyong mag-ama,” inis na sabi niya sabay inirapan pa ang mga ito.

Ang totoo’y sawang-sawa na siyang kasama ang mga ito. Sawa na siya sa mahirap na buhay. Matagal na niyang pinagtitiyagaan ang asawa niyang mangmang na hindi naman nakatapos ng pag-aral kaya pagtatanim ng pinya ang kinabagsakan. Ang anak naman niya ay tila wala ring pangarap sa buhay at gustong sumunod sa yapak ng amang kuntento na lamang sa pagiging trabahador sa hacienda. Hindi naman talaga niya mahal si Favian, pinilit lang siya ng mga magulang niya na maikasal sa lalaki dahil botong-boto ang mga ito kay Favian. Masipag, mabait at madiskarte kasi ang lalaki kaya ito ang napili ng nanay at tatay niya na maging asawa niya. Kung hindi nga lang siya nabuntis nito ay iiwanan niya ito noon sa simbahan at sasama sa mga kaibigan niya na mag-a-abroad. Balak din niyang ipal*glag noon ang anak na si Kristof kaso ay nagdalawang isip siya, itinuloy niya ang pagbubuntis sa pag-aakalang ang anak ang mag-aahon sa kaniya sa kahirapan pero nagkamali siya. Ang gusto lamang pala nito ay ang magtanim ng pinya gaya ng asawa niya at walang matayog na pangarap gaya ng pagiging isang doktor o abogado.

“Huwag ka nang magalit, mahal, sige ako na ang magluluto ng pagkain natin. Magpahinga na lang kayo ng anak natin,” wika ni Favian na kahit pagod sa maghapong pagtatrabaho ay nagawa pang gampanan ang dapat sana’y ginagawa ng misis. Nararamdaman ng lalaki na hindi masaya ang asawa sa buhay nila pero ginagawa naman niya ang lahat para maging maginhawa ito sa maliit nilang barung-barong. Binilhan nga niya ito ng bagong bentilador pero palagi pa rin itong nagrereklamo na mainit at binilhan din niya ng selpon ang asawa pero hindi naman nito ginagamit dahil pangit daw at hindi mamahalin. Siya na nga at ang kanilang anak ang gumagawa ng lahat sa bahay at buhay reyna na lang ang babae para hindi na ito mahirapan pero marami pa rin itong reklamo at hindi makuntento.

Kinaumagahan, sinamantala ni Rosela na umalis ang mag-ama dahil pupunta ang mga ito sa taniman ng pinya. Agad niyang pinindot ang selpon na binigay sa kaniya ni Favian at may tinawagan.

“Pumunta ka na rito, wala na sila. Bilisan mo, gusto ko nang makaalis sa impy*rnong lugar na ito,” sabi niya sa kausap.

Hindi naman siya nag-intay nang matagal, dumating din ang kanina pa niya inaabangan.

“Mabuti naman at narito ka na. Kanina ko pa naihanda ang lahat ng gamit ko. Ready na akong sumama sa iyo sa Maynila, Arturo,” malambing niyang sabi sabay halik sa labi ng lalaki.

Matagal na silang may lihim na relasyon ni Arturo. Nakilala niya ito sa palengke, isang matadero ang lalaki roon at ang sabi ay may negosyo raw itong tindahan ng karne sa Maynila. Guwapo at macho si Arturo, mas bata ng apat na taon sa asawa niyang si Favian kaya agad na nahulog ang loob niya rito. Mabulaklak naman ang dila ng lalaki na nadaan siya sa mga bola nito kaya ayun, bumigay siya. Kapag wala ang mister at ang anak niya sa nagkikita sila sa barung-barong at doon gumagawa ng milagro. Walang kaalam-alam si Favian na iniiputan na niya ito sa ulo. Ngayon ay nakapagdesisyon na siyang iwan ang asawa at sasama na siya sa kalaguyo papuntang Maynila para sa mas maganda at maayos na buhay na ipinangako nito. Dali-dali silang umalis at sumakay ng bus na lingid sa kaniyang mister at anak.

“Paalam sa buhay na mahirap, welcome sa mas mariwasang buhay sa Maynila,” tuwang-tuwang sabi ni Rosela sa isip.

Makalipas ang maraming taon

“P*nyeta ka! Darating ako ritong wala pang nakahain sa mesa?” galit na sabi ni Arturo saka ibinato sa mukha ni Rosela ang plastik na baso.

Hindi niya nailagan iyon kaya tumama sa noon niya. Napa-iyak siya sa sakit dahil nagkasugat pa ang noo niya. Wala siyang nagawa kundi mapahagulgol.

Ang akala niya ay may magandang bukas na naghihintay sa kaniya sa Maynila nang sumama siya noon kay Arturo. Niloko lang pala siya ng lalaki na nagsabing asensado ito at may negosyo roon pero ang totoo’y wala naman pala. Pa-ekstra-ekstra lang ito sa construction at pagiging matadero sa palengke. Ang mas masakit pa ay nang malaman niya na may asawa’t mga anak na pala ito at ginawa lang siyang kabit. Itinira pa siya nito sa maliit na paupahan sa iskwater na mas mainit at maliit pa kaysa sa barung-barong nila sa probinsya. Ang inasahan niyang aircondioned na bahay at marangyang buhay ay isa palang huwad.

