Inday TrendingInday Trending
Isang Anghel ang Dumating sa Buhay Nilang Mag-asawa; Ngunit Tila Babawiin din Ito sa Kanila

Isang Anghel ang Dumating sa Buhay Nilang Mag-asawa; Ngunit Tila Babawiin din Ito sa Kanila

“Pasensya na po kayo, Sir, pero hindi po namin matatanggap ang papeles niyo. Ayon sa patakaran namin, hindi po kayo qualified na mag-ampon dito,” taas-kilay na pahayag ni Pat babaeng kausap niya habang ibinabalik nito ang mga dokumentong ipinasa niya. 

“Dahil ba lalaki ako, at lalaki rin ang asawa ko? Ganoon ba iyon?” hindi niya napigilang ibulalas.

Hinawakan siya sa balikat ng kaniyang asawa, marahil para pakalmahin siya. Nakumpirma niya ang hinala nang hindi sumagot ang babae.

Hindi na bago ang tagpong iyon sa kanilang mag-asawa. Ganoon kasi lagi ang nangyayari sa kanila. Kapag napag-alaman na nito ang pareho silang lalaki ay parati na lamang silang hindi pinapayagang mag-ampon.

Ilang beses na nilang sinubukang mag-ampon ngunit palagi silang nabibigo.

Bata pa lang siya ay pangarap niya nang magkaroon ng anak balang araw, ngunit alam niya rin na pusong babae siya.

Nang makilala niya ang kaniyang napangasawa na si Ted ay tutol ang lahat sa relasyon nila. Ngunit dahil mahal nila ang isa’t isa at gusto talaga nilang magpakasal ay pinag-ipunan nila ang legal na pagpapakasal sa ibang bansa.

Hindi naging madali ang lahat dahil sa pagiging iba nila ngunit naniniwala sila na parating may solusyon.

At hindi naman siya nagkamali, dahil isang araw ay isang magandang balita ang gumising sa kaniya.

“Pat! Pat! Tingnan mo ‘to! Dali!”

Naalimpungatan siya sa pagyugyog ng kaniyang asawa. Namulatan niya si Ted na napakalaki ng pagkakangiti.

Ipinakita nito ang cellphone kung saan may larawan ng isang batang lalaki.

“Sino ‘yan?” takang tanong niya sa asawa.

“Bata! Pinapaampon! Ti-next ako ni Manny, ‘yung kaibigan kong nagtatrabaho sa DSWD. Alam niya kasi na gusto nating mag-ampon ng bata. Tinatanong ako kung itutuloy pa ba natin, kasi naghahanap sila ng magiging magulang ng batang ‘to,” paliwanag nito habang nagniningning ang mga mata.

Hindi siya makapaniwala sa narinig. Napatayo siya mula sa pagkakahiga at niyakap niya ang asawa nang mahigpit.

Ngunit nang maalala niya na kadalasan silang hindi pinapayagan dahil sa kanilang kasarian ay napasimangot siya. Mukhang nabasa nito ang iniisip niya.

“‘Wag kang mag-alala! Sinabi ko na kay Manny ‘yang problema natin at ang sabi niya, magagawan niya ng paraan na maampon natin nang legal ang bata.”

Dahil sa sobrang pagkasabik nila ay agad nilang binisita ang bata noong araw ding iyon. 

“Tara, ipapakilala ko kayo,” bungad ni Manny.

Iyon ang unang beses nilang nakilala ang batang si Angelico. Ayon kay Manny ay dalawang taong gulang pa lamang ito. Maliit ito at payat ang pangangatawan ngunit nang ngumiti ito sa kanila sa unang pagkakataon, tila natunaw ang puso niya sa sobrang tuwa.

Alam niya na nakuha na nito ang puso nilang mag-asawa.

“Napaka-cute ng batang ‘yan at sobrang giliw na giliw kami. Pero nahihirapan kaming ipaampon siya,” kwento ni Manny. 

Natigagal si Pat. “Ano? Bakit naman? Kahit ngayon din ay iuuwi ko ang batang ito, eh,” natatawang biro niya.

