Inday TrendingInday Trending
Nainis ang Dalagang ito sa dating Kaibigang hindi na Namamansin, Pagiging Mayaman nga ba ang dahilan nito?

Nainis ang Dalagang ito sa dating Kaibigang hindi na Namamansin, Pagiging Mayaman nga ba ang dahilan nito?

“Reah, anong iaambag mo sa darating nating reunion?” tanong ni Heidi sa kaniyang matalik na kaibigan, isang umaga nang magkasabay silang pumasok sa trabaho. 

“Sino ba’ng nagsabi sa’yong magpupunta ako roon?” masungit na tanong ni Reah dito habang naghahanap ng baryang ibabayad sa bus.

“Anong ibig mong sabihin? Bakit hindi ka magpupunta? Ngayon na lang tayo ulit magkikita-kita, eh, hindi ka pa magpupunta! Parang hindi ka kaibigan!” inis na sagot nito sa kaniya saka siya bahagyang sinabunutan.

“Ayokong makita ‘yong kaibigan mong si Jojo! Aba, nakasabay ko ‘yon sa jeep noong isang buwan, tapos hindi man lang ako pinansin! Hindi ko naman masasabing hindi niya ako nakilala o nakita dahil nagkatitigan kami! Umiiwas lang talaga siya! Sa ibang lugar pa nga siya bumaba para hindi ako makasabay!” kwento niya rito na ikinalaki ng mga mata nito.

“Talaga? Baka naman may pinagdaraanan lang. Ikaw talaga, napakamatampuhin mo!” tugon pa nito na lalo niyang ikinainis.

“Ang sabihin mo, hindi na niya kayang mamansin ng mga mahihirap na katulad natin! Mayaman na ‘yon, eh, hindi ba? Isaksak niya sa bags niya ang mga pera niya!” gigil na gigil niyang wika habang hihinga-hinga dahilan para siya’y pakalmahin ng kaibigan.

Labis na naiinis ang dalagang si Reah sa isa sa mga matalik niyang kaibigang binata noong sila’y nasa hayskul pa lamang dahil pakiramdam niya, tila naging mataas na ang tingin nito sa sarili.

Ilang beses niya itong nakasalubong sa palengke, nakatinginan sa bus, at nakasabay sa jeep ngunit ni isang beses sa mga pagkakataong ito, ni hindi siya nito kinumusta o kahit tinanguan man lang na labis niyang ikinainis.

Sobrang lapit niya kasi sa binatang ito noon. Kasabay niya itong kumain, pumasok sa eskwela, gumawa ng takdang-aralin, at marami pang ibang mga masasaya’t malulungkot na pangyayaring kanilang napagdaanan dahilan para labis siyang magtaka sa biglaang paglimot nito sa kaniya.

Ito ang dahilan para siya’y makapagdesisyong hindi sumama sa muling pagkikita-kita ng kanilang buong tropa. Wika niya, “Bakit pa ako magpupunta roon? Bawal yata roon ang mahirap na katulad ko! Baka mamaya, wala pang pumansin sa akin doon!” 

Ilang araw pa ang lumipas, tuluyan na ngang dumating ang araw ng muling pagkikita-kita ng kanilang barkada. Labis man siyang pilitin ng kaniyang kaibigang si Heidi na sumama kahit wala na siyang iambag na pagkain o pera, siya’y nagmatigas na hindi na sumama.

“Ayokong magmukhang t*nga roon!” wika niya pa dahilan para siya’y tuluyang iwan nito at magpunta na sa lugar na pagdarausan ng kanilang pagkikita-kita.

Ngunit bigla na lang siyang nakaramdam ng lungkot nang makita niya ang mga masasayang litrato ng kaniyang mga kaibigan sa social media. Isasara niya pa lang sana ang selpon niya upang huwag nang makita ang mga larawang ito, bigla na siyang nakatanggap ng tawag mula sa kaibigan niyang si Jojo.

Nag-alinlangan man siyang sagutin ito dahil nga sa inis na nararamdaman niya, ilang beses siya nitong tinawagan dahilan para sagutin niya na rin ito.

“Ano’ng kailangan mo?” masungit niyang tanong dito. 

“Nagtatampo ka raw sa akin? Halika, mag-usap tayo, nandito ako sa harapan ng bahay mo!” sambit nito dahilan para siya’y matarantang lumabas ng bahay.

Doon niya nakitang lulan ito ng magandang sasakyan at ngiting-ngiti sa kaniya. Agad siya nitong pinasakay at nagulat siyang pinatakbo nito ang sasakyan. Bago pa siya magtanong, agad nitong sambit, “Pasensya ka na kung hindi kita napapansin, ha, gustong-gusto ko naman na kausapin ka dahil nga nami-miss kita, Reah, pero kasi, selosa ang dati kong nobya. Ayoko namang mapahiya ka o mapahamak kaya umiiwas na lang ako. Mabuti nga at napagdesisyunan ko nang makipaghiwalay doon, kaya ngayon, nagagawa ko na ulit ang gusto ko. Huwag ka nang magtampo, ha? Babawi ako sa’yo!” na kaniyang ikinagulat. 

Pagdating nila sa lugar kung nasaan ang kanilang mga kaibigan, naghiyawan ang mga ito sa tuwa na para bang sila’y mga kabataang nasa hayskul pa lang. Kitang-kita niya pang tuwang-tuwa ang kaibigan niyang si Jojo na labis niya ring ikinasaya.

Katulad din ng sabi nito, bumawi nga ito sa kaniya at siya’y binigyan ng trabaho. Pinahiram pa siya nito ng isang sasakyan upang huwag na siyang mamasahe papuntang trabaho dahilan para siya’y tuluyang makaipon at makatulong sa kaniyang mga magulang. 

“Salamat, Jojo, ha, at pasensya ka na rin sa agaran kong pagtatampo sa’yo,” wika niya rito habang sila’y papasok sa trabaho.

“Wala ‘yon! Alam ko namang matampuhin ka!” sambit nito habang patawa-tawa.

Advertisement