Inday TrendingInday Trending
Ayaw Isama ng Mapapangasawa Niya sa Paglipat ang Kaniyang Paralisadong Ama; Magugulat Ito sa Gagawin Niya

Ayaw Isama ng Mapapangasawa Niya sa Paglipat ang Kaniyang Paralisadong Ama; Magugulat Ito sa Gagawin Niya

Advertisement

“Kumusta na ang papa mo?” Nilingon ni Precious ang nagsalita sa kaniyang likuran at napag-alamang dumating na pala ang kaniyang nobyong si Kiko.

Nang mga sandaling iyon ay naabutan siya nito sa waiting area ng ospital at tulalang nag-iisip.

“Nandiyan ka na pala.” Tumayo muna si Precious bago humalik sa pisngi ng nobyo, pagkatapos ay bumuntong-hininga. “Okay naman na raw siya. Kaya lang, sabi ng doktor, permanente na raw ang pagkaparalisa ng kalahati ng katawan niya,” nayuyuko pang dagdag ni Precious sa malungkot na tono. Mabilis naman siyang inalo ng nobyo.

“Nakakalungkot naman. Kung kailan malapit na ang kasal natin, saka naman siya nagkaganiyan,” komento pa ni Kiko habang tinatapik ang kaniyang balikat.

“Iyon nga rin ang iniisip ko. Actually, ang plano ko nga sana, after ng kasal natin ay isasama ko si papa sa lilipatan nating bahay para matutukan ko ang pag-aalaga—”

“What?!” Pinutol ng malakas na tanong na iyon ni Kiko ang sinasabi ni Precious. “You mean, kasama nating titira sa bagong bahay ang papa mo?” kunot-noo pang pangungumpirma nito sa kaniyang sinabi.

“Yes—may problema ba ro’n?” Bahagyang nakaramdam ng inis si Precious sa naging tono ng pagtatanong ni Kiko.

“No, but…” Napasabunot sa sariling buhok si Kiko habang napapatingala. “Hindi ba p’wedeng ikuha na lang natin siya ng private nurse na mag-aalaga sa kaniya? Kung gusto mo, ililipat din natin siya sa ibang apartment. Kaya ko naman ’yon, e,” sabi pa nito na lalo lamang namang nakadagdag sa inis ni Precious.

“Kaya ko ring magbayad ng private nurse gamit ang sarili kong pera, Kiko,” anas pa ni Precious na halata na ang namumuong galit sa tono.

“Hindi naman ’yon ang ibig kong sabihin—”

“Gusto kong tutukan mismo ang pag-aalaga sa papa ko,” mariin pang putol ng dalaga sa sinasabi nito. “At hindi ko hinihingi ang permiso mo.”

“Pero ako ang mapapangasawa mo, Precious! May karapatan ako kung sino ang patitirahin ko sa bahay ko! Ayoko ng pasanin. Ayoko ng pabigat! Gusto kong mag-focus ka sa pamilya natin para mabigyan mo agad ako ng anak! Hayaan mo na ang ibang taong mag-alaga sa papa mo. Hindi worth it na mag-alaga ng taong malapit nang mawala sa mundo!”

Nanlaki ang mga mata ni Precious dahil sa mga salitang narinig mula sa kaniyang nobyo. Hindi niya akalaing magagawa nitong sabihin ’yon sa kaniya! Dahil doon ay hindi na napigilan pa ng dalaga nang kusang umangat ang kamay niya at maya-maya pa’y lumagapak ang kaniyang palad sa pisngi nito!

Tila natauhan naman si Kiko sa sampal ni Precious, ngunit huli na para bawiin niya ang kaniyang mga nasabi. Namalayan na lamang niya na tinatanggal na ng kaniyang nobya ang engagement ring na ibinigay niya rito at muli iyong isinampal sa mukha niya!

“Pwes, lalong hindi ko rin kailangan ng isang lalaking makitid ang utak. Hayan na ang sing-sing mo. Maghanap ka ng babaeng walang pagmamahal sa magulang niya at sa kaniya mo na lang ibigay ’yan!”

Tuluyang nakipaghiwalay si Precious kay Kiko. Tuluyan na ring umatras ang dalaga sa kanilang kasal. Naging usap-usapan ang pangyayaring ’yon, ngunit kalaunan ay nakalimutan din ng mga tao.

Lumipas ang mga taon at muling nakahanap ng babaeng pakakasalan niya si Kiko, at ganoon din naman si Precious na nakahanap din ng lalaking tatanggap at magmamahal din nang lubos sa kaniyang ama.

Naging masaya ang pamilyang nabuo ni Precious, kahit pa kasama nilang namumuhay ang kaniyang paralisadong ama, habang si Kiko naman ay naging miserable.

Nagkasakit kasi ang ina ni Kiko matapos sumakabilang buhay ang kaniyang ama. Dahil doon ay ginusto niyang alagaan ito at patirahin sa kanilang bahay, ngunit tutol doon ang kaniyang asawa. Hindi raw nito gusto ng pasakit sa buhay… at nang ipagpilitan ni Kiko ang desisyon niyang alagaan ang kaniyang ina ay ipinagpalit siya ng kaniyang asawa. Ang masaklap pa ay nagpabuntis pa ito sa iba!

Doon lamang naintindihan ni Kiko ang pakiramdam ng kaniyang dating nobyang si Precious. Lahat ng sinabi niya rito noon ay kinain niya rin, nang siya na mismo ang makaranas. Kung sana ay mas naging malawak ang kaniyang pang-unawa sa sitwasyon, sana ay hindi siya naging miserable.

Ngayon, ang kaya na lamang niyang gawin ay pagsisihan ang pinakamalaking pagkakamaling nagawa niya sa kaniyang buhay.

Advertisement