Inday TrendingInday Trending
Sa Mismong Araw ng Kasal ng Dalaga ay Nag-Eskandalo ang Kaniyang Ina at Isiniwalat ang Itinatago Niyang Lihim sa Mapapangasawa; Matuloy pa Kaya ang Kasal?

Sa Mismong Araw ng Kasal ng Dalaga ay Nag-Eskandalo ang Kaniyang Ina at Isiniwalat ang Itinatago Niyang Lihim sa Mapapangasawa; Matuloy pa Kaya ang Kasal?

“L*tseng buhay ‘to! Olats na naman ako, p*nyemas!” inis na sabi ni Pelita nang umuwi sa maliit niyang barung-barong. Alas sais na ng umaga nang matapos ang pasugalan ng kapitbahay niyang si Aling Didang. Talo na naman kasi siya sa tong-its kaya mainit na naman ang ulo niya. Akala niya ay susuwertehin siya pero wala eh, mas kinapitan siya ng kamalasan kaya naubos lang ang pera niya na wala siyang napala.

Nang buksan niya ang bintana ay bumungad sa kaniya ang kinaiinisang tsismosang kapitbahay na si Aling Azon. Nagdidilig ito ng halaman at bumubulung-bulong na nakatingin sa kaniya.

“Anong binubulung-bulong mo riyan? Ang aga-aga ay sinisira mo ang araw kong tsismosa ka!” gigil niyang sabi saka inirapan ang babae.

“Hoy, Pelita, huwag mong ibunton sa akin ang pagkatalo mo sa sugal ha? Nananahimik ako rito!” sagot nito sa kaniya na tinasan pa siya ng kilay.

“Kung ayaw mong mapansin ka, huwag kang bubulung-bulong diyan, put*ng ina ka!” sigaw ni Pelita na minura pa ang kapitbahay.

Ganoon ang epekto sa kaniya kapag natatalo sa sugal, buong araw na aburido siya at parang gusto niyang mang-away. Ilang taon na rin ang nakakaraan nang hiwalayan siya ng dati niyang kinakasama dahil sumama ito mas bata at mas madatung na babae. Binuntis lang siya nito kaya nga galit siya sa mundo, nasira ang buhay niya, hindi na siya nakabalik sa pinagtatrabahuhang bar nang lumaki ang tiyan niya. Doon na siya nagsimulang malulong sa pagsusugal. Dahil nawalan ng trabaho ay sa sugal niya kinukuha ang pang-araw-araw niyang panggastos.

Mas lalo siyang nairita sa buhay niya nang isilang niya ang anak na si Kekang na walong taong gulang na ngayon. Siya nga ay hirap nang palamunin ang sarili, dumagdag pa ang buwisit na bata. Balak nga niyang ipal*glag ito noon o ibenta para magkapera pa siya pero naisip niya na baka mapakinabangan din niya ito.

Nang makita niya ang anak na natutulog pa rin sa sahig ay walang awa niya itong sinipa sa likod.

“Aray ko, inay!” sigaw ng bata na napabalikwas ng bangon sa sakit na naramdaman.

“P*nyeta ka! Tanghali na, nakahilata ka pa? Para may pakinabang ka, iutang mo ako ng kanin at ulam sa karinderya ni Aling Edna, bilisan mo! Pangit ka na nga, ang bagal mo pa!” wika ng babae.

Iyon din ang isa sa mga dahilan niya kung bakit ayaw na ayaw niya sa anak, ‘di gaya niya na maganda ay ubod ng pangit naman ang anak niyang si Kekang. ‘Di nga niya alam kung bakit binigyan siya ng anak na walang kasing pangit, kaya nga napapamura siya kapag naaalala niya ang ama nito na kaya lang siguro siya binuntis para bigyan siya ng anak na walang kwenta. Kekang ang ipinangalan niya sa bata dahil mukha itong Bakekang.

Pupungas-pungas namang lumabas si Kekang at dumiretso sa karinderya ni Aling Edna. Pagbalik ay may bitbit na itong isang plastik ng ulam na ginisang monggo at isang plastik ng kain na mag-isa lang na inubos ng babae at ‘di man lang tinirhan ang anak. Hinayaan lang ito ni Pelita na nakatunghaw sa kaniya habang kumakalam ang sikmura.

“Ano, gusto mo rin ito? Belat mo! Umutang ka uli mag-isa doon kay Aling Edna kung gusto mo, akin lang itong pagkain. Wala ka namang pakinabang dito at ang pangit mo pa kaya manigas ka riyan!” sabi ng babae sa bata.

Ganoon ang buhay ni Kekang kapiling ang ina. Bukod sa hindi siya nito mahal ay basura lang ang tingin nito sa kaniya. Pero kahit inaapi at alilang kanin ang turing sa kaniya ng ina ay mahal niya ito kaya nga tinutulungan niya itong dumiskarte para magkapera. Namamalimos siya sa kalsada at tumutulong sa pagtitinda sa talipapa. Ang kinikita niya ay ibinibigay niya sa ina na ginagamit naman nito sa pagsusugal, pero hindi iyon nakikita ni Pelita, ang tingin pa rin sa kaniya ay wala siyang pakinabang.

