Inday TrendingInday Trending
Isang Babae ang Sapilitang Pinaalis ng  Manager sa Mamahaling Restawran; Ikinagulat Niya ang Sumunod na Ginawa ng May-ari

Isang Babae ang Sapilitang Pinaalis ng Manager sa Mamahaling Restawran; Ikinagulat Niya ang Sumunod na Ginawa ng May-ari

“Maayos na ba lahat? Linisin niyo ang lahat ng sulok ng restawran! Kahit isang alikabok, wala dapat akong makita riyan!” aligagang utos ng manager na si Sherlyn sa kaniyang mga empleyado.

Mula sa kinatatayuan niya ay dinig na dinig niya ang bulungan na tila nais yatang iparinig sa kaniya.

“Ano’ng nangyayari? Bakit tarantang-taranta yata si Ma’am?” 

“Hindi ako sigurado pero darating yata ang may-ari kasama ang mga magulang! Syempre, bago lang siya! Kailangan na perpekto ang lahat pa ma-impress niya ang boss!”

“Kaya pala ang sungit!” wika ng isang babae, bago humagikhik.

“Araw-araw naman ‘yang masungit at parang dragon kung magbuga ng apoy!” biro naman ng kausap nito.

Nanliit ang kaniyang mga mata sa inis nang lingunin niya ang dalawa.

“O anong tinatayo-tayo niyo riyan? Balik na sa trabaho! Binabayaran ba kayo para mag-tsismisan ha?” nanggagalaiti niyang bulyaw.

Sabay na umiling ang dalawa. Kita niya ang takot at gulat sa mukha ng dalawa.

“‘Yun naman pala, eh! Bumalik kayo sa trabaho kung ayaw niyong kayo ang matanggal sa posisyon!” inis na babala niya sa dalawa

“Tawagin niyo kaagad ako kung may problema. Dapat perpekto ang lahat mamaya, kung ayaw niyong lahat tayo ay mawalan ng trabaho!” bilin niya sa mga empleyado bago siya nagdadabog na tumungo sa kaniyang sariling opisina.

“Bakit ba kasi biglaan ang pagpunta ni Sir Neil dito? Maayos naman ang report ng kita! Hindi naman nalulugi ang lugar na ito!” pabulong na angil niya.

Ngunit dahil wala naman siyang pagpipilian ay gagawin niya ang lahat para ma-impress ito sa kaniya.

Matapos niyang gawin ang iilang nabinbin niyang trabaho sa opisina ay lumabas siya para tingnan ang estado ng restawran. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang maayos naman ang lahat. Malinis gaya ng kaniyang nais maliban na lamang sa isa.

Agad-agad niyang tinawag ang isa sa mga waiter.

“Erik! Halika nga rito!”

“Bakit po?”

Itinuro niya ang kumuha ng kaniyang atensyon. Isang babaeng hindi naaayon ang suot sa restawran ang kampanteng nakaupo. Tila ito isang ordinaryong kustomer na kakain sa karinderya!

“Ano ‘yan? Bakit may ganyan dito? Hindi ba’t ang sabi ko ayaw ko ng kahit na anong problema ngayong araw? Paalisin mo ‘yan dito bago pa dumating sila boss!” utos niya.

“Bakit po, Ma’am? Kustomer pa rin naman po siya!” tila pagdadahilan nito.

“‘Wag ka nagmamagaling! Gawin mo ang inuutos ko, kung ayaw mong mawalan ng trabaho, ngayon din!” nandidilat na pananakot niya sa lalaki. 

Akala niya ay mabilis nilang mapapaalis ang babae subalit nagulat siya dahil nagtaas ito ng boses.

“Bakit niyo ‘ko pinapaalis? Kakain ako sa lugar na ito, may pambayad ako! Hinihintay ko lang ang anak ko!” giit nito.

“Pasensya na po, Ma’am. Utos po ng manager namin, wala po akong magagawa. Pasensiya na po talaga!” paulit-ulit na paghingi ng paumanhin ni Erik.

“Hindi! Hindi ako aalis dito! Iharap mo ang boss mo na ‘yan sa akin!”

Nang mapagtanto ni Sherlyn na hindi aalis ang babae ay iritado siyang lumapit. Sarkastiko siyang ngumiti.

“Hindi ho kayo pwede rito, Ma’am. Umalis na po kayo habang nakikiusap pa kami nang maayos. 5-star restaurant ito, hindi ito karinderya. Bumalik na lang ho kayo kapag maayos-ayos na ang suot niyo. Nakakahiya sa mga bisita!”

