Pinagtangkaang Holdapin ng Lalaki ang Isang Restawran; Hindi Niya Inasahan Kung Sino ang Naabutan Niya Roon
Niluto na ni Jorge ang hapunan ng anak niyang si Juancho. Ginisa lang niya ang sardinas at nagsaing para makakain na ito. Mahirap lang ang buhay nila, nakatira nga lang sila sa tabi ng estero. Ang lugar nila ay magulo, maingay at marumi, wala naman silang magagawa, wala silang ibang mapupuntahan kaya nagtitiyaga na lang sila roon.
“Juancho, anak, kumain ka na ha? Itigil mo na ‘yang paglalaro mo sa labas! Huwag mong kakalimutang maghugas ng kamay bago mo lantakan ‘yang pagkain, kung anu-anong basura ang pinupulot mo riyan!” sigaw niya sa binatilyo na nasa labas ng barung-barong nila.
“Opo, itay. Papasok na ako diyan! Naglalaro lang naman kami nina Jopet ng holen at yoyo, eh,” sagot ng anak. “Ingat ka po sa trabaho,” saad pa nito.
“Pagkatapos mong kumain ay mag-aral ka ng lesson mo sa school ha? Baka mamaya ay lumabas ka na naman at maglaro,” paalala pa ni Jorge.
“Alam ko na po ‘yan, itay. Palagi naman po akong nagre-review eh. Kanina nga po naka-perfect score ako sa recitation sa English kaya tuwang-tuwa ‘yung teacher ko,” tugon ni Juancho.
“Very good ang anak ko a! Sige pagbutihan mo lang iyan ha? I-lock mo ang pinto pag labas ko, okey? O, babay na, love you, nak!” sabi niya saka niyakap at hinalikan sa noon ang binatilyo.
“Sige po, itay. Babay po. Love you din itay,” sabi ng anak.
Paglabas niya ay napangiti siya. “Napakasuwerte ko talaga sa anak ko, napakasipag mag-aral at napakabait. Huwag sana siyang maging katulad ko balang araw. Sana’y maging iba ang kapalaran niya,” bulong niya sa sarili.
Alas siyete na ng gabi, naglakakad na si Jorge sa palabas ng masikip na eskinita. May katagpo siya sa dulo niyon, walang iba kundi ang kasama siya sa raket, si Turco.
“Oy, pare, ano? Saan tayo ngayong gabi?” tanong niya sa lalaki.
Susuray-suray ito, naniningkit ang mga mata at amoy tsiko. Halatang nakainom ito, lasing na naman.
“Naknamputsa ka, Turco, kung kailan tayo may raket saka ka pa uminom at naglasing. Paano tayo niyan makakadiskarte?” inis niyang sabi.
“W-wala ‘to, pare. Tumagay lang ako ng kaunti, p-pampagana lang,” sagot ng lalaki na pautal-utal pang magsalita.
Natawa naman si Jorge sa pagsasalita ng kasama. “Ako pa ba ang lolokohin mong trant*do ka, eh amoy na amoy ko ang hininga mo, amoy alak. Ano na, saan tayo?”
“Hindi tayo tuloy ngayon, pare. Mainit sa atin ang mga parak,” tugon ni Turco.
“Ano? Eh, paano ‘yan? Kung hindi ako makakaraket ngayon, eh walang pambaon at pamasahe ang anak ko bukas pag pumasok siya sa school?” aniya.
Ang sinasabi niyang raket ay ang totoo niyang trabaho, ang pagiging snatcher. Hindi naman kasi siya nakatapos ng pag-aaral, hayskul lang ang naabot niya. Dati siyang macho dancer sa isang maliit na club noon sa Malate, doon niya nakilala ang ina ni Juancho na isa ring mababa ang lipad na gaya niya. Nagkaroon sila ng relasyon, umalis sila sa dating trabaho at nagplanong magbagong buhay. Nagsama sila pero nang mabuntis niya ang babae, pagkapanganak nito’y iniwan din sila at sumama sa mas maperang lalaki. Sinubukan niyang bumalik sa club pero hindi na siya tinanggap ng may-ari dahil may edad na at ang hinahanap doon ay mas bata. Sa madaling salita, laos na siya.
