Inday TrendingInday Trending
Laging Umuuwing may Pasa ang Anak ng Ginang na Ito, Nanlambot Siya sa Balitang Natanggap

Laging Umuuwing may Pasa ang Anak ng Ginang na Ito, Nanlambot Siya sa Balitang Natanggap

Advertisement

“O, anong oras ka na naman umuwi! Saan ka ba talaga nanggagaling, ha? Hindi mo ba alam ang oras ng pag-uwi ng isang dalaga? Kung umuwi ka, akala mo kung sino kang maskuladong lalaking kayang makipagbuno sa mga tambay d’yan sa kanto!” sermon ni Mariposa sa kaniyang nag-iisang anak na dalaga, isang hatinggabi nang umuwi ito sa bahay nila. 

“Ah, eh, may tinapos lang po akong proyekto, mama, sa bahay ng kaklase ko,” katwiran nito na hindi niya pinaniwalaan.

“Sa bahay nga ba ng kaklase mo? O sa bahay ng nobyo mo? Halika, pustahan makakakita na naman ako ng pasa o latay d’yan sa katawan mo!” paghihinala niya saka agad na sinipat ang mga braso’t hita nito.

“Mama, nagkakataon lang po talagang nagkakapasa ako. Mababa po kasi ang dugo ko, mama, wala po akong nobyo,” tugon nito habang panay ang iwas sa pagsipat niya.

“Diyos ko naman, anak! Gagaya ka pa sa akin? Mag-isip ka, nga!” sigaw niya rito nang makakita na naman siya ng bagong pasa sa katawan ng dalaga.

Masama ang kutob ng ginang na si Mariposa sa nararanasan ng nag-iisang anak niyang dalaga. Pakiwari niya, mayroon itong mapanakit na nobyo na talaga nga namang nagpapahirap dito. Pagbawalan man niya itong umuwi ng hatinggabi, tuloy pa rin ito sa ganoong gawain na labis niyang ikinaiinis. 

Lalo pa siyang nabubwisit dito sa tuwing uuwing may pasa at latay na labis na tinatanggi nito. Idinadahilan pa nito ang pagbaba ng dugo kaya raw nagkakaroon ito ng ganoong mga pasa.

Kaya naman, kahit na hirap na hirap na siyang tumayo dahil sa iniindang sakit sa buto, pilit niya itong hinihintay makauwi upang makampante lamang sa lagay nito.

Sangkatutak pang paghihinala ang ibinibigay niya rito dahil nga ayaw umamin sa kaniya. May pagkakataon pa ngang napagbubuhatan niya ito ng kamay dahil kahit anong pilit niya rito ayaw nitong magsabi ng totoo sa kaniya.

Nang gabing iyon, pagtapos niya itong sermunan, tahimik lang itong nahiga sa tabi niya at agad nang natulog. Tila pagod na pagod ang mukha nito kaya napailing na lamang siya.

Pagkagising niya, wala na ito sa tabi niya. Hindi na siya ginising nito upang magpaaalam katulad ng dati nitong ginagawa.

“Anong oras na naman kaya uuwi ang batang iyon? Pasalamat talaga siya, hindi ako makaalis ng bahay kung hindi, naku, baka nakaladkad ko siya mula sa bahay ng kaniyang nobyo pauwi rito!” inis niyang sambit habang dahan-dahan nagliligpit ng kaniyang pinaghigaan.

Pagsapit ng tanghali, nagulantang na lang siyang nagtatakbuhan papasok ng kanilang bahay ang ilan niyang mga kapitbahay.

“Hoy, anong meron, ha? Bakit kayo nagtatakbuhan papasok dito?” mataray niyang tanong sa mga ito.

“Ate, huwag kang mabibigla, ha? Ang anak mo, sinugod sa ospital ngayon!” balita nito na ikinagulat niya.

“Ano’ng nangyari sa anak ko?” agad niyang pang-uusisa. 

“Namamasukan pala ‘yan bilang katulong sa isang mansyon sa kabilang barangay at nakita na lang namin siyang nakahandusay sa harapan ng gate! Minam*ltrato yata siya roon, ate!” balita nito na talagang ikinalaki ng mga mata niya. 

At dahil nga hindi siya makatayo, minabuti ng mga kapitbahay niyang ito na sila na lang muna ang tumingin sa dalaga. Alalang-alala man siya, wala siyang magawa kung hindi ang maghintay ng balita mula sa mga ito.

“Panginoon, iligtas Mo ang anak ko, parang-awa Niyo na!” iyak niya habang taimtim na nagdadasal. 

Sa kabutihang palad, wala pang isang linggo, agad nang nakalabas ng ospital ang kaniyang anak. Agad itong humingi ng tawad sa kaniya at nang tanungin niya kung bakit ito namasukan at nagsinungaling sa kaniya, bigla itong umiyak.

“Gusto ko pong mapaoperahan kayo kaya naisip ko mamasukan at magtiis sa mansyong iyon. Malaki po ang pasahod, eh, kaya hindi po ako makapagreklamo sa mga ginagawa at pinapagawa nila sa akin,” hagulgol nito na ikinaiyak niya rin.

Labis na pangongonsenya man ang naramdaman niya, masaya siyang ganito ang pag-iisip ng anak niya. Kaya naman, kahit na hirap siyang kumilos, ginawa niya ang lahat upang mapanagot ang may kagagawan nito sa kaniyang anak.

At dahil sa dami ng ebidensya sa katawan nito, mga saksing nakakita sa paggawang pananakit dito sa kalye, at mga CCTV videos na nakalap sa lugar na iyon, kahit na mayaman ang gumawa, nagawa nila itong ipakulong na labis niyang ikinatuwa.

“Ngayon, anak, huwag mo munang isipin si mama, ha? Mag-aral ka muna, kaya ko pa namang magtiis,” payo niya rito dahilan para mahigpit siya nitong yakapin.

Advertisement