Isang gabi, galit na galit na umuwi sa barung-barong si Pelita na talo na naman sa tong-its at ang pinagbalingan nito ay si Kekang.

“Ikaw, ikaw ang buwisit sa buhay ko, sana ay ipinal*glag na lang kita o sana’y namat*y ka na lang para hindi puro kamalasan ang dumarating sa akin!” wika niya sabay hila sa buhok ng bata at walang awa itong kinaladkad palabas ng barung-barong at ipinahiya sa mga kapitbahay.

“Inay, huwag po nasasaktan po ako!” pakiusap ni Kekang habang humagagulgol.

Hindi pa nasiyahan si Pelita, para mas lalong mapahiya ang anak ay pilit niyang hinubad ang suot nitong shorts at panty at pinalakad na nakahubo ang bata.

“Inay, huwag pooo!”

“O, tingnan niyo itong burikat na ito, may magkakamali ba sa batang ‘to eh, kasing baho ng arinola ang pagmumukha? Kahit magpokp*k ito’y walang magkakainteres, eh,” humahalakhak na sabi ni Pelita na muling kinaladkad ang anak sa kalsada.

Kahihiyan ang inabot ni Kekang sa kamay ng sariling ina ng mga sandaling iyon. Nang magkaroon ng pagkakataon ay kinalas ng bata ang braso sa mahigpit na pagkakahawak ng ina, tapos ay tumakbo palayo.

“Hoy, put*ng ina kang bata ka, bumalik ka rito!” gigil na sigaw ni Pelita. Sinubukan niyang habulin ang anak pero hindi na niya ito naabutan pa.

Makalipas ang maraming taon

“Evans, do you take this woman, Kelly, to be your lawfully wedded wife?” tanong ng pari.

Tinitigan muna ng lalaki ang magandang mukha ng mapapangasawa, ganoon din ang babae na ‘di napigilang maluha habang biglang bumalik sa alaala niya ang nakaraan.

Ang babaeng ikakasal ay walang ibang kundi si Kekang. Nang lumayas siya noong gabing ipinahiya siya ng ina sa harap ng mga kapitbahay nila ay napilitan siyang mabuhay nang mag-isa sa kalye. Ipinagpatuloy niya ang pamamalimos para may makain. Natuto rin siyang mangalkal ng basura at ibinebenta ang mga nakukuha niya sa junkshop para may dagdag siyang pera sa pang araw-araw. Namasukan din siya bilang staff sa mga restawran, taga-hugas ng pinggan at serbidora at nang makaipon ay pinag-aral niya ang sarili na hindi ginawa noon ng nanay niya. Sabi kasi nito ay wala rin naman siyang mararating kahit makatapos siya dahil hindi rin naman siya matatanggap sa trabaho sa ganoong hitsura niya na walang kasing pangit.

Dahil matalino ay nagtagumpay siya sa pag-aaral mula elementarya hanggang sa makagradweyt siya sa kolehiyo. Bukod sa nakakuha siya ng scholarship ay nagtrabaho din siya bilang call center agent para makatulong sa iba pa niyang pangangailangan sa eskwela at pambayad ng upa sa boarding house. Nang makatapos sa kursong Civil Engineering ay nakapagtrabaho siya sa mas magandang kumpanya. Dahil malaki na ang kinikita ay naisipan niyang magparetoke ng mukha sa ibang bansa para tuluyan nang mabura ang bakas ng kaniyang malungkot na nakaraan. Naging matagumpay ang operasyon at nakamtan nga niya ang magandang mukha na naging puhunan din niya sa kaniyang trabaho. Pinalitan din niya ang mabaho niyang pangalang Kekang, at ngayon nga ay Kelly na. Bagay na bagay na ang bago niyang pangalan sa maganda niyang mukha.

Mula noon ay nakilala siya bilang isa sa mahuhusay na Civil Engineer sa Pilipinas kaya tambak ang nakukuha niyang mga proyekto. Nakilala rin niya ang lalaking nagpatibok ng kaniyang puso sa katauhan ng arkitektong si Evans Espiritu. Isang guwapo at mayamang tagapagmana. Pinamamahalaan ng lalaki ang pag-aari nitong construction firm na kilalang-kilala sa buong bansa. Nagtagpo sila sa isang seminar sa Amerika, nagkapalagayan ng loob, naging magkaibigan hanggang sa nahulog sila sa isa’t isa. Tanggap din siya ng mga magulang ni Evans na mga propesyunal din.

At ngayon nga ay ginaganap na ang kanilang kasal. Kaharap na niya ang magiting at simpatiko niyang prinsipe.

Nakahanda nang sagutin ng lalaki ang tanong ng pari nang biglang napalingon ang lahat sa nagsalita.

“Itigil ang kasal na ‘yan!” malakas na sigaw ng isang babae.

Nanlaki ang mga mata ni Kelly nang makita ang babae na nakatayo sa gitna ng simbahan. Nakapamewang ito at matalim na nakatingin sa kaniya.

