Hindi na Nagtrabaho ang Lalaki at Hinayaan na ang Misis na Kumayod sa Abroad; Grabe ang Ginawa Nito Para Makapagpadala Lang ng Pera sa Kaniya
Namomroblema ngayon si Tom sa paghahanap ng bagong trabaho. Natanggal kasi siya sa dating kumpanya na pinapasukan niya. Ang misis naman niya ay wala ring trabaho at kumikita lang ng kaunti sa pagba-buy and sell ng mga damit, make up, at iba pang pampaganda. May dalawa pa silang anak na pinag-aaral, isang na hayskul at ang isa ay nasa kolehiyo kaya aburido ang lalaki at ‘di malaman ang gagawin.
Isang araw, habang nag-aalmusal sila ng asawa niyang si Dorothy ay may dumating na ‘di inaasahang bisita, ang tiyahin ng misis niya na si Lagring at may dala itong magandang balita.
“Good news, sweetheart!” masayang sabi ni Dorothy.
“H-ha? A-ano naman iyon? At kasama mo pala si tiyang,” wika niya saka inalok na umupo ang ginang at ipinagtimpla ng kape at hinainan ng pagkain.
“Naku, nag-abala ka pa, Tom, salamat, narito ako dahil may sasabihin ako sa iyo,” sabi ng babae.
“Tungkol na nga ‘yan sa good news na sinasabi ko sa iyo,” sabad ni Dorothy na bakas sa mukha ang pagkasabik.
“Eh, ano nga po iyon?”
“Payagan mong mag-abroad itong asawa mo, oy! May amiga akong nagmamay-ari ng isang recruitment agency, maipapasok itong si Dorothy ng trabaho,” nakangiting sagot ni Lagring.
Natigil si Tom sa pagkain…
“S-saang abroad na naman ‘yan? Saka anong trabaho?” tanong niya na nakakunot ang noo.
“Dance instructor sa Japan. May discount ito saka pauutangin ko kayo kung gusto ninyo. Ayaw mo noon, magagamit na ng asawa mo ang kaalaman niya sa pagtuturo ng sayaw? Maganda ang kitaan doon,” tugon ng babae.
“Pumayag ka na, sweetheart. Malaki ang kikitan ko roon at saka mag-eenjoy pa ako dahil ang tagal ko na ring hindi nakakapagturo,” pagpupumilit ng kaniyang misis.
Ilang beses na kasing nag-a-apply na magtrabaho sa ibang bansa ang asawa niya pero hindi naman natatanggap pero sa pagkakataon iyon ay may kakilala ang tiyahin nito kaya madali na itong makakaalis. Sa pagkakataong iyon ay hindi nahirapan si Dorothy na kumbinsihin siya, wala siyang trabaho at kailangan nila ng pera para sa mga gastusin at sa pag-aaral ng mga anak nila kaya ano pa bang magagawa niya?
“Opportunity na ito para umangat ang buhay natin saka isang taon na lang ay makakagradweyt na si Bill sa kolehiyo, may makakatulong na sa atin sa pang-araw-araw nating gastusin dito sa bahay, kapag nakatapos na ang anak natin at nagkatrabaho na ay babalik na ko rito, magnenegosyo na lang tayong dalawa,” paglalambing ni Dorothy.
“Okey…okey…payag na ako,” aniya.
Tuwang-tuwa ang misis niya sa pagsang-ayon niya sa gusto nitong gawin. Habang mahimbing na itong natutulog ay patuloy pa rin niyang iniisip ang pag-a-abroad nito.
“Praktikalidad nga naman ngayon ang dapat. Sunggaban dapat ang dumarating na pagkakataon,” bulong niya sa isip.
Ngunit iba ang opinyon ng kaniyang mga kaibigan sa planong pagtatrabaho ng asawa niya sa ibang bansa.
“Alam mo, pare, iyang mga misis natin, para rin tayong mga lalaki, kung puwede’y magbubuhay-dalaga ang mga ‘yan lalo na’t sa napakalayong lugar pa magtatrabaho,” sabi ng isa sa mga kabarkada niya.
“Pards naman, tiyahin mismo ng misis ko ang gumagarantiya. At kilala ko si Dorothy, hindi siya ganoong klaseng babae,” pagtatanggol niya sa asawa.
“Bakit, kasama ba ang tiyahin niya hanggang sa Japan? Paano ka nakakasiguro na hindi iyon matutukso sa iba? Sa pagpayag mong iyan sa gusto ng asawa mo’y para mo na rin siyang dinala sa temptasyon niyan,” sabad ng isa pa.
“Mahal ako ng asawa ko, may tiwala ako sa kaniya,” tugon niya.
‘Di lang siya madiretsa ng mga kaibigan niya pero may tinutumbok ang mga ito.
“Iyan namang katapatan ay ‘di mapanghahawakan sa mahabang panahon, pare,” wika pa ng kabarkada niya.