Dahil hindi na nakabalik sa pagiging macho dancer ay kinailangang kumapit sa ibang patalim si Jorge para buhayin ang kaniyang anak. Nakilala niya si Turco na pinuno ng mga snatcher sa kanilang lugar. Mula noon ay sumasama na siya sa lakad nito tuwing sumasapit ang gabi pero mukhang wala silang raket ngayon dahil sa dumarami ang kaso ng pandurukot sa kanila ay nakabantay ang mga awtoridad sa lugar nila.
“Pero huwag kang mag-alala pare, may ibang plano ako bukas at siguradong mas malaki ang kikitain natin,” sabi ng lalaki.
“Eh, ano naman ‘yan? Sure ba na big time ‘yan?” tanong niya.
“Oo naman, pare. Ihanda mo ang sarili mo dahil bukas ay may titirahin tayong restawran,” sagot ni Turco.
“P*tcha, m-manghoholdap tayo?” gulat na tanong niya.
“Bakit? Ayaw mo? G*go, mas malaki ang mahaharbat natin sa holdap kaysa sa paisnatch-snatch lang kaya kung go ka ay magkita tayo dito sa tagpuan natin. Big time ‘yung restawran na ‘yon na ang may-ari ay Intsik saka palaging maraming tao dun kaya siguradong tiba-tiba tayo,. Bukas doon muna tayo pagkatapos niyon saka tayo titira sa mga dyip, bus at sa mga bangko,” wika pa ng lalaki na may iniabot sa kaniya.
“P*tang ina, ano ito? Hindi ako mamamat*y tao, g*go!” sabi niya. Oo, snatcher siya, magnanakaw, kawatan at lahat na ng puwedeng itawag sa kaniya pero kailanman ay hindi niya maaatim na tumapos ng kapwa. May takot pa rin siya sa Diyos. Nasambit niya iyon matapos siyang abutan ng baril ni Turco na gagamitin nila sa panghoholdap.
“Mananakot ka lang naman, eh, wala naman akong sinabing gagamitin mo. Sige na, baka may makahuli pa sa atin dito. Basta bukas, pumunta ka rito ng alas siyete ng gabi. Hindi lang tayo ang titira, may dalawa pa tayong makakasama,” wika ni Turco bago tuluyang umalis.
Labag man sa loob niya ang gagawin ay wala na siyang ibang choice, kailangang gawin niya iyon para sa anak niya. Kaya kahit kinakabahan ay tinanggap niya ang alok ni Turco.
Nang sumapit ang oras ng pagkikita nina Jorge at Turco ay hindi talaga siya mapakali, may kung anong enerhiya na pumipigil sa kaniya pero mas nananaig ang pagnanais niyang magkaroon ng pera para sa pag-aaral ng kaniyang anak at para may panggastos sila sa araw-araw. Madali nga naman ang gagawin nila, manghoholdap lang, instant kita na agad. Ipinakilala sa kaniya ni Turco ang dalawa pa nilang makakasama, sina Oyo at Dudong mga snatcher din na gaya nila.
Nang marating nila ang restawran ay agad silang naghanda. Tamang-tama, maraming kumakain.
“O, alam niyo na ang gagawin ha? Piliin niyo ang tatabihan niyo. Ikaw, Oyo, sa matandang babae ka tumabi, ikaw Dudong dun sa matandang lalaki na mukhang mayaman at ikaw naman Jorge tabihan mo ‘yung payat na ale. Ako naman ang titira dun sa guwardiya at sa kahera. Sa laki ng mga baril natin ay tiyak na matatakot ang mga ‘yan,” wika ni Turco.
At dali-dali silang pumasok sa loob ng restawran. Nagsuot sila ng maskara sa mukha para hindi sila makilala. Maya maya ay nagdeklara na sila ng holdap.
“Holdap ‘to!” sigaw ni Turco, tinutukan ng baril ang guwardiya. “Subukan mong manlaban o humingi ng tulong, gigripuhan ko ‘yang tagiliran mo! O, ikaw babae, ibigay mo sa akin ang kita nitong restawran kundi ay papuputukan ko kayong dalawa nitong matandang ‘to!” pananakot niya sa guwardiya at sa kahera.
