Inday TrendingInday Trending
Ayaw Ikasal ng Dalagang Ito sa Babaerong Nobyo, Magbago nga Kaya Ito Katulad ng Pangako sa Kaniya?

Ayaw Ikasal ng Dalagang Ito sa Babaerong Nobyo, Magbago nga Kaya Ito Katulad ng Pangako sa Kaniya?

“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo, Jaycee, na ayaw kong magpakasal sa’yo, ha? Maraming beses ko na ring sinabi sa’yong ayoko na sa relasyon ito, pero anong ginagawa mo? Nagmamakaawa ka na huwag kitang iwan. Tapos ngayon, ako ang pagmumukhain mong masama sa maraming tao dahil hind ako pumayag sa proposal mo?” galit na sambit ni Selina sa kaniyang kasintahan, isang gabi nang biglang sumikat sa social media ang bidyo ng proposal nito na hindi niya sinang-ayunan.

“Pasensya ka na, mahal, hindi naman ‘yon ang intensyon ko. Gusto ko lang ipakita sa maraming tao na ikaw ang babaeng gusto kong makasama sa habang buhay,” wika nito habang naglalagay ng komentong burahin na ang naturang bidyo.

“Ako ang babaeng gusto mong makasama habang buhay? Pero may iba’t ibang babae kang kasama sa motel kada linggo?” sambit niya pa rito na ikinabuntong-hininga nito. “Mahal, matagal na ‘yon at labis ko na ‘yong pinagsisihan. Bigyan mo pa ako ng pagkakataong patunayan sa’yong mahal talaga kita,” pagmamakaawa nito saka agad na lumuhod sa harapan niya.  

“Edukada akong tao, Jaycee, matalino ako, kaya ayokong sayangin lahat ‘to para sa’yo! Tama na ang isang dekadang pagpapakat*nga sa’yo!” sigaw niya saka agad nang umalis sa inuupahan nilang bahay, labis man siyang habulin nito, hindi niya ito pinakinggan at agad na pinaandar ang kaniyang sasakyan palayo.

Unti-unti nang nawawalan ng amor ang dalagang si Selina sa isang dekada niyang nobyo dahil sa pagiging babaero nito. Ilang beses man niya itong patawarin at bigyan ng pagkakataon na magpakatino, panay pa rin ang pagbibigay sa kaniya nito ng sakit sa ulo.

Sa katunayan, ilang beses na niya itong nahuli sa motel na may kasamang babae dahilan para ilang beses niya na rin itong hiwalayan. Ngunit kahit na gustong-gusto na niya itong iwan dahil sa traumang naibibigay nito sa kaniya, hindi niya ito magawa dahil labis itong nagmamakaawa.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mabwisit dito nang bigla itong mag-propose sa kaniya sa isang mall sa harap ng napakaraming tao.

Nakuhanan pa ito ng bidyo ng mga nakakita at labis na nagalit sa kaniya nang tanggihan niya ang alok nito dahilan para ipakalat sa social media ang mukha niya at siya’y kagalitan ng napakaraming tao.

Sa dami ng panghuhusgang natanggap niya nang araw na ‘yon, nagawa niyang layasan ang binatang ito. Ngunit katulad ng ginagawa nito noon, sandamakmak na tawag at mensahe ang pinapadala nito sa kaniya. 

Sabi pa nito, “Parang-awa mo na, bigyan mo ako ng huling pagkakataon. Pangako, hindi ko na ‘yon sasayangin. Kung hindi mo ako mabigyan, mas mabuti nang tuldukan ko na ang buhay ko,” na labis niyang ikinabahala dahil alam niyang maraming masasaktan sa gagawin nito at siya ang tanging sisisihin.

Kaya naman, kahit na labag sa loob niya, muli siyang bumalik sa inuupahan nilang bahay at ito’y pinakalma.

Sa kagustuhan niyang makawala sa pagkakakulong niya sa binatang ito, naisipan niyang ilagay ito sa isang sitwasyon kung saan muli niyang masusubukan ang pagiging babaero nito. Wika niya, “Kapag ito nahuli ko, ilalagay ko rin siya sa social media para maintindihan nila ang dahilan ko!”

Katulad ng naisip niya, niyaya niya itong uminom sa isang bar. Doon, nagrenta siya ng isang dosenang babaeng aakit sa binatang ito habang siya, umaarteng lasing na at wala nang malay.

Naaaninag niyang unti-unti na itong nilalapitan ng mga babae dahilan para agad niya itong kuhanan ng bidyo.

Ngunit, hindi niya inasahan ang ginawa ng naturang binata. Tinataboy nito ang mga babaeng lumapit habang pinapakita ang singsing na binili nila noong magsimula pa lang ang relasyon nila. Wika pa nito kahit hindi totoo, “Kasal na ako, tigilan niyo ako. Nakikita niyo ‘yong magandang babaeng ‘yon? Iyan ang asawa ko, ilang beses man akong magloko riyan, hindi ako iniiwan kaya napakat*nga ko kung papatulan ko pa kayo at iiwan siya!” na labis niyang ikinaiyak.

Hindi niya mawari kung bakit ramdam na ramdam niya ang sinseridad sa bawat salitang binibitawan nito. Malaki man ang galit niya rito, hindi niya alam kung bakit nang lumapit ito sa kaniya upang buhatin na siya pauwi, mahigpit niya itong niyakap.

“Talaga bang nagbago ka na?” tanong niya rito.

“Papatunayan ko sa’yo araw-araw, mahal. Matagal ko nang napagtantong hindi ko kayang mabuhay na wala ka. Matagal na akong tumigil sa pangbababae kaya maniwala ka na. Ikaw na lang ang babae sa puso’t isip ko ngayon. Patawarin mo ako kung sinira ko ang tiwala mo,” sagot nito habang titig na titig sa mga mata niya at hawak-hawak ang kamay niya. 

Dahil doon, muli niya itong binigyan ng pagkakataon. Sabay nilang nilinis ang pangalan niya sa madla na labis niyang ikinatuwa.

Sa isang taong lumipas, ramdam na ramdam niya ang pagbabago nito dahilan para nang muli itong mag-propose sa kaniya, pumayag na siyang ikasal dito nang buong puso at wala nang pag-aalinlangan.

Advertisement