Inday TrendingInday Trending
Panay ang Lait ng Lalaking Ito sa Kaniyang Kaeskuwela; Ngunit ang Panunukso Niya, Tila Yata May Ibig Sabihin

Panay ang Lait ng Lalaking Ito sa Kaniyang Kaeskuwela; Ngunit ang Panunukso Niya, Tila Yata May Ibig Sabihin

Advertisement

“Hi, Gayle! Hanep ang bangs natin ngayon, a. Ano ’yan, shield para sa mataghiyawat mong noo?” tatawa-tawang saad ng binatang si Kiel sa kaeskuwela niyang si Gayle na agad namang nagpangiwi sa dalaga. Nakipag-high five pa siya sa mga kabarkada para lalo itong mapikon.

Maaga pa, pero ngayon pa lang ay sira na agad ang araw ni Gayle, marinig pa lamang niya ang boses ng pinakakinaiinisan niyang kaklase.

“Aba, hindi namamansin. Nagsusuplada. Akala mo naman, may karapatan siya! Hindi bagay sa ‘yo, oy!” muli ay banat na naman ni Kiel na sinabayan pa ng nakakainis nitong bungisngis. Inis na inis na si Gayle sa mga sinasabi nito, ngunit minabuti niyang huwag na lamang itong pansinin kahit kailan. Ipinangako niya iyon sa sarili niya kagabi.

Sawang-sawa na siya sa mga panlalait ni Kiel sa kaniya, noon pa man. Akala siguro nito, por que nabiyayan siya ng magandang hitsura ay may karapatan na siyang manlait ng iba. Lalo na ang mga katulad ni Gayle na kulang sa aspetong ’yon.

Tanggap naman ni Gayle sa sarili niya na hindi siya maganda. Tanggap din niya na marami siyang taghiyawat sa mukha at hindi makinis ang kaniyang balat. Ngunit, kailangan pa ba iyong ipagduldulan ni Kiel sa kaniyang kukote sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos? Kailangan pa ba siya nitong ipahiya? Wala naman siyang natatandaang may nagawa siyang masama sa binata!

“Gayle, halika, dito ka na lang sa tabi ko maupo.” Napalingon si Gayle sa nagsalita. Agad naman siyang napangiti nang makilala kung sino iyon.

“Talaga? Naku salamat, Alfred,” nakangiti namang sabi ng dalaga. Hindi na siya tumanggi pa upang makaalis na siya sa pwesto niya, katabi ang anak ni Lusiper.

Bigla namang napamulagat si Kiel nang makita ang ginawa ng bago nilang kaklaseng si Alfred, na sa pagkakaalam niya’y kapitbahay rin nina Gayle.

Pakiramdam ni Kiel ay bigla siyang nainis sa presensya ng binata nang makitang nginitian ito ni Gayle. Pigil-pigil niya ang sariling sugurin ito upang patikimin ng kaniyang kamao.

“Bakit ba ako naiinis?” Maging siya ay napatanong din sa sarili. Inisip na lamang niya na dahil iyon sa hindi pagpansin sa kaniya ni Gayle, kahit anong gawin niyan pambubuska rito ngayon.

Dahil doon ay minabuti ni Kiel na huwag na lamang pag-trip-an ang pangit na si Gayle ngayong araw… ngunit kinabukasan ay naging ganoon na naman ang senaryo. Animo siya invisible para sa dalaga.

“Hoy, Gayle, bakit hindi mo ako pinapansin? Ang choosy mo, a. Buti nga, kinakausap kita!” sa inis ay biglang anas ni Kiel kay Gayle. Nagulat naman siya nang sa pagkakataong ’yon ay hinarap siya ng dalaga. Bahagya pa siyang nasabik dahil doon.

“Hindi ko rin naman gustong pansinin mo ako, kaya sana, huwag na lang talaga,” ngunit malamig na sagot lamang ni Gayle sa kaniya. Tila nakadama naman ng matinding kirot si Kiel sa kaniyang puso dahil doon. Hindi tuloy siya nakapagsalita.

Hindi mawala sa isip ni Kiel ang walang ekspresyong mukha ni Gayle nang harapin siya nito kanina. Hanggang ngayon ay nagtataka pa rin siya kung bakit apektado siya sa bagay na iyon. Bakit nga ba siya nalulungkot? Napakaraming tanong ang gusto niyang masagot sa kaniyang isipan habang siya ay naglalakad pauwi…

Natigilan si Kiel sa paglalakad nang makasalubong niya si Gayle. Mukhang pauwi na rin ito. Akmang lalapitan sana niya ang dalaga nang maunahan siya ni Alfred. Pagkatapos ay nagsabay na ang mga ito sa pag-uwi.

Napakainit ng ulo ni Kiel nang gabing iyon. Inis na inis siya sa kaniyang nakita kanina. Ngayon ay totoong naiintindihan na niya kung bakit nagkakaganoon siya!

Nakakarma na siya. Dahil sa palaging panlalait niya kay Gayle ay dito niya naibuhos ang kaniyang atensyon. Tuloy ay hindi niya na namalayang nahuhulog na pala ang loob niya rito. Ang masaklap pa, alam ni Kiel sa sarili niya na wala siyang pag-asa sa dalaga. Sagad hanggang buto ang galit nito sa kaniya.

Nasasaktan si Kiel, dahil alam niyang may nagugustuhan na si Gayle at wala siyang p’wedeng gawin para pigilan ’yon. Nagsisisi tuloy siya ngayon. Kung sana lang ay hindi niya nilait-lait noon ang dalaga, edi sana ay siya ang nasa posisyon ngayon ni Alfred. Isang malaking leksyon para sa kaniya ang nangyaring ito.

Nagpasiya si Kiel na lumipat na lamang sa ibang eskuwelahan upang makalimot. Ipinangako niya sa sarili na hinding-hindi na siya manlalait pa ng pisikal na kaanyuan ng iba, lalo pa at hindi natin alam kung kailan tayo dadapuan ng karma.

Advertisement