Si Jorge naman ay mabilis na kinuha ang bag ng payat na aleng puntirya niya, ‘di na niya nagawang tingnan ang iba pang kustomer dahil baka makunsensya pa siya. Bibilisan lang niya ang pagkuha ng mga mapapakinabangan nila para makaalis na rin sila agad.
Nang biglang…
“Aray ko! Buwisit kang g*go ka!” sigaw ng kasama nilang si Dudong nang sipain ng binatilyong waiter ang harapan nito. Mukhang nadurog si m*noy!
Dahan-dahang ibinaling ni Jorge ang paningin sa binatilyong waiter. Laking gulat niya nang makilala ito, ang anak niyang si Juancho!
Lingid sa kaalaman niya, pagkatapos ng klase ay nagtatrabaho ang anak niya sa restawran na iyon bilang waiter at ang kinikita ay ang ginagamit sa pag-aaral nito. Ang ibinibigay naman niyang pera rito kapag nakakaraket siya ay iniipon naman ng bata. Kapag umaalis siya sa gabi ay saka ito pumupuslit sa pagtatrabaho sa restawran.
Nataranta si Turco at nawala sa konsentrasyon dahil sinubukan nitong tulungan ang kasama pero nagawang agawin ng isang matapang na lalaking kustomer ang baril ng lalaki. Kinuyog ito ng iba pang kustomer habang si Jorge ay ipinagtanggol naman ang anak na tangkang papuputukan ni Dudong dahil sa ginawa nito.
“T*rantado ka! Ang usapan ay manghoholdap lang! Subukan mong saktan ang anak ko, manghihiram ka ng mukha sa aso!” sigaw niya, pero natigilan siya nang maramdaman na pinaputukan pala siya ng lalaki. Namanhid ang buo niyang katawan dahil may tama siya ng bala sa tagiliran.
“Diyos ko!”
Hindi na namalayan ni Jorge ang pangyayari dahil nagdilim na ang kaniyang paningin.
“Itay, itay!” sigaw ng anak niyang si Juancho. Nilapitan siya nito na tigib ng luha ang mga mata.
“Anak,” tanging nasabi niya bago siya nawalan ng malay.
Nang muling magbalik ang ulirat niya ay nakita niya ang sarili sa ospital. Naroon ang anak niya at nagbabantay sa kaniya.
“Mabuti naman po at nagising na kayo, itay. Alam ko naman po ang dati niyong trabaho sa club noon, pero ngayon, bakit po, itay? Akala ko po ba, nagtatrabaho kayo sa bar bilang waiter?” malungkot na tanong nito.
“Anak, patawarin mo ako. Wala akong ibang alam na gawin, eh. Wala naman akong pinag-aralan kaya wala akong ibang alam na trabaho,” aniya.
“Buti na lang po napakiusapan ko iyong may-ari ng restawran, mga kasama kong staff at mga kustomer na sa tatlong kasama niyo na lamang magsampa ng kaso. Mabait pa nga sila dahil ipinagamot kayo rito sa ospital. Itay, maraming paraan para mabuhay nang marangal. Magtulungan po tayo, kaya nga po nagwoworking student ako para matulungan kayong kumita, eh. Hindi pa huli para magbago, itay. Tulungan mo ang iyong sarili,” sabi ng binatilyo.
Tila natauhan si Jorge. Dahil sa maruming trabaho niya ay nalagay pa sa panganib ang sarili niyang anak. Muntik nang mapahamak ito dahil sa kaniya.
“Tama ka, anak. Simula ngayon ay magbabago na ang tatay mo,” pangako niya rito at sa kaniyang sarili.
Tinupad ni Jorge ang sinabi niya sa pinakamamahal niyang anak. Naghanap siya ng matino at marangal na trabaho. Sinuwerte naman siyang natanggap sa isang karinderya bilang tagahugas ng pinggan. Umeekstra din siya sa pagko-construction at kargador sa palengke.
Makalipas ang ilang taon ay nakatapos din sa pag-aaral si Juancho at nagkaroon ng magandang trabaho. Pinatigil na niya sa paghahanapbuhay ang ama at pinatayuan ito ng magandang bahay at binigyan ng puhunan para sa negosyo.