“Sawang-sawa na ako sa iyo, Arturo! Ang akala ko’y nakaalis na ako sa impy*rnong buhay ko sa probinsya, iyon pala ay mas masahol pa sa impyerno ang naging buhay ko sa piling mo!” umiiyak niyang sabi.

“Kung hindi ka ba naman g*ga, ikaw itong sumama sa akin dito sa Maynila eh tapos ay magrereklamo ka? Magdusa ka, ikaw ang pumili nito, ‘di ba?” natatawang sagot sa kaniya ni Arturo saka dinuraan pa siya sa mukha. “Pwe! Iyan ang nababagay sa babaeng tulad mo, basura!” anito bago tuluyang umalis.

Sising-sisi si Rosela na mas pinili niya ang walang kuwentang lalaki kaysa sa mabait niyang asawa kaya naisip niya na balikan na lamang ito ang kanilang anak. Kahit paano ay may naipon naman siya para makabalik sa probinsya.

Nakasakay na siya sa bus pero minememorya niya sa isip ang paliwanag at mga sasabihin niya sa kaniyang mag-ama pag nakaharap na niya ito. Hindi man lang kasi siya nagpaalam noon sa mga ito kaya kinakabahan siya at namomroblema kung paano siya magmamakaawa na tanggapin siya ulit ng kaniyang mag-ama.

“Sasabihin ko na lang na nagpunta ako sa Maynila para mabigyan sila ng magandang buhay pero nabigo ako. Hihingi ako ng tawad sa hindi ko pagpapaalam noon sa kanila. Sigurado namang papatawarin nila ako dahil mga mangmang naman ang dalawang iyon, eh, madaling mauto. Iyon nga lang ay balik na naman ako sa hirap, pesteng buhay ito, napakamalas ko talaga!” aniya.

Ilang minuto pa bago ang kanilang lugar nang magstop over ang bus. Bumaba muna siya para bumili ng pasalubong na panuhol sa mag-ama niya para madali siyang mapatawad ng mga ito. Napansin niya na tumigil ang bus sa tapat ng malawak na taniman ng pinya na pagmamay-ari ng hacienderong amo noon ni Favian.

Nilapitan niya ang isang aleng nagtitinda ng mga kakanin.

“Pagbilhan nga po ng suman at puto,” aniya. “Wala pa rin po palang pagbabago rito, ano, manang? Marami pa ring tanim na pinya,” saad pa niya.

“Oo, hija, pero iba na ang may-ari ng tanimang iyan ng mga pinya. Matagal nang namayapa ‘yong mabait na hacienderong matanda. Alam mo ba, dahil walang ibang kamag-anak at pamilya ‘yung mayamang matanda ay sa pinakapinagkakatiwalaang trabahador niya ipinamana ang hacienda at ang malawak na tanimang iyan. Bukod doon ay ibinigay din ng yumaong matanda dun sa trabahador ang iba pa niyang ari-arian sa Maynila, ” kuwento ng ale.

Maya maya ay isang magarang kotse ang huminto sa tapat nila, nagsalita ang matandang babae.

“Naku, nandiyan na pala ang may-ari, eh,” anito.

Nang bumaba sa kotse ang mga sakay nito ay nanlaki ang mga mata ni Rosela nang makita kung sino ang mga ito. Ibang-iba na ang hitsura pero kilalang-kilala niya pa rin.

Ang anak niyang si Kristof na binata na at akay nito ang ang kaniyang asawa na si Favian, may edad na at mukhang mahina na ang katawan.

Lingid sa kaalaman niya, nang umalis siya noon nang walang paalam ay halos gumuho ang mundo ng mag-ama niya. Sobrang nalungkot ang mga ito sa ginawa niyang paglalayas pero hindi iyon naging hadlang para mas lalong magsumikap ang mga ito. Tinapos ni Kristof ang pag-aaral hanggang sa nakagradweyt ito sa kolehiyo sa kursong Agrikultura. Ang tinutukoy ng ale na trabahador na pinamanahan ng hacienderong dating may-ari ng taniman ay si Favian, kaya ngayon, ang lalaki na ang bagong haciendero sa taniman ng mga pinya. Tinutulungan ni Kristof ang ama sa pamamalakad sa hacienda at sa lupain na ibinigay sa mga ito.

Sa sobrang pagkapahiya ay hindi na itinuloy ni Rosela na makipagkita sa mag-ama niya. Wala na pala siyang mukhang maihaharap sa mag-ama niyang iniwan noon, sa asawang niloko at sa anak na minaliit niya. Wala siyang kuwentang asawa at ina.

Huli na para magsisi sa mga nagawa niyang katarant*duhan sa kaniyang pamilya. Kung hindi siya umalis at iniwan ang mga ito noon ay maganda na rin sana ang buhay niya, mayaman na rin sana siya ngayon.

Advertisement