Inday TrendingInday Trending
Simpleng Kabaitan ang Ipinamalas Niya sa mga Katrabaho; Sobra-Sobra ang Naging Balik Nito sa Kaniya

Simpleng Kabaitan ang Ipinamalas Niya sa mga Katrabaho; Sobra-Sobra ang Naging Balik Nito sa Kaniya

Pagod na pagod si Marietta ngunit may ngiti sa kaniyang mga labi habang nagtitimpla siya ng kape.

Katatapos lang ng trabaho niya nang araw na iyon ngunit bago siya umuwi ay nais niya munang timplahan ng kape ang bawat nars at doktor sa ospital kung saan siya nagtatrabaho bilang isang janitress.

Kagaya ng dati ay mainit na pasasalamat ang natanggap niya mula sa mga mababait na nars at doktor.

“Nanay, maraming salamat ho! Saktong-sakto ho at antok na antok na ako!” nakangiting pasasalamat ng nars na si Nina.

“Nanay, baka naman ho naaabala na namin kayo. Imbes na umuwi kayo kaagad ay nag-aabala pa po kayo para sa amin,” nahihiyang bulalas naman ni Rico, isa sa mga doktor.

Isang matamis na ngiti ang isinukli niya mula sa ito.

“Naku, wala ito! Alam niyo naman na ito na ang pasasalamat ko sa inyo, dahil hindi kayo napapagod sa pagliligtas ng buhay,” aniya sa mga katrabaho.

Hindi naman mapuknat ang ngiti sa labi ng bawat isa. Tila lugod na lugod sa narinig mula sa kaniya.

“‘Wag po kayong mag-alala, gagawin ho namin ang trabaho namin sa abot ng aming makakaya, lalo na ho’t napakalaki ng tiwala niyo sa amin, Nanay Marietta,” pangako ni Sandy, isa sa mga pinakabagong doktor doon.

Ilang sandali pa siyang nakipagkwentuhan bago siya nagdesisyon na umuwi. Malapit lang ang bahay nila mula sa ospital kaya naman nilalakad niya lang iyon. 

Habang pauwi ay hindi pa rin mawala-wala ang ngiti sa labi ni Marietta. Naiisip niya kasi na napakapalad niya para makarabaho ang mababait na mga tao sa ospital.

Kahit hindi siya nars o doktor na gaya ng mga ito, pakiramdam niya ay kapamilya ang tingin ng mga ito sa kaniya, kaya naman gustong-gusto niya roon.

Malayo pa lang siya ay nakikita niya na ang kaniyang mga apo na naghihintay sa bandang pintuan.

“Lola! Lola!” rinig niyang tuwang-tuwang sigawan ng mga bata. 

Pagod man ay nakangiti si Marietta. Ang mga batang iyon kasi ang dahilan kaya kahit na tutuntong na ang edad niya sa sitenta ay masigasig pa rin siyang nagtatrabaho.

Naabutan niya ang anak niyang si Sandra na naghahain ng simpleng hapunan sa hapag.

“‘Nay, maghugas na po kayo ng kamay at kumain na tayo,” nakangiting paanyaya nito.

Agad naman siyang tumalima.

“Kumusta naman ang mga bata?” usisa niya kay Sandra habang nasa kalagitnaan sila ng pagkain. 

“Maayos naman ho, Nanay. Si Betty medyo sinisinat, ilang araw na, pero umayos na rin naman kaninang bandang hapon.” 

“Anak, araw-arawin mo na lang ang pagpapainom ng vitamins sa mga bata. Alam mo naman ngayon, usong-uso na ang sakit. Kawawa naman ang mga bata kapag nagkasakit, mahal magpa-ospital,” malumanay na paalala niya kay Sandra.

“Opo, ‘Nay,” nakangiting turan nito.

Subalit agad ding nabahiran ng lungkot ang mukha nito nang tila may maalala. “‘Nay, pasensya na ho kayo. Alam ko naman na mahirap magtrabaho sa  edad niyo. Kung may mag-aalaga lang ho sa mga bata eh magtatrabaho rin ako, para naman hindi sa’yo nakaatang ang lahat ng responsibilidad.”

Ngumiti siya sa anak upang ipaalam dito na wala itong dapat na ipag-alala.

“Anak, alam ko naman ‘yan. ‘Wag mong isipin iyan. Masaya akong magtrabaho para sa atin. Mababait ang mga katrabaho ko. Pasasaan ba’t mairaraos din natin ito,” aniya sa anak.

Nang matapos silang kumain, sa sobrang pagod niya ay agad siyang nakatulog.

Nasa kalagitnaan ng gabi nang gisingin siya ng malalakas na yugyog. Naulinigan niya ang tarantang boses ni Sandra.

“‘Nay, si Betty! Kinukumbulsyon!” umiiyak nitong sigaw.

Napabalikwas siya nang bangon. Nang takbuhin niya ang apo ay inaapoy ito ng lagnat. Marahil sa sobrang taas ng lagnat ng bata kaya tumitirik ang mata nito.

“Dalhin natin sa ospital!” 

“Sige ho, tatawag ako ng tricycle!” tarantang sagot nito.

“Bakit pa? Tatakbuhin lang natin ‘yung ospital kung saan ako nagtatrabaho,” sagot niya sa anak.

Kitang-kita niya ang pag-aalinlangan sa mukha nito.

“‘Nay, mahal dun. Wala tayong pambayad…” anito.