Ngunit kahit anong paliwanag sa kaniya ng mga kaibigan ay mas tumiim sa isipan niya ang makakamit nilang kasaganaan sa pag-alis ng kaniyang asawa.
At dumating na ang araw ng pagpunta ni Dorothy sa Japan. Inihatid niya ito sa airport.
“Huwag mong pababayaan ang mga bata ha?” habilin ni Dorothy.
“Ikaw rin, huwag mong pababayaan ang sarili mo,” tugon niya.
Nang makaalis ang asawa ay buhay hari si Tom dahil bago umalis si Dorothy ay kumuha pa ito ng kasambahay kaya ligtas ang lalaki sa mga gawaing bahay. Sarap ng buhay ni Tom, dahil walang trabaho ay umaasa na lang sa padala ng kaniyang misis at naging batugan din na ayaw kumilos at pahila-hilata lang na nag-aantay ng grasya.
Ipinagyayabang din niya sa mga kaibigan ang buhay niya nang makapag-abroad ang asawa niya.
“Ang laki nga ng kita ni misis dun sa Japan, pare. Wala siyang mintis kung magpadala, kaya nga puro bago ang appliances namin sa bahay. At bukod pa ang ipinapadala at naiipon niya roon kaya kapag umuwi siya rito ay itutuloy na namin ang plano naming negosyo,” bulalas niya sa mga kasama.
“Ang suwerte mo naman! Kaya pala sitting pretty ka na lang sa bahay ninyo, eh,” natatawang sabi ng isa sa mga kaibigan niya.
Dahil kuntento na sa malaking kinikita ni Dorothy sa Japan ay hindi na siya nagtangka pang maghanap ng mapapasukan.
“Pahinga na lang ako. Hindi na ako magtatrabaho, tutal pag-uwi naman niya rito ay magnenegosyo na lang kami,” sambit niya sa isip.
Nagtuluy-tuloy nga ang suwerte ng misis niya sa abroad hanggang sa dumating ang araw ng pag-uwi nito sa Pilipinas ngunit sa pagbalik ni Dorothy ay may problema pala silang kakaharapin.
“M-may sakit ka ba, sweetheart? Anong nangyayari sa iyo?” sunud-sunod niyang tanong nang makitang masama ang pakiramdam nito.
“Wala ito, nahilo lang siguro ako sa biyahe,” sagot ng asawa.
Subalit ang simpleng pagkahilo ni Dorothy ay lumala kaya isinugod na niya ito sa ospital. Nang makausap niya ang doktor na tumingin dito ay laking gulat niya sa kaniyang natuklasan.
“She suffered an ab*rt!on!” wika ng doktor.
“A-ano?!”
Napag-alaman niya na nagpal*glag si Dorothy at nagkaroon ito ng kumplikasyon, pero sa awa naman ng Diyos ay ligtas na ito. Ngunit ‘di pa rin niya maipaliwanag ang nararamdaman sa mga oras na iyon. ‘Di lang pala pagtuturo ng sayaw ang trabaho sa Japan ng asawa niya, nagbenta rin ito ng katawan kapalit ng mas malaking kita para makapagpadala ng maraming pera. Kung kani-kaninong Hapon ito pumatol at nagpagamit upang pagbalik nito’y matupad ang mga plano nilang mag-asawa. At sa pag-uwi naman ni Dorothy ay marami talaga itong naipon kasama na ang perang gagamitin nila sa pagtatayo ng negosyo pero ang halaga palang iyon ay nagmula sa paglalako nito ng puri. Ang mas masakit ay nabuntis ng isang kustomer na Hapon si Dorothy, pero hindi ito pumayag na babalik sa Pilipinas nang may laman ang tiyan kaya naisip nitong magpalagl*g para walang ebidensiya, kaya lang, wala talagang lihim na hindi nabubunyag kaya gumawa ng paraan ang karma para isiwalat ang kalokohan nito.
Inusig tuloy siya ng kaniyang konsensiya. Kahit niloko siya ng asawa ay sobra ang pagkaawa niya sa mga pinagdaanan nito, mabigyan lang sila ng magandang buhay.
“Bakit kasi hindi ako nagtrabaho? Bakit ang asawa ko ang hinayaan kong magpakahirap sa malayo?” paulit-ulit na tanong ni Tom sa sarili na hindi na napigilang mapahagulgol.
Ipinaako niya kay Dorothy ang lahat ng responsibilidad na dapat ay katuwang siya, hindi niya inakala na ang kapalit ng pagiging batugan niya at palaasa ay pagsasakripisyo ng kaniyang asawa sa maling paraan, kaya ngayon ay pareho silang talo.
Ipinakita sa kuwento na huwag hayaang alipinin tayo ng katamaran at huwag lang umasa sa grasya na hindi pinaghihirapan dahil hindi natin alam ang laro ng kapalaran.