Matagal bago ito nagsalita.

“May sakit kasi siya. May butas ang puso. Kaya nga inabandona ng magulang. Hindi raw kayang buhayin ang bata. Ang sabi ng mga doktor ay pwede pa naman siyang gumaling, ngunit mababa ang tiyansa lalo na’t masyado pa siyang bata.”

Natahimik ang mag-asawa. Pawang hindi makaapuhap ng sasabihin dahil sa awa sa pobreng bata.

“Maiintindihan ko kung hindi niyo na itutuloy. Alam ko naman na mahirap mapalapit sa isang batang maaari ring kunin sa inyong mag-asawa,” maya-maya ay dagdag ni Manny nang mapansin ang pagkatigagal ng mag-asawa.

Nilahad niya ang kaniyang mga bisig sa bata at kusa itong lumapit para magpabuhat.

Habang nasa bisig niya ang bata ay nanubig ang mga mata ni Pat. Pakiramdam niya kasi ay natupad na ang pangarap na matagal niya nang inaasam. Ang magkaroon ng sariling anak.

Nang magtama ang tingin nila ng kaniyang asawa ay nagkaintindihan na sila. Ngumiti ito at tumango bilang pagsuporta sa kaniyang desisyon.

“Kung ganoon, pwede na ba namin siyang iuwi sa bahay namin habang inaayos pa natin ang mga dokumento?” nakangiting tanong niya kay Manny. 

Nanlaki ang mata nito sa labis na pagkabigla. Nang makabawi ito ay naluluha itong tumango.

Nang gabi ring iyon ay iniuwi nila si Angelico sa kanilang bahay. Galak na galak ang mag-asawa habang pinapanood nila itong matulog na parang isang anghel.

“Anong plano mo?” maya-maya ay tanong ni Ted.

“Anak na natin siya kaya dapat lang na gawin natin ang lahat para sa kaniya. Gusto kong ipagamot ang sakit niya para mabuhay siya nang hindi siya nahihirapan sa sakit niya,” buo ang loob na tugon niya sa asawa.

Hindi ito nagsalita ngunit niyakap siya nito. Alam nilang hindi magiging madali ang lahat ngunit kakayanin nila para sa kanilang anak.

Ilang taon din silang nagpabalik-balik sa ospital. May mga oras na pakiramdam niya ay mas mabuting sumuko na lang, ngunit sa tuwing nakikita niya si Angelico ay nagkakaroon siya ng lakas ng loob.

Matapos ang mahigit isang dekadang pakikipaglaban nila sa sakit ay idineklara ng doktor na magaling na si Angelico at maaari na itong makapamuhay nang normal.

Labis ang tuwa ng mag-asawa. Hindi nila akalain na darating ang araw na iyon, na makakahinga sila nang maluwag at wala na ang mabigat na pasanin.

Noon dumating ang panibagong pagsubok sa buhay nila. Nang malaman kasi ng mga magulang ni Angelico na magaling na ang mga bata ay ninanais ng mga ito na muling kunin ang bata.

Naisip nila na karapatan din naman ng kanilang anak na makilala ang tunay nitong magulang kaya nagdesisyon siya na tanungin ito. Hindi naman kasi lihim na hindi nila ito tunay na kadugo.

“Anak, gusto mo bang makilala ang tunay mong mga magulang?”

Bumalatay ang labis na saya sa mukha ng binatilyo.

“Opo! Gusto ko po!”

Ang kagustuhan ni Angelico na makilala ang tunay nitong magulang ay nag-iwan ng matinding agam-agam sa puso niya.

“Paano kung gustuhin niyang sumama sa totoo niyang pamilya ngayong magaling na siya?” umiiyak na tanong niya sa asawa nang ikwento niya rito ang nais ng anak.

“Wala tayong magagawa. Hindi naman natin pwedeng pilitin ang bata na manatili siya sa atin,” pilit ang ngiting tugon nito habang kababakasan ng lungkot ang mga mata.