Nanlaki ang mata nito. Tila hindi makapaniwala sa mga narinig mula sa kaniya.

“Bakit mo ako binabastos, gayong kustomer ako?” inis na usisa nito.

“Ma’am, mahal ho ang mga pagkain dito.” Saglit siyang huminto bago pinakatitigan ang babae.

“Sa nakikita ko hong itsura niyo, baka ho hindi niyo mabayaran,” aniya.

“Kaya kong magbayad!” nagpupuyos sa galit na angil nito bago nanatiling nakaupo.

Magsasalita pa sana siya nang makita niyang papasok na ang boss niya ay wala siyang nagawa kundi ang utusan si Erik na dalhin sa malayo at medyo tagong lamesa babae upang hindi ito makita ng kaniyang boss.

“Magandang gabi po, Sir Neil. May problema po ba at napadaan kayo rito?” maligayang bungad niya sa lalaki.

Umiling ito.

“Wala naman! Si Mama ang gustong kumain dito kaya sasamahan ko lang sana. Ito kasi ang pinakamalapit na lugar sa kaniyang puso dahil ito ang una naming restawran. Sina Lolo at Lola pa ang nagsimula nito,” kwento nito.

Nakahinga siya nang maluwang at sinamahan itong umupo sa nakareserbang lamesa para rito. Ngunit mukhang may hinahanap ang lalaki dahil napansin niyang palinga-linga ito sa paligid.

“Bakit po, Sir? May kailangan po kayo?” agad na tanong niya.

“Ah! Si Mama kasi sabi niya nauna na siya rito pero wala naman siya. Sandali at tatawagan ko.”

Ilang sandali pa ay may kausap na ito sa telepono. Ngunit nahindik siya nang makita ang babaeng unti-unting papalapit sa kanila. Ang makulit na babae!

May kausap ito sa telepono.

Tila gumuho ang mundo niya nang tawagin ito ni Neil.

“Mama!”

Umupo ang babae sa tapat ng kaniyang boss habang matalim ang tingin nito sa kaniya.

“Mama, bakit parang kakaiba yata ang suot mo?” natatawang usisa ng lalaki.

“May nakarating kasi sa aking balita na ipinapagtabuyan daw rito ang mga kustomer na hindi maayos ang pananamit. Hindi ako naniniwala noong una, kaya sinubukan ko. Hindi ako makapaniwala sa naging trato sa akin dito! Itinuring ako na parang basura dahil lang sa suot ko!” gigil na kwento nito sa anak.

Dire-diretso itong nagkwento sa anak, walang kahit na anong itinagong detalye.

Kitang-kita niya ang galit na bumalatay sa mukha ng lalaki. Tiningnan siya nito na para bang hindi ito makapaniwala.

“Totoo ba iyon?”

Ni hindi siya makasagot. Tila siya itinulos sa kaniyang kinatatayuan. Agad siyang bumaling sa babae at humingi ng paumanhin.

“Sorry po! Hindi ko naman po alam na kayo pala ang Mama ni Sir–”

Tila kulog sa lakas ang boses ng babae nang muli itong magsalita.

“Hindi mo pa rin pala maintindihan? Nanay man ako ng boss mo o hindi, wala kang karapatan maliitin ang kahit na sino dahil lang sa suot nila! Hindi katanggap-tanggap ‘yun!” galit na sermon nito.

“Ang restawran na ito ay itinayo para ma-enjoy ng mga tao. Para makain nila ang lahat ng gusto nila, at para pagsilbihan sila na parang tao. Hindi para malait-lait lang ng kung sino. Hindi sila nagbabayad nang mahal para lang malait-lait mo,” paliwanag ng babae.

“Wala namang dress code dito. Ikaw ba ang may-ari ng restawran na ito para mag-imbento ka ng sarili mong patakaran?” inis pang pakli ng babae.

Tila sinampal si Sherlyn sa pagkakapahiya. Yukong-yuko lamang siya at hindi makaimik.

Mas lalo siyang nanlumo ng marinig ang boses ni Neil.

“Sorry, Sherlyn. Pero hindi ko gusto ang naging pamamalakad mo. Hindi tayo pareho ng pamamalakad na gusto, kaya hindi tayo maaring maging magkatrabaho. Ito na ang huling araw mo,” pinal na desisyon ni Neil.

Tumango siya at umiiyak na naglakad palayo. Sising-sisi siya ngunit naiintindihan niya ang sinasabi nito. 

Natutunan niya na dapat niyang bigyan ng kaukulang respeto ang lahat, mayaman man o hindi, maganda man ang suot o hindi, may pera man o wala!

Advertisement