Inday TrendingInday Trending
Umaarteng Mayaman ang Dalagang Ito, Nasampal Tuloy Siya ng Kapatid Niya nang Bastusin Niya ang Kanilang Ina

Umaarteng Mayaman ang Dalagang Ito, Nasampal Tuloy Siya ng Kapatid Niya nang Bastusin Niya ang Kanilang Ina

Advertisement

“Mama, ngayong tapos na ako sa hayskul, pwede bang sa isang pribadong paaralan ako magkolehiyo? Gusto ko kasi ‘yong matututo talaga ako at makakakuha agad ako ng magandang trabaho pagkatapos ko sa pag-aaral,” sambit ni Caroline sa kaniyang ina, isang hapon habang tinutulungan niya itong maglaba ng kanilang mga damit.

“Naku, anak, hindi mahal ang tuition sa mga pribadong paaralan? D’yan ka na lang pumasok sa unibersidad malapit sa palengke, libre na roon, malapit pa sa bahay natin! Hindi ka mahihirapan pumasok!” nakangiting sagot nito na labis niyang ikinainis.

“Diyos ko! Sa pampublikong paaralan niyo na nga ako pinasok nitong hayskul ako, eh, pati ba naman sa kolehiyo, sa pampublikong paaralan pa rin ako?” taas kilay niyang tanong dito. 

“Wala naman kasi tayong pera, anak. Alam mo naman ang takbo ng buhay natin, eh,” paliwanag nito sa kaniya habang panay ang pagsisisil sa damit.

“Ayon na nga, eh, mahirap na nga tayo, pinahihirapan niyo pa ako! Anong klaseng magulang kayo?” tanong niya rito saka padabog na ihinagis ang inaanlawang damit dahilan para magtalsikan ang mga tubig sa ina niyang nakatungo na lang dahil sa pagkabigla sa sinabi niya.

Palaging nakikisabay sa mga kaibigang may kaya ang dalagang si Caroline. Kahit na alam naman niyang wala talaga siyang mapipiga sa bulsa ng kaniyang mga magulang na parehas na nagtitinda lamang ng mais sa kalsada, panay pa rin ang paghingi niya ng pera sa mga ito.

Sa katunayan, halos sa kaniya na nga napupunta ang kalahati sa benta ng kaniyang mga magulang dahil sa palagian niyang pagdaing at sa tuwing hindi siya nabibigyan, katakot-takot na panunumbat at masasakit pang mga salita ang kaniyang binibitawan sa mga ito.

Sawayin man siya kung minsan ng panganay niyang kapatid sa tuwing naririnig ang mga ganitong pananalita niya, pati ito, kaniyang sinasagot.

Gusto niya kasing magbuhay mayaman katulad ng kaniyang mga kaibigan na kahit anong hilingin sa mga magulang ay agad na nabibigay. Nasa tamang edad na man siya ngayon, hindi niya pa rin maintindihan at makita ang pinagkaibahan ng buhay ng pamilya niya sa buhay ng kaniyang mga kaibigan.

Nang araw pang iyon, napag-alamanan niyang sa isang pribadong paaralan sa kolehiyo mag-aaral ang lahat ng kaniyang kaibigan dahilan para magpumilit din siyang mag-aral doon.

Wika niya pa sa ina pagkatapos niyang magdabog, “Buti pa ‘yong mga magulang ng mga kaibigan ko, agad na nabibigay ang gusto nila! Kung nagbabanat lang sana kayo ng buto maigi, sana, mayaman na tayo!” at nagulat na lang siya nang may tumama sa likuran niyang kaldero.

“Sumosobra ka naman yata, Caroline? Halos sa iyo na nga lahat napupunta ang kita nila, eh, ang lakas pa ng loob mo magsalita ng gan’yan! Huwag kang umarteng mayaman kung mahirap ka naman talaga!” sigaw sa kaniya ng kapatid niya, “Hindi ka ba naaawa sa kanila? Kasi ako, awang-awa na, kaya nga pinili kong magtrabaho kaysa mag-aral, eh, para makatulong sa kanila kahit papaano. Ikaw? Naisip mo ba ‘yon? Hindi, ‘di ba? Kasi wala kang ginawa kung hindi ipagpilitan sa sarili mo ang mga bagay na hindi para sa’yo!” dagdag pa nito saka siya sinampal nang malakas na ikinaiyak niya.

Narinig niya ring umiiyak na ang kaniyang ina habang patuloy sa paglalaba na agad na nilapitan ng kaniyang kapatid.

“Pasensya na, anak, hindi mayaman sila mama at papa,” biglang sabat ng ama niyang naroon pala sa likuran nila na labis na tumagos sa puso niya.

Iniiyak niya lang sa kanilang maliit na palikuran ang nararamdaman saka siya nagpasiyang umalis at doon matulog sa mansyong bahay ng kaniyang kaibigan.

Kinabukasan, tanghali na siyang nagpasiyang umuwi sa kanilang bahay at habang nasa daan, nakita niya kung paano maghirap magtawag ng mamimili at magtulak ng kariton ang kaniyang mga magulang sa ilalim ng initan dahilan para lalo siyang makaramdam ng pangongonsenya.

“Siguro nga, kailangan ko nang tanggapin ang mga bagay na hindi para sa akin,” wika niya saka agad na lumapit sa mga ito at tumulong magtawag ng mamimili na labis na ikinatuwa ng mga ito.

Katulad ng payo ng ina, minabuti niya na lang na pumasok sa libreng unibersidad para sa kaniyang pagkokolehiyo.

Siya rin ay naghanap ng part-time job upang makatulong din sa kanilang gastusin na talaga nga namang ikinatuwa ng kaniyang kapatid.

“Ang sarap sa pakiramdam na tumulong kila mama at papa, hindi ba?” tanong nito na labis niyang sinang-ayunan.

Advertisement