Kahit may agam-agam ay gusto pa rin nilang ibigay rito ang gusto nito lalo na’t iyon rin ang unang beses na magdiriwang ito ng kaarawan sa labas ng ospital. Nais nilang ibigay sa anak ang pinakamagandang regalo.

Hinarap nila ang magulang ni Angelico.

“Anak! Magaling ka na! Halika’t sumama ka na sa amin. Kami ang tunay mong pamilya,” wika ng ina nito habang mahigpit ang yakap kay Angelico.

Nangilid ang kaniyang luha ni Pat ngunit hindi siya nagsalita. Nagkasundo na kasi silang mag-asawa na kung anuman ang desisyon ng bata ay tatanggapin nila nang maluwag sa kanilang dibdib.

Kaya nagulat sila sa sumunod na sinabi ng itinuturing nilang anak.

“‘Ma, ‘Pa, alam ko pong gusto niyo na ulit ako makasama, pero hindi po iyon ang dahilan kung bakit gusto ko kayong makita uli,” anito.

“Gusto ko lang po kayong makita sa huling pagkakataon para ipaalam na maayos na ang lagay ko ngayon. Mabubuhay na ako nang mas matagal at hindi niyo na po kailangan pang mag-alala sa’kin. Naiintindihan ko po ang desisyon niyo noon at hindi po ako galit, pero gusto ko pong manatili kasama nila Papa Pat at Papa Ted. Pamilya ko na rin po sila at ayaw ko po silang iwanan,” lumuluhang paliwanag nito sa mga magulang. 

“Anak, dalawang lalaki ang magulang mo! Hindi kami sigurado kung lalaki ka nang maayos!” katwiran ng ama nito.

“Ano po ba ang depinisyon ng magulang? Hindi po ba’t ‘yung mga taong gumuho man ang mundo, hindi ka iiwan at susukuan? Sila Papa Pat at Papa Ted po ang magulang ko,” humihikbing tugon nito.

Tila napahiya naman ang dalawa, na pawang natulala.

Kumalas ito sa pagkakayakap sa tunay nitong magulang bago yumakap kay Pat at Ted.

“Salamat po sa pagpapatuloy sa’kin sa bahay niyo at pagturing sa akin bilang tunay na anak. Makakaasa po kayo na mananatili ako sa tabi ninyo bilang anak niyo,” madamdaming pahayag ng binatilyo.

Hindi maampat ang luha ni Pat dahil sa sinabi ng anak.

“Anak, sigurado ka na ba? Hindi naman kami magtatampo ni Papa Ted mo, eh. ‘Yung ilang taon ka naming kasama, sapat na sa amin ‘yun,” aniya sa anak.

“Hindi po. Mahal na mahal ko po kayo at gusto ko pong kayo ang makasama ko. Aalagaan ko po kayo hanggang sa pagtanda. Utang ko po sa inyo ang buhay ko, Papa.”

Punong-puno ng saya ang puso ni Pat. Akala niya ay mawawala na sa kaniya ang pinakamamahal niyang anak.

Naramdaman niya ang marahang pagtapik sa kaniyang balikat. Nalingunan niya ang tunay na ama ni Angelico. Hiya ang nakabakas sa mukha nito.

“Pasensya na kayo sa lumabas sa bibig ko. Nais kong magsalamat sa pag-aaruga sa anak namin. Tatanawin namin itong utang na loob habang kami’y nabubuhay.”

Ang ina naman nito ang nagsalita.

“Hindi man kayo ang nagluwal kay Angelico sa mundong ito, masasabi ko na kayo nga ang tunay niyang mga magulang. Napakaswerte ng anak niyo, at nasa mabubuting kamay siya,” lumuluhang wika nito, tila natanggap na ang masakit na katotohanan. 

Masayang-masaya ang mag-anak. Kay lalaking unos na kasi ang napagdaanan nila, ngunit nanatili silang matatag at hindi nabubuwag.

At alam nila na anumang suliranin ang dumating ay kayang-kaya nila iyong harapin nang magkakasama bilang isang pamilya.

Advertisement