Inday TrendingInday Trending
Tsinitsismis ng Ginang na Ito ang Isang Dalaga Dala ng Inggit, Sinugod Tuloy Siya ng Nanay Nito

Tsinitsismis ng Ginang na Ito ang Isang Dalaga Dala ng Inggit, Sinugod Tuloy Siya ng Nanay Nito

Advertisement

“Hoy, mare! Halika, may chika ako sa’yo!” tawag ni Amelia sa kaniyang kumare, isang umaga nang mapadaan ito sa kaniyang maliit na talipapa.

“Ano na naman ‘yon? Gusto mo lang akong alukin ng itinitinda mong saging, eh!” bwisit na sambit nito habang unti-unting nalapit sa kaniyang pwesto. 

“Naku, hindi! Alam mo ba kung bakit biglang yaman ngayon ng pamilya ng kapitbahay nating si Pia? Naku, ‘yong anak pala ay mayroong karelasyong matanda!” nguso niya rito habang iiling-iling.

“Totoo ba ‘yang sinasabi mo? Paano mo naman nalaman? Diyos ko! Napakabata pa ng babaeng ‘yon, hindi ba? Sa pagkakaalam ko, no’ng marso lang ‘yon nakapagtapos ng kolehiyo!” tugon nito, bakas sa mukha nito ang labis na pagkagulat.

“Eh, kanino pa ba magmamana? Edi sa kaniyang inang kaladkarin! Kitang-kita ko ‘yong batang ‘yon bumaba ng isang sasakyang itim! Dito pa nga nagparke sa tapat ko ‘yong matanda, eh, kaya kitang-kita ko sa salamin ng bintana ang itsura!” kwento niya pa habang humahaba ang nguso.

“Ano, may lahi ba?” pang-uusisa nito na ikinatawa niya.

“Hindi! Mukhang mayaman lang pero parang maasim!” sagot niya dahilan para magtawanan silang dalawa, magkukwento pa sana siya sa kumare nang bigla namang may dalawa pang aleng bumili sa kaniyang mga paninda.

May-ari ng isang maliit na talipapa sa kanilang barangay ang ginang na si Amelia. Bente kwatro oras niya itong pinapatakbo para matugunan ang pangangailangan ng kaniyang tatlong anak na dalaga. Ito ang dahilan upang ganoon niya na lang masaksihan ang lahat ng pangyayari sa kanilang barangay na agad niyang nginunguso sa kaniyang pinakamalalapit na kumare.

Ang pinakapaborito niyang itsismis sa lahat ay ang anak ng kapitbahay nilang labis niyang kinaiinisan noon pa man. Kakompetensya niya kasi ito sa negosyo at pakiramdam niya, ginagaya nito lahat ng paninda niya kaya naman upang makabawi, bawat kilos nito at ng mga anak nito, kaniyang nginunguso sa iba.

Kaya naman, nang ilang araw na niyang mapansing bumaba sa isang itim na sasakyang minamaneho ng isang matanda ang anak ng ginang na ito, roon na siya nagpasiyang itsismis ito sa iba.

Bukod kasi sa hindi siya makapaniwala sa relasyong pinasok ng dalagang iyon, hindi niya pa lubos maisip kung bakit hinahayaan ito ng nanay nito. Wika niya pa, “Sa bagay, gustong-gusto yumaman ng nanay no’n, hindi pa ba siya kakapit sa patalim? Pero kung ako ang nasa kalagayan niya, hinding-hindi ko hahayaang makipagrelasyon sa matanda ang mga anak ko! Sakit ang makukuha nila roon! Saka, matatalino ang mga anak ko, hindi nila kailangan ng matanda para yumaman!”

Kinabukasan, matapos niyang ikwento sa kumare ang nasaksihan niyang pangyayari, nagulat na lang siyang bigla siyang sinugod ng nanay ng dalaga.

“Anong pinagkakalat mo rito, Amelia, ha? May matanda ang anak ko? Sinong t*ngang ina ang papayag na sumama ang anak niya sa isang matanda?” sigaw nito.

“Ikaw!” bulyaw niya rito.

“Hoy, magdahan-dahan ka, ha! Ang matandang nakikita mo, drayber ng pinagtatrababuhang kumpanya ng anak ko! Kasalanan ba ng anak kong maganda ang napasukan niyang kumpanya para itsismis mo? Kung naiinggit ka sa bigla naming pag-angat sa buhay, magsumikap ka, hindi ‘yong maninira ka!” sambit nito na ikinagulat niya. 

Sasagot pa lang sana siya nang dumating na ang ilang tanod sa kanilang barangay. Babala ng mga ito, kapag pinagpatuloy niya ang gawaing iyon, maaari siyang makasuhan ng paninirang puri at ipapasara ng kanilang kapitan ang kaniyang negosyo dahilan para siya’y manahimik.

Pinagsabihan na rin siya ng panganay niyang anak na mali ang ginagawa niya dahil bukod sa maaaring maapektuhan ang kredibilidad niya, malaki pa ang tsansang malugi sila dahil marami na ang nagagalit sa kaniya.

Tila nagkatotoo nga ang sinabi ng kaniyang anak dahil makalipas lang ang isang linggo, biglang tumumal ang benta niya na labis niyang pinagsisihan.

“Paano na kami ng mga anak ko ngayon?” tangi niyang tanong habang nilalangaw ang kaniyang mga paninda.

Dito na siya nagdesisyong tuluyan nang magbago. Makakita man siya ng mga pangyayaring masarap ikwento sa iba, tinitikom niya na lang ang bibig niya at mas pinagtutuunan ng pansin kung paano niya mabebenta ang kaniyang mga paninda.

Sa ganoong paraan, kumikita na siya nang ayon sa kanilang gastusin, marami pa sa kanilang mga kapitbahay ang muling nagtitiwala sa kaniya.

“Sa wakas, bumalik ang sigla ng mga paninda ko,” wika niya, isang araw nang napagdesisyunan niyang dagdag ng mga karne at isda ang kaniyang paninda na pinag-aagawan ng mga kapitbahay niyang muling nagtiwala sa kaniya.

Advertisement