“Akala mo siguro ay hindi kita matutunton, ano? Teka, ano nga bang nangyari sa iyo? Bakit nagkaganyan ang mukha mo? Bakit ang ganda ganda mo ngayon?” sunud-sunod na tanong nito.

Ang babaeng nanggugulo sa kasal nila ni Evans ay walang iba kundi ang kaniyang inang si Pelita. Lumipas man ang maraming taon ay hindi pa rin nagbabago ang hitsura ng nanay niya kahit halata na nadagdagan na ang edad nito’y maganda pa rin ngunit hindi rin nagbago ang kasamaan ng ugali nito.

“Napakasuwerte mo naman, Kekang, at nakabingwit ka ng mayamang lalaki, sa hitsura mo’y may nagkamali pa sa iyo? At talagang hindi mo ako nagawang imbitahan, ano? Ano bang ipinagmamalaki mo ha? Sa mga taong naririto, ako lang naman ang ina ng babaeng iyan na mapagpanggap!” galit na sabi ng babae na dinuro-duro pa si Kelly.

Hindi naman ikinahihiya ni Kelly ang ina, ang totoo ay ilang beses niya itong binalikan, pero kahit iba na ang mukha niya ay hindi pa rin siya tanggap nito bilang anak. Hinuhuthutan lang siya nito ng pera, minsan ay tumanggi siyang abutan ito dahil winawaldas lang nito sa sugal ang mga ibinibigay niya. Inimbitahan din niya ito sa kasal niya pero sinabi nito na wala raw itong pakialam kaya nga ipinagtataka niya kung bakit ito nag-eeskandalo ngayon. Kahit sa espesyal na araw niya’y gusto pa rin siya nitong ipahiya.

“O, ano na? Natahimik ka, ano? Nahihiya ka sigurong imbitahan ako rito kasi ayaw mong sabihin ko sa kanila at sa lalaking papakasalan mo ang katotohanan tungkol sa pagkatao mo! Alam niyo ba nang ipanganak ko ‘yan ay masuka-suka ako dahil napakapangit ng pagmumukha niya? Mala-halimaw nga ang hitsura niyan eh kaya nga ang ipinangalan ko diyan ay Kekang kasi mukhang Bakekang. Kung nakita niyo siya nung bata ay katatakutan at pandidirihan niyo talaga. Gumanda lang ‘yan dahil nagparetoke ng mukha niya, peke ang babaeng ‘yan! Pati ba naman pangalan niya ay pinalitan at ginawang Kelly? Diyos ko, kahit anong gawin mo, kahit ilang beses ka pang magbago ng mukha at pangalan mo’y aalingasaw pa rin ang kapangitan mo, g*ga!” humahalakhak na sabi ni Pelita.

Maya maya ay tumayo ang ilang kalalakihang bisita at sapilitang inilabas ang babae, pero kahit pinaaalis na ito ay sigaw pa rin ito nang sigaw ng…

“Peke ka! Isa kang peke!”

Gustong lumubog ni Kelly sa kinatatayuan, nabunyag na ang kaniyang lihim. Iyak siya nang iyak habang pinagtitinginan siya ng mga tao sa loob ng simbahan ngunit biglang hinawakan ni Evans ang nanginginig niyang mga kamay.

“I do, father… I want this woman to be my wife,” wika ng lalaki.

Hindi makapaniwalang napalingon si Kelly. Sinalubong siya ng titig ni Evans.

“Wala kang dapat na ikahiya, Kell…Kekang. Dahil kahit ano pa man ang nakaraan mo’y tanggap na tanggap ko ang buo mong pagkatao. Minahal kita kung ano ka, ano man ang tunay mong anyo o kahit binago mo ito’y wala akong pinagsisisihan na ikaw ang babaeng pinili kong pakasalan dahil isa kang mabuting tao. Kahit pa ‘yung dati mong hitsura ang kaharap ko ngayo’y hindi magbabago ang pagtingin ko sa iyo,” sinserong sabi ng lalaki saka hinalikan ang kanyang mga kamay.

Ang totoo’y matagal nang alam ni Evans ang lihim ni Kekang. Ipinagtapat ng babae sa lalaki ang ginawa niyang pagpapabago sa sarili nang magkakilala sila pero kahit ganoon ang nakaraan ni Kekeng ay minahal pa rin siya ni Evans nang buong puso at walang pag-aalinlangan. Dahil para rito, mas mahalaga ang kagandahang panloob kaysa sa panlabas.

Natapos ang seremonya ng kasal at sabay nilang hinalikan sa labi ang isa’t isa. Nagsipalakpakan naman ang mga bisita at humanga sa wagas na pagmamahalan ng dalawa.

Kahit tinangka ng ina ni Kekang na sirain ang pinakaimportanteng araw sa buhay niya ay mahal pa rin niya ito at ibinigay pa rin niya rito ang kaniyang pagpapatawad. Dinadalangin niya sa Diyos na sana, balang araw, ay kilalanin din siya nito bilang anak.

Advertisement