Inday TrendingInday Trending
Animo Hindi Magkadugo Kung Magpayabangan ang Magkapatid; Maayos pa Kaya ang Kanilang Gusot?

Animo Hindi Magkadugo Kung Magpayabangan ang Magkapatid; Maayos pa Kaya ang Kanilang Gusot?

Advertisement

Ngayon ang taunang reunion ng Pamilya Lazaro. Halos naroon na ang karamihan sa kanilang kaanak, nang mabaling ang atensyon ng lahat sa dalawang magagarang sasakyang halos sabay na huminto sa tapat ng malaking gate ng mansyon. Magkasabay rin ang naging pagbukas ng pintuan ng naturang mga sasakyan at parehong iniluwa ng mga iyon ang magkapatid na Misha at Masha—ang kambal na apo ng matatandang Lazaro, sa panganay nilang anak na si Marshal.

Dala ng dalawang babae ang kanilang ambag para sa salu-salo. Nagkagulatan pa nga sila nang makitang pareho pala sila ng pasalubong!

Sa isang iglap ay nakahain na sa mahabang mesa ng malaking silid kainan ng mansyon ang dalawang naglalakihan at naglulutungang Lechon!

“Wow, pareho pa kayo ng dinala, ha? Pareho talaga kayo ng taste, Misha, Masha,” puna ng isa sa kanilang mga tiyahin sa magkapatid.

“Naku, Aunty Nenita, hindi ho. Kasi ’yong Lechon na dinala ko, gawa pa mismo ’yan ng pinakamagaling naming chef mula sa ‘Lechon Capital of the Philippines’ na hinaluan niya ng sarili niyang style ng pagluluto, kaya siguradong mas masarap ’yan. Bukod pa d’yan ay gumawa rin siya ng special sawsawan, na kakaiba sa dati na nating mga nakasanayan,” mahabang paliwanag naman ng isa sa kambal—si Misha—sabay sulyap nang matalim sa kaniyang kapatid. Agad naman siyang sinagot nito sa pamamagitang ng pagngisi.

Bumaling si Masha sa kanilang mga tiyahin. “Aunty, sigurado po akong mas magugustuhan n’yo ang lechon ko, dahil alam kong mas gusto n’yo pa rin ang original. Mabilis kasing mapagsawaan ngayon ang lechon kapag kung anu-ano ang ginagawang eksperimento bago ihain…” Umakto pa si Masha na nandidiri habang sinusulyapan ang sawsawang dala ni Misha na ngayon ay inihahain na rin sa kanilang hapag. “Nakakaumay!”

Sa totoo lang ay hindi na bago ang ganitong senaryo sa tuwing magkakadaupang-palad ang magkakambal. Simula kasi nang makapangasawa sila ng mga lalaking parehong anak mula sa magkalabang mga kompanya ay nagkalayo na rin ang loob ng dalawa. Pareho silang may-ari ng magkalabang sikat na restaurant, kaya naman ganoon na lang kung sila ay magpataasan ng ihi. Ngunit tila nakalimutan na ng dalawa na sila ay nananatili pa ring magkadugo.

Dahil sa nakikitang iringan ng magkakambal ay tila nawalan na ng ganang kumain ang kanilang lolo at lola. Naiiling na tumayo ang mga ito sa hapag at nagpaalam na aakyat na sa kanilang kwarto.

Sa inis ng kanilang mga kaanak, hindi nagtagal ay nagsisunod na rin ang mga ito sa matatanda. Kaniya-kaniya silang alis sa kanilang pwesto upang magtungo na lang sa kani-kaniya nilang mga silid.

“Tawagin n’yo na lang kami kapag may nanalo na sa pagpapataasan n’yo ng ihi. Good luck!” pahabol na komento pa ng kanilang Aunty Nenita na halatang punong-puno ng sarkasmo.

Naiwan naman ang magkakambal na parehong nagulat sa nangyari. Pawang nanlalaki ang kanilang mga mata. Pareho silang napahiya sa kanilang mga kaanak.

“Kasalanan mo ’to, e!” maya-maya pa’y paninisi ni Misha sa kapatid.

“Anong ako? Sino ba’ng nauna?” sagot naman ni Masha.

Sasagot pa sana si Misha nang bigla silang matigilan. Pareho silang napabuntong-hininga.

“Napapagod na akong makipagtalo sa ’yo. Tingnan mo, pati mga kamag-anak natin, naaapektuhan na. Lalo na sina Lolo at Lola,” sabi ni Misha.

“Tama ka. Sigurado kung nandito pa sina mom at dad, babatukan nila tayo,” natatawa namang pag-alala ni Masha sa mga magulang nila. “Misha, ano ba’ng nangyari sa atin? Hindi naman tayo ganito noon, ’di ba?”

Biglang napapikit si Misha sa narinig mula sa kapatid. “Hindi nga,” aniya. “Sa totoo lang, best friends tayo noon,” sabi pa niya.

Tila biglang bumalik sa balintataw ng dalawa ang mga panahong sila ang halos magkasangga sa lahat ng bagay. Iyong mga panahong hindi pa sila damay sa iringan at kompitensya ng kanilang mga asawang magkalaban sa negosyo.

Namalayan na lamang ng dalawa na pareho na silang umiiyak habang inaalala ang kanilang nakaraan. Kapwa nila nais bumalik sa panahong iyon.

Maya-maya pa ay hindi na naitago ng dalawa ang pagka-miss nila sa isa’t isa. Nagyakapan ang magkapatid.

Sa loob ng mahabang panahon ay ngayon lamang sila ulit nakapag-isa nang ganito. Matinding damdamin ang kanilang pinigil para lamang suportahan ang kani-kaniya nilang mga asawa. Ngunit ngayon ay napagtatanto nilang mali pala ’yon…

Kaya naman nang araw na iyon ay nagpasya silang magbati na. Pagkatapos ay nangako rin sila sa isa’t isa na parehong kausapin na ang kanilang mga asawa na magkasundo na, dahil isa na silang pamilya ngayon… dahil kung hindi ay hihiwalayan nila ang mga ito.

Napagtanto kasi nilang mas matimbang pa rin ang pagmamahalan ng pamilya kaysa sa anumang alitan. Dahil kagaya nga sa isang kasabihang palaging ipinaaalala noon ng kanilang lolo at lola, “blood is thicker than water.”

Advertisement