“Wala tayong ibang pagpipilian. Kailangan nang maipagamot si Betty. Saka na natin alalahanin ang pambayad!” 

Kaya naman isinugod nila ang bata sa ospital. Sa kabutihang palad ay walang gaanong tao sa emergency room.

“‘Nay Marietta!” gulat na bulalas ni Rico, ang doktor na sumalubong sa kanila.

“Doktor Rico! Pakitingnan naman ang apo ko! Kinukumbulsyon!” naluluhang bulalas niya. 

“Kumalma po kayo, Nanay. ‘Wag po kayong mag-alala. Gagamutin namin ang apo ninyo,” anito bago nagmamadaling nag-utos sa mga kasamahan ng mga dapat gawin. 

Matapos ang kulang-kulang isang oras na paghihintay ay lumapit ang doktor sa kanila. Balisa ito.

“‘Nay, kritikal ho ang lagay ng bata. Nakita ho namin sa mga pagsusuri na may dengue ang bata. Kailangan ho nating salinan ng dugo ang bata, sa lalong madaling panahon,” tila nag-aalalang pagbabalita ng doktor. 

“Pwede ho nating kunan ng dugo ang ina o ang ama ng bata para malaman natin kung sino ang maaring mag-donate. Hindi rin ho kasi pangkaraniwan ang dugo ng bata,” maya-maya ay sabi nito.

Agad na namroblema si Marietta. Alam kasi nilang mag-ina na ang ka-dugo ng bata ay ang ama nito, ngunit hindi nila alam kung saan hahanapin ang lalaki. 

“Rico, paano ba ito? Hindi namin alam kung nasaan ang ama ng bata. Wala na bang iba pang pagpipilian?” naluluhang usisa niya sa doktor.

Mukhang mas lalo itong namroblema.

“Sige ho, ‘Nay. Tatawag ho ako sa Red Cross, o ‘di kaya ay tatawag ako sa mga kalapit na ospital na pwedeng makatulong,” sabi nito bago nagmamadaling nagpaalam. 

Subalit nang bumalik ito ay kabiguan ang mababakas sa mukha ng doktor.

“‘Nay, sa ngayon ho ay wala talaga tayong mahanap. Wala ho ba kayong makukunan na mga kamag-anak? Kasi ho baka ho hindi na kayanin ng bata na kumapit, kung wala talaga tayong mahahanap…” wika ng doktor.

Muling napaluha si Marietta.

“Wala talaga, Dok… alam niyo naman ho na dayo lang kami rito sa Maynila at wala kaming mga kamag-anak dito.”

Napabuntong hininga ang doktor. “Kung gayon ay wala ho tayong magagawa kundi ang maghintay.”

Halos maubos ang luha ng mag-inang Marietta at Sandra habang nananalangin na mailigtas si Betty mula sa kapahamakan.

Kaya naman tuwang-tuwa si Marietta dahil ilang minuto lang ang lumipas ay humahangos na bumalik sa kanila ang doktor upang ihatid ang magandang balita.

“‘Nay, may mga nag-boluntaryo ho na magbigay ng dugo ng ka-match ng sa apo niyo. Maililigtas na natin siya!”

Nang matapos na salinan ng dugo ang bata ay saka lamang itong idineklara na ligtas na sa panganib.

“Dok, saan ho nanggaling ang dugo?” takang tanong niya sa doktor,

“Nabanggit ko ho kasi sa mga nars at doktor na naka-duty ang nangyari sa apo niyo. Nang malaman nila ay sila mismo ang tumawag sa kani-kanilang mga pamilya para matulungang iligtas ang apo ninyo,” nakangiting paliwanag nito.

Napaluha na lamang si Marietta habang taos pusong nagpapasalamat sa mga nars at doktor na kasama niya sa trabaho.

“Wala ho iyon, Nanay Marietta, Sino-sino pa ho ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo rin? Parang pamilya na po namin kayo,” sagot ni Georgia, isa sa mga nars. 

Ngunit mas lalong hindi niya inaasahan ang sumunod na sinabi ni Doktor Rico.

“Bukod pa ho doon ay ‘wag niyo na rin hong alalahanin ang mga nagastos niyo. Nag-ambagan na rin ho kami para doon. Alam din ho kasi namin na poproblemahin niyo pa iyon kung sakali,” pahayag ni Rico.

Walang patid ang pagtulo ng luha ni Marietta.

“Ano ba ang nagawa ko at napakabuti niyo sa akin? Maraming salamat sa inyo!” umiiyak na bulalas niya.

Si Nina ang sumagot. “‘Nay, ‘yung pagdadala-dala niyo ho ng kape sa amin, at ‘yung pag-aalala niyo sa amin, akala niyo ho siguro ay wala lang sa amin iyon, ano? Ang totoo ho ay malaking bagay iyon, at nais din ho namin na ibalik sa inyo ang kabaitan niyo,” tugon ng dalaga. 

Kahit naluluha ay napangiti siya sa sinabi ng nars.

“Aba’y kung ganoon, habang nabubuhay ako eh rarasyunan ko kayo ng kape!”

“Kung ayos lang ho ba, eh! Sa totoo lang ho ay masarap ang timpla niyo, ‘Nay!” biro ni Rico, na ikinatawa ng lahat.

Punong-puno ng pasasalamat ang puso ni Marietta. Sino nga naman ba ang makapagsasabi na ang simpleng pag-aalala niya sa mga kasama sa trabaho ang magsasalba sa buhay ng pinakamamahal niyang apo?

Advertisement