Inday TrendingInday Trending
Isang Bata ang Nakita Niya sa Kaniyang Panaginip; May Mensahe nga ba Itong Nais Iparating?

Isang Bata ang Nakita Niya sa Kaniyang Panaginip; May Mensahe nga ba Itong Nais Iparating?

“Sigurado ka na ba? Hindi ko na ba talaga mababago ang isip mo?” malungkot na tanong ng kaniyang nobyo.

Matigas na umiling si Nona. Alam niya kasi na wala nang anumang makakapagpabago sa desisyon niya.

Nasa huling taon na siya sa kolehiyo. Gayundin ang nobyo niya na si Paulo. Noong nakaraang linggo ay nalaman niya na buntis siya.

Nais ni Paulo na ituloy niya ang pagbubuntis, ngunit marami pa siyang plano sa buhay. At hindi kasama roon ang pagkakaroon ng anak sa edad na bente.

“Ligtas ba doon, mahal? Baka mapahamak ka…” ani Paulo.

Hinawakan niya ang balikat ng nobyo.

“‘Wag ka nang mag-alala. Ayos naman ang lahat. Pumunta ako roon kanina, maayos ang lugar at malinis. Mukhang magaling din ‘yung doktor na mag-aasikaso sa akin,” paliwanag niya.

Bagsak ang balikat na tumango-tango ito.

“S-sige. Kung hindi na talaga kita mapipigilan, sasamahan na lang kita bukas,” anito.

Umiling siya. Alam niya na mas lalo lamang masasaktan ito kung sasama pa ito sa kaniya sa clinic.

Nang gabing iyon ay maaga siyang natulog. Bilin din kasi ng doktor na magpahinga siya, dahil kakailanganin ng katawan niya ang lakas.

Nasa kalagitnaan ng gabi nang magising siya. Tila kasi nagyeyelo sa loob ng kaniyang silid, bagay na nakapagtataka dahil hindi naman bukas ang aircon. Hindi rin bukas ang bintana. Tanging sa electric fan lang nagmumula ang hangin.

Tumayo siya upang kumuha ng mas makapal na kumot, ngunit napapitlag siya nang makarinig ng tila iyak.

Nang ilibot niya ang tingin sa kaniyang silid ay nakita niya ang isang batang nakasuot ng pulang bestida. Nakatalikod ito sa kaniya. Yumuyugyog ang balikat nito, kaya niya nasiguro na ito nga ang umiiyak. Sa tantiya niya ay nasa isa o dalawa ang edad nito.

Napakunot noon si Nona. Sino ang bata? Wala namang bata sa bahay nila.

Unti-unti siyang lumapit sa bata.

Hinawakan niya ang balikat ng bata. Malamig iyon.

Akma itong lilingon sa kaniya nang mapabalikwas siya ng higa.

“Panaginip lang pala…” bulong niya habang pinapahid ang pawisan niya noo.

Nang lumingon siya sa bintana ay tirik na ang sikat ng araw. Nanlaki ang mata ni Nona. Male-late na siya sa appointment niya sa doktor!

Dali-dali siyang naghanda sa pag-alis.

Sa taxi habang papunta ng ospital ay naisip niyang tawagan ang sekretarya ng doktor. Nagda-dial na siya nang tumilapon ang hawak niyang cellphone.

Sa gulat ay napasigaw siya.

“Manong, dahan-dahan naman po,” inis na puna niya sa drayber habang hinahanap niya ang cellphone niyang nahulog.

“May batang sumulpot sa harapan ko!” anito, tila ninenerbiyos.

Mag-uusisa sana siya, ngunit nakalabas na ang matandang drayber. Ininspeksyon nito ang harap at ilalim ng sasakyan, tila sinisiguro na wala itong nabangga na kahit na ano.

Nang bumalik ang matanda ay balot ito ng pagtataka.

“Ma’am, pasensya na po kayo. Biglaan ang hinto ko kanina, kaya siguro halos nasubsob na po kayo. May bata kasi na sumulpot sa harap, kaya ako napahinto. Pero noong pag-check ko sa unahan, wala namang bata,” kwento nito.

“Baka naman namamalikmata ka lang, manong,” komento niya.

Umiling ito.

“Hindi, Ma’am, nakita ko talaga. Nakapulang bestida, siguro mga nasa dalawang taon ang edad,” paglalarawan pa nito sa batang nakita.

Gumapang ang kilabot sa sistema ni Nona. Naalala niya kasi ang batang nakita niya sa panaginip—nakapulang bestida rin ito.

Ipinilig niya ang ulo at bumaling sa drayber.

“Manong, ‘wag niyo na hong isipin ‘yun, tara na ho at kailangan ko nang makarating sa pupuntahan ko,” aniya sa matanda.

Nang makarating siya sa clinic ay dalawang oras na siyang late sa kaniyang appoitnment. Sa pagtataka niya ay maraming taong nakikiusyoso roon at mayroon ding mga pulis.

Sa bandang pintuan ng clinic ay may nakadikit na dilaw na tape, na karaniwan niyang nakikita sa mga pinangyarihan ng kr*men.

“Manong, pwedeng hintayin niyo ho ako? Kayo na rin ho ang babayaran ko pauwi, mukha kasing hindi ako matutuloy,” wika niya sa drayber.

Pumayag naman ito.

Bumaba siya ng taxi at nag-usisa.

“Naku, ilegal kasi ang ginagawa nilang pag-oopera riyan. Walang lisensya ang doktor. Kanina, habang nag-oopera ‘yung doktor, dinugo nang dinugo ang pasyente. Imbes na tumawag ng ambulansya, ang doktor, tumakas! Noong dumating ang ambulansya, wala nang buhay ‘yung pasyente…” kwento ng matandang napagtanungan niya.

“Naku, karma na ‘yun nung nanay…” narinig niya pang komento ng isa sa mga nag-uusyoso.

Nanlamig si Nona sa narinig. Marahil kung nagtuloy siya noong araw na ‘yun, baka siya ang minalas.

Tulala siyang naglakad pabalik sa taxi na naghihintay. Habang pauwi ay ikinuwento niya sa drayber ang kakatwa niyang panaginip, kung paano niya nakita sa kaniyang panaginip ang batang nakita rin nito.

“Ma’am, ipapalagl@g n’yo ba dapat ang anak n’yo?” seryosong tanong ng drayber habang matiim na nakatitig sa kaniya.

Hindi na siya nakapagkaila.

“Paano n’yo ho nalaman?” takang tanong niya.

“Narinig ko kasi kanina sa mga nag-uusap ang nangyari, kaya napagtagni-tani ko,” anang matanda.

“Siguro, Ma’am, kaluluwa iyon ng bata na ninais kang bigyan ng babala. Siguro gusto ka niyang iligtas, maging ang bata sa sinapupunan mo, kaya nagpakita siya sa’yo. Siguro ay nais niyang mabigyan ang anak mo ng tyansa na mabuhay, hindi gaya niya,” paliwanag ng matanda.

Hindi nakaimik si Nona. Pasimple niyang nahawakan ang buhay sa kaniyang tiyan.

Napaluha siya sa napagtanto. Tama ang drayber. Sa gagawin niya ay siya mismo ang tatapos sa buhay ng sarili niyang anak.

Dahil sa nangyari ay hindi niya na itinuloy ang nauna niyang plano. Naisip niya na haharapin niya na lamang ang galit ng kaniyang mga magulang. Hindi rin siguro siya patutulugin ng kaniyang konsensya kung itinuloy niya ang balak.

Nakahinga siya nang maluwag sa naging reaskyon ng kaniyang pamilya. Tama ang ginawa niya. Nalaman niya na mas magagalit pala ang mga ito kung itinuloy niya ang unang plano.

Humingi rin siya ng tawad sa nobyo niyang si Paulo. Masayang-masaya naman ito sa naging desisyon niya. Nangako ito na magiging mabuting ama sa magiging anak nila.

Makalipas ang ilang buwan ay isang malusog na batang babae ang isinilang niya. Pinangalanan niya itong “Angel.”

Hindi na niya nakita pang muli ang batang nakapulang bestida. Gayunpaman, naging tradisyon niya na na sa tuwing kaarawan ni Angel ay nagtitirik siya ng kandila, bilang pag-alala sa kaluluwa ng batang itinuturing niyang nagligtas sa kaniya at sa anak niya sa panganib